opium lestre


A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob ong (part 1)


Bakit namamalo si Miss Uyehara?
May mga notebook bang lumilipad?
Bakit masakit sa ulo ang Mafhemafics?
Ano ang sikreto sa pagkakaibigan nila Pepe at Tagpi?
Bakit may mga taong nakapikit sa litrato?
Masarap ba ang AfriChado?
Sino si Tigang?
Bakit may mga classroom na kulang ang upuan?
Masama bang mag-isip nang malalim habang naglalakad?
Saan ang Ganges Rives sa Pilipinas?
Bakit may mga umaakyat ng overpass pero hindi tumatawid?
Sino ang webmaster ng bobongpinoy sa internet?
No calculators.
No dictionaries.
No erasures.
No cheating.
Oops, time's up!
Pass your papers.

A B N K K B S N P L A Ko? !
.

A B N K K B S N P L A Ko? !
Mga kwentong chalk ni bob ong
Para Sa:
Mga Guro
Mag-aaral
Dating mag-aaral
Ayaw mag-aral
Drop-out
Kick-out
Transferee
Cross-enrolled
At honor students
Grade 2. Section 1. Isang araw, buwan ng Hunyo, sa isang public elementary school: Hinati 'yung canteen, 'yung kalahati room namin. Siguro mga 40 pupils kami.39 lang ang upuan, at 30 lang ang ayos. Siyam ang magtitiyaga sa mga gumigewang na salumpuwit. Isa ang araw-araw na makikipag-Trip To Jerusalem. Ako 'yun.
Isang istante lang ang naghihiwalay sa klase namin at sa mga kusinerang nagluluto ng sopas. Sa room na ito kami pinagdala ng laruan para ipakita sa klase. Show and Tell. Walang problema, seaman si Tatay. Nagdala ako ng AA battery-operated police car. Walang kwenta, pero 'yun and dinala ko dahil 'yun and kasya sa bag kong maliit. Mataimtim akong nagdasal habang naghihintay na matawag sa recitation. Antagal. Ngawit na ako sa pagtataas ng kamay nang pansinin ako ng teacher ko. Wala na kasing ibang volunteer, tapos na lahat, at wala na s'yang choice kundi tawagin ako.
'ROBERTO! '
Lumuwa ang mata ng mga classmates ko nang magpunta ako sa harapan. Nakita nila ang laruan kong de-battery. Nung mga panahon na 'yon, jolens lang ang laruan ng mga bata sa amin. Ang sino mang may battery-operated na laruan e diyos.
'D-dis is may toy... eee-eeeets ah kar...'
'What kind of car, Roberto? ' tanong ng teacher kong, for the first time in history e, medyo humahanga na sa 'kin.
'Aah po-lis kar... eeeet has baterees...'
Natapos ang presentasyon. Instant celebrity ako at respetado na ang lahat. Nagkaroon na rin ako ng sariling upuan. Milagro. Bago mag-uwian ipinaalala ng teacher ko na magdala ulit kami ng laruan kinabukasan. Ayos. Moment of glory ulit.
Nagdala ako ng plastic na clown mask, 'yung kasya ulit sa bag ko. Nang mabalitaan ito ng classmates ko sa kalagitnaan ng klase, unti-unting nagkagulo. Nang malaman ng teacher ko ang pinagkaguluhan, tinanong ako kung bakit may laruan ako sa bag... kasabay nito ang malutong na palo sa hita ko. Aruy!
'K-kasi po, sabi nyo magdala ulit ng l-laruan...'
'May sinabi ba kong ganon? ' tanong n'ya sa buong klase.
Walang um-oo. Hanggang sa mga oras na ito hindi ko alam kung guni-guni ko lang yung narinig kong direksyon na magdala ulit kami ng laruan o ipinagkanulo ako ng classmates ko.
S'ya si Miss Uyehara. Maliit, may salamin, matanda, dalaga. Kung bakit n'ya ako pinalo, hindi ko alam. Pero maraming beses pa naulit 'yon, sa ibang teacher, ibang antas, ibang eskwelahan, ibang panahon. Seventeen years akong labas-pasok sa eskwelahan. Naging teacher's pet at teacher's enemy, nag-drawing ng aso't pusa, nangopya, nagpakopya, humiram ng notebook, hindi nagsauli, nag-recite, nag-cutting classes, naglinis ng room, umabsent, gumawa ng pekeng excuse letter, nag-vandal, nag-JS, nag-top ten sa NCEE, sumulat sa slumbook, sumulat ng 'I Promise To Bring My PE Uniform' ng 300 times, nagmartsa sa CAT, nagkamedal sa quiz bee, bumagsak sa periodical test, nag-flag ceremony.
Seventeen years. Meron din naman akong natutuna... hindi sinasadya. Minsan masarap mag-review.

'I have never let my schooling interfere with my education.'
-Mark Twain

Simula.
Unang baiting, unang araw ng klase. Eto ang masarap sa pag-aaral, 'yung umpisa! Lahat ng gamit, bago, liban na nga lang kung bunso kang tulad ko, dahil 'yung ibang gamit e pamana na lang ng mga kapatid mo. Ang sarap yata gumamit ng bagong notebook, pad paper, ballpen, lapis, pantasa, pambura, pencil case, paste, gunting, ruler, crayola, art papers, kokomban (coupon bond) , envelope, cartolina, lunchbox, water jug, kapote, at bag... lalo na pag amoy pabrika pa!
Hindi mawawala ang pasiklaban sa mga magkakaklase. Normal lang dito ang magkainggitan, lalo na pag ang ibang bata e may Sesame Street na pencil case, samantalang ang iba e plastic lang ng yelo ang lalagyan. May mga estudyante rin na mabango at amoy candy ang eraser, samantalang ang iba e binuhol na goma lang ang gamit. Meron ding kumpleto sa Tupperware na baunan, at meron din namang pandesal lang ang baon. May mga gumagamit ng imported backpacks, at meron ding gumagamit ng mga fish nets. Halu-halo, makikita mo sa public school ang iba't-ibang klase ng bata at iba't-ibang katayuan sa buhay.
Masarap ang Grade 1. Maraming bagong matututunan. Dito ako natutong magbasa ng isang buong paragraph, magsulat ng isang buong pangungusap, at mag-drawing nang matino. Dati kasi kahit anong hayop ang i-drawing ko, nagmumukhang ipis. Natuto rin akong tumula, kumanta, at bumilang nang mabilis,1 to100! Ang sarap ng pakiramdam lalo na pag kaya mong mag-countdown from 100 to 1, o kaya e 'yung tig-te-ten (10,20,30...) , o kaya tig-pa-five (5,10,15,20...) Akala mo solusyon na sa problema ng mundo pagbibilang.
'Bow-wow-wow, ' ang tahol ni Tagpi.
'Tagpi! Tagpi! ' ang sabi ni Pepe. 'Habulin mo ang bola.'
'Bow-wow-wow' ang sagot ni Tagpi.
'Yan ang mga tipikal na mababasa mo sa libro. Malalaki ang letra n'yan tsaka talagang malinaw ang pagkakasulat. Syempre sa umpisa, dadaanan n'yo ang Abakada (A, E, I, O, U; Ba, Be, Bi, Bo, Bu; Ka, Ke, Ki, Ko, Ku...) , tapos magiging words (Ba-ka, baka; Ba-hay, bahay; Ba-ba-e, babae) . Bilib sa 'kin 'yung teacher ko dati, mabilis kasi akong magbasa. Kaso nabuko n'yang kabisote lang ako nang basahin ko ang salitang 'bahay' sa libro. 'Kubo' pala ang nakasulat. Nanghuhula lang ako base sa pictures.
Pero hindi biro ang pagbabasa, rite of passage 'to pag natuto ka. Ibig sabihin nabinyagan ka bilang 'literate'. Kaya mong magbasa ng mga kasinungalingan sa dyaryo, ng mga subtitles sa foreign movies, at ng mga vandalism sa upuan ng bus gaya ng 'Bobo ang bumasa nito! '

Isipin mo: Librong manipis. Dilaw ang cover. May litrato ng babaeng nakasalampak sa sahig at may hawak na libro, tinuturuan n'ya ang dalawang bata, isang lalake at isang babae na parehong mukhang nalilibang sa pag-aaral. Anong libro ang pumasok sa isip mo?
Ang immortal na libro ng Abakada. 'Mga Unang Hakbang Sa Pagbasa'. Wala nang iba.
Ito ang initiation bago maging literado ang mga Pinoy sa Pilipinas. Lahat tayo nagdaan sa A-E-I-O-U at paulit-ulit na nagbasa ng bao, bibi, baba; aso, baso, tasa; at puso, pusa, puno. Araw-araw malakas, pero mabagal na nagbabasa ang buong klase nang sabay-sabay. Basa-sulat-basa.
Hindi ko alam kung ilang dekada na natin napakinabangan ang dilaw na libro ng Abakada. Pero sa huli kong silip sa mga pahina nito, nakita ko ang high entertainment value na hindi natin pansin dati. Bukod sa kuwento tungkol kina Bobo at Lito, nabasa ko sa libro ang mga sumusunod na halimbawa ng pangungusap:
Ang tinapay ay lasang sapal.
May amag ang pansit-luglog.
Ibig kong kumain ng sisiw.
Ikaw at ako ay kakain sa araw-araw.
Mahabag ka sa batang binugbog.
May ulol na aso sa daan.
Ang halik ni Hudas ay masama.
Hindi ko rin alam kung ilang henerasyon na ng Pilipino ang napagsilbihan ng nasabing libro, pero sa nakita ko sa kopya ng pamangkin ko, ganon pa rin ang kapalaran nito. Hindi pa rin nakatakas ang mga litrato sa mga makukulit na guhit ng krayola na nasa makakating kamay ng mga bata. Paglagpas-lagpas at hindi pantay-pantay na kinulayan ng asul ang tuta at kalabaw, berde ang bawang at ina, dilaw ang daga at kanin, at ang pusa - kalahati pula, kalahati asul - parang pinagtripan ng mga adik.
Kaya lang sa paglipas ng panahon e meron ding nagbago sa libro... ang pagbabago ng alpabetong Filipino. Kung dati e 20 lang ang alphabet natin, ngayon e 28 na, lamang pa tayo ng 2 letters sa english alphabet. Nadagdag sa atin ang C, F, J, Q, V, X, Z, at? . Kaya kasama na ngayon sa libro ng Abakada ang mga salitang Cab, Jelly, Espa? a, Quintuplet, Xerox, Zodiac, Visa, at French Fries. Naks, amoy-stateside na tayo!
Biruin mo, magkakaroon ba ng pakinabang ang fax, beeper, text message at E-mail kung hindi tayo natutong magbasa? At sino ang makakapagsabing bunga lahat 'yan ng Abakada?
A E I O U
A B N K K B S K N P L
B K W L K M G W
P R M S Y T W K
H H H M S Y K N B
T W P H H H H H
O H L T M N
P R K N T Ng

Pag tinanong mo ang Pinoy kung ano ang paborito nilang subject noong elementary, halos kalahati ang pabirong sasagot ng 'recess'.
Ewan ko sa mga pribadong paaralan, pero nung kapanahunan ko sa public school, eto ang pagkakataon para lagyan ng bata ang tiyan n'ya ng mga pagkaing mayaman sa asukal, vetsin, mantika, extenders, preservatives, at minsan e panis na carbohydrates at cholera. Peksman!
Puro chichiria ang menu limang araw sa isang linggo. Anlupit. Pero mas malupit kung walang pagkaing aabot sa 'yo. Dahil kahit parang 5 year old lang na mahilig sa junk foods ang nutritionist namin dati sa eskwelahan e lagi pa ring nauubos ang laman ng tray.
Sa tray nakalagay ang mga paninda. Iiikot ito sa buong room ng dalawa sa mga kaklase mong babae. Pag nag-umpisa ang tray sa Row 1 at Row 4 ka, 'wag ka nang umasa na may makakain ka pa. Kaya di naglaon e iniba na ang sistema. Nagkaroon ng rotation, hindi na lagging Row 1 nag-uumpisang ilako ang tray.
Ano ang laman ng tray? Cheese curls, potato chips, cornik, butong pakwan, bubble gum, caramel, candy, chocolates, at iba pang chichiria na mabibili sa suking sari-sari store. Minsan meron ding mga may sustansya: macaroni, nilagang saging, hopia, nilupak, kalamay, puto, at kutsinta. Kaso talagang minsanan lang 'to, at dahil hindi naman pulido ang preparasyon, madalas ay panis ang mabibili mo.
Para sinipag-sipag ang mga tao sa canteen, nagtitinda rin sila ng mainit na sopas. Hindi ka pa rin nakakasiguro sa kalinisan ng utensils, pero liban diyan, sopas na ang pinakamatinong pagkain pag recess. 'Yun nga lang, magpapaltos sa paso ang dila mo dahil kailangan mo 'tong ubusin sa loob ng limang minuto (15 minutes ang recess,10 minutes late lagi ang sopas) .
Ang tubig? Pwedeng magbaon at pwede ka ring uminon sa gripo na pinagkukunan ng pandilig sa halaman. Sa gripo ako dati lagi umiinom, gamit ang kamay panalok na parang umiinom sa malinis na batis. Hindi ko alam kung malinis 'yung tubig sa gripo o nasanay na lang ang tiyan ko sa amoeba.

Totoong biro lang ng mga Pinoy na recess ang paborito nilang subject sa eskwelahan. Dahil kung paborito ang pag-uusapan, walang tatalo sa uwian.
Junior Divisoria ang hanap ng mga public elementary schools pagdating ng uwian. Makikita mo ang mga pagkain, laruan, at iba pang gimik na naka-tiangge sa daan. Kultura na ng mga estudyante ang mamili paglabas ng gate. Eto ang shopping list:
Fishball (wala pang squidball noon)
Tokneneng (itlog ng pugo na may harina at orange food color)
Hotdog (in a bun, on a stick, waffle)
Hotcake (na malamig)
Samalamig (iba't-ibang flavor, may libre pang hibla ng buhok)
Cotton candy
Ice candy
Ice cream
Ice scramble
Ice tubig
Sampaloc, aratilis, at duhat na may asin
Singkamas, santol, at manggang may bagoong
Sipa, tex, at jolen
Turumpo, sumpit, at yoyo
Tau-tauhan at rubber ball
Stickers at paper dolls
Laruang kwintas at pulseras
Arkilahan ng 'Game & Watch' at 'View Master'
At tindahan at palabunutan ng sisiw, itik, isda, ibon, at dagang costa
Dati mahilig bumili ang ate ko ng kwintas pag 'Valentayms Day', 'yun bang may pendant na kulay at korteng puso na may nakapinturang initial ng first name n'ya sa harap. Yari ito sa chalk, kaya pag sawa ka na, pwede mong ipang-vandal sa mga dingding ng bahay n'yo.
Kuya ko naman ang madalas sa palabunutan, lalo na pag may natira s'yang pera matapos mamakyaw ng Nutri Bun (style n'ya para pumasa sa teacher) . Minsan sinuwerte s'ya, nanalo ng walong itik. Kaso kinabukasan minalas. Anim na ulo na lang ang naabutan namin sa kulungan-kinain ng daga.
Siguro meron nang mga bagong tinda sa harap ng elementary schools ngayon. Pero sigurado akong hindi mawawala sa eksena ang mga batang babaeng nagpapawis ang nguso sa kakangasab ng mangga na may bagoong, at ang mga batang lalake na tumataya para manalo ng itik. Minsan kahit maasim ang buhay at may daga, masarap pa ring tumaya.

Naniniwala ka bang bilog ang mundo at hindi patag? Sigurado ka? Syempre parehong 'oo' ang sagot diyan. Siguradon-sigurado!
Ganyan din ang opinion namin dati ng pinsan ko sa katotohanan na Lunes hanggang Biyernes, pagsapit ng alas-singko ng hapon tuwing uwian e darating ang sundo namin. Kaso sumablay isang beses. Naging patag ang mundo.
Uwian na. Tinitingnan namin ang mga tao na nagsisiksikan sa labas ng pintuan ng classroom. Wala kaming kilalang mukha. Oops, don't panic, baka natatakpan lang ng ibang tao ang sundo namin. Kampante kami. Nang maubos ang sundo ng mga Grade 1, lumabas na kami ng room at doon namin nakita ang naghihintay sa amin. Isang malakas, malusog, madagundong, at galit nag alit na ulan! Ulan na sa sobrang lakas e lulutang ang daong ni Noah.
Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan e naglakad kami palabas ng eskwelahan, malamang dahil sa 'kin, ayoko kasi ng naghihintay lang at walang ginagawa. May paying 'yung pinsan ko, Hello Kitty na sa sobrang liit e para lang kaming sumilong sa ilalim ng mushroom.
Dalawa ang pwede naming daanan pauwi. 'Yung isa, daanan ng jeep, laging baha kahit walang ulan, extension yata ng Ganges River. 'Yung isa naman, maalikabok pag tag-araw at maputik pag tag-ulan. Sinubukan namin 'yung 'Ganges River'. No can do, malalim talaga ang tubig at may mga lumulutang pang bagay na galing sa tiyan ng tao.
No choice, doon na lang kami sa maputik. Alam kong responsibilidad ko ang pinsan ko dahil hindi s'ya Pilipino at kakatapak pa lang n'y asa Pilipinas noon. Kaya medyo nataranta ako nung nagsisigaw s'ya ng 'Chuchee! Chuchee! ' nang may kumapit na basura sa sapatos n'ya paglusong namin sa mababaw na baha.
May kalayuan ang nilakad namin, pero nakarating din kami sa bahay. Bumbunan lang yata namin ang tuyo. At sa kapal ng putik sa sapatos namin, pwede ka nang gumawa ng palayok. Ayos lang, buhay pa rin naman kami.
Nang minsang na-late ulit ang sundo namin, naglakad na naman kami.. walang ulan! Karaniwan na namin inaakyat ang overpass na nadadaanan namin pauwi, pero hindi kami tumatawid, bumababa rin kami sa kabilang hagdan. Gusto lang namin ng 'thrill', pustahan kung sino ang malulula (pauso ko na naman!) Pero talo ako. Dahil ako ang nalula nang minsang makita kami ng sundo namin sa ibabaw ng tulay. Nakatikim na naman ako ng sermon.
'Yan ang mission statement ko dat: Lumusong sa baha pag umulan, kahit na maputikan, at umakyat sa tulay pag umaraw, kahit na masermunan.

Hindi ko malilimutan, nag-aagawan pa kaming magkakaklase s autos ng adviser ko nung Grade 3. Nagpapabili kasi s'ya ng isang dosenang Nutri Bun para sa mga teachers. Sa Elementary, sikat ang batang madalas utusan. Kumbaga sa mga preso e warden s'ya, madalas nang excuse sa klase, teacher's pet pa.
Ako ang napili. Alas-dose ng tanghali ang dismissal,11: 30 ako lumabas ng room. Pagdating sa canteen, anak ng tinapay... ang haba ng pila! Tik...11: 40...Tak...11: 50...wala pa rin. Mabagal ang serbisyo ng dalawang teacher na in-charge sa canteen dahil libang na libang sila sa pagpapalitan ng talambuhay. Hindi maipinta ang mukha ko nang dumating ang isang classmate na dala na ang bag ko. Uwian na! Anak ng tinapay.
Isa sa mga pinakaayaw kong pakiramdam sa mundo e 'yung napag-iiwanan. Ayokong nahuhuli mag-submit ng test papers (sobra sa pressure 'yon!) at ayokong naiiwan sa isang lugar, lalo na sa eskuwelahan!
Pakiramdam ko nasa ibang dimension na 'ko nang inabot ako ng 12: 30. Wala na kasi ang mga pamilyar na mukha ng mga estudyanteng pang-umaga, puro mga taga-panghapon na. 'Strangers'.
Dumating ako sa bahay nang nakahikbi at galit sa mundo. Nag-backfire ang Teacher's Pet Theory ko. Pakiramdam ko isang dekada ang nawala sa buhay ko dahil sa mga bukbuking Nutri Bun na 'yon. Simula noon hinding-hindi, at HINDI, na ulit ako nagtaas ng kamay para mag-volunteer sa wishlist ng mga teachers.
Magbura ng blackboard, magwalis, maglampaso ng sahig, mag-floorwax, magbunot, magdilig ng halaman, at magtapon ng basura araw-araw. Parte 'yan ng house rules sa pampublikong eskuwelahan, kasi walang janitor. Meron man, sa banal na Principal's Office lang. Kaya hangga't maaari, lahat ng gawin mo kailangan neat and orderly. Ang library para laging tahimik at malinis, hindi ipinapagamit. Wala yata kaming librarian noon. Kaya lang kami nakapasok sa library nung Grade 6 e dahil ginamit sa general meeting ng PTA 'yung room namin at kinailangan namin mag-evacuate.
Nung Grade 1, pila-pila ang pag-ihi. Pagkatapos ng recess, isang section kayong haharap sa pader para jumingle. Nung Grade 2, meron na kaming balde sa room. Portable toilet. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa ulo ni Miss Uyehara at naisip n'ya 'yon. Pero minsan sinasadya kong hindi i-shoot 'yung ihi ko sa balde dahil baka pagalitan ako pag napuno ko 'yon. Takot ako kay Miss Uyehara. Isang beses pinigil ko ang ihi ko hanggang sa bahay 'wag ko lang s'yang maistorbo sa pagtuturo n'ya ng 'Parts Of A Bird.'
Meron kaming CR sa eskuwelahan, pero walang janitor na nagme-maintain. Pag pumasok ka ditto, masusuka ka muna bago ka matae. Kahit diarrhea mo uurong. At dahil madalas walang tao, binabalutan din ng mga supernatural stories ang CR namin. Totoong amoy patay 'yung mga comfort rooms, pero hindi ako naniniwalang dating sementeryo ang eskuwelahan namin. Siguro 'yung mga nag-LBM na hindi nakagamit ng takubets gumawa na lang ng mga kuwento para mawala 'yung sakit ng tiyan nila.

Bukod sa half day na pasok at suspension of classes, marami pang perks sa elementary school. Pag batung-bato ka na sa klase, pwede mong ipagdasal n asana may dumating na bisita. Dito n'yo gagamitin ang itinuro sa inyong 'Good Mooooorning, veeeseetohr! ! ! '
Sa amin dati maraming surprise guests. Karaniwan nang nauubos ang oras dahil sa pagbisita ng mga nagtitinda ng 'Ibong Adarna', 'yun bang maninipis na libro ng Philippine history, legends, fables, at fairy tales. Minsan naman 'yung mga nagtitinda ng mga handicraft materials galing sa NEDA: mga pin cushions, Christmas décor, basket, at iba pa. Minsan pati 'yung mga pangkaraniwang tindero hinahayaan na ring mag-interrupt ng klase: mga salesman ng metal polish, floorwax, all-around cleaners, reference books, modeling clay, at mga biskwit. Minsan nga kahit 'yung ibang bisita na walang itinitinda at nanghihingi na lang: abuloy sa binaha, nasunugan, namatayan, may sakit, mamamatay, namatay, o na-reincarnate.
Pasok din sa kategoryang 'to 'yung walang kamatayang ballots para sa popularity contest tuwing United Nation's Day, at walang humpay na mga raffle tickets ng ibat'-ibang organizations. Kulang na lang holdapin ka.
Pero minsan may biyaya rin naman, eto 'yung mga namimigay ng product samples. And saya-saya ko dati nung dumating 'yung Crest Team. Namigay sila ng isang set na toothbrush, toothpaste, at disclosing tablets. Napilitan tuloy akong mag-toothbrush for 1 week dahil sa excitement.
Nakapanood din ako ng Film Showing, hindi documentary - blockbuster movie! Tinanggal lang 'yung detachable partitions ng walong room namin para makabuo ng isang malaking hall, tapos nilagyan ng projector, screen, at konting electric fan - voila! May sinehan na kaming amoy pawis, kumita pa ang eskuwelahan. Ang galing!

Submitted: Sunday, October 13, 2013
Edited: Friday, October 25, 2013

Do you like this poem?
0 person liked.
0 person did not like.

Read this poem in other languages

This poem has not been translated into any other language yet.

I would like to translate this poem »

word flags

What do you think this poem is about?

Comments about this poem (A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob ong (part 1) by opium lestre )

Enter the verification code :

There is no comment submitted by members..

Trending Poets

Trending Poems

  1. A Child's Christmas in Wales, Dylan Thomas
  2. If, Rudyard Kipling
  3. Alone With Everybody, Charles Bukowski
  4. Annabel Lee, Edgar Allan Poe
  5. The Road Not Taken, Robert Frost
  6. An Almost Made Up Poem, Charles Bukowski
  7. Bluebird, Charles Bukowski
  8. Cause And Effect, Charles Bukowski
  9. Phenomenal Woman, Maya Angelou
  10. Alone, Edgar Allan Poe

Poem of the Day

poet Henry Wadsworth Longfellow

I heard the bells on Christmas day
Their old familiar carols play,
And wild and sweet the words repeat
Of peace on earth, good will to men.

...... Read complete »

   

New Poems

  1. Vision Of Beauty, Michael P. McParland
  2. Visions, Michael P. McParland
  3. Roman Showers, Michael P. McParland
  4. Double Rainbow, Liilia Talts Morrison
  5. Infinite Love, Ifthekar Ifthi
  6. Christmas Tale, Gergana Teofilova
  7. None Sweeter, Michael P. McParland
  8. Not Yet Slept, Michael P. McParland
  9. No Other, Michael P. McParland
  10. Blue Hope, maryline vautravers
[Hata Bildir]