A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 3) Poem by opium lestre

A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 3)

Kung bibigyan ka ng isang bilyong piso pero mawawala ang pamilya mo at hindi ka magkakaroon ng kaibigan, kakilala, at asawa sa buong buhay mo, papayag ka ba? E kung mapupunta sa'yo ang lahat ng kayamanan sa mundo pero mawawala lahat ang tao dito at ikaw lang ang matitira, payag ka rin ba?
Ako, dati oo. Nung bata ako pinangarap kong tumira sa isang mall. Akin lahat ng ice cream at laruan. Madalas akong maglaro mag-isa dati. Kaya alam kong hindi ako malulungkot kahit na mawala lahat ng bata sa mundo. Kung mawawala lahat ng tao sa mundo, walang magnanakaw, walang mag-aaway-away, walang giyera. Masaya 'yon. Para ka na ring nasa Garden of Eden pag tumira ka sa mall, aircon pa!
Pero naiba 'yung pananaw ko sa pagtatapos ko ng Grade 3. Dahil Marso at amoy-bakasyon na noon, medyo dumalas ang absences ko sa klase. Ayos, sarap. Kaso isang araw dumaan 'yung classmate ko sa bahay namin. May sulat 'yung teacher ko. Alam kong bad news 'yon. Guilty ako.
Sumabay ang nanay ko sa pagbasa ng sulat, nasa mukha n'ya ang 'Lagot ka, anak! ' Pinapapunta ako ng teacher ko sa eskuwelahan, maaga, kinabukasa. Importante raw.
Pumunta naman ako, naka-rubber shoes na multicolor, medyas na multicolor, blue shorts na kupas, white shirt, at school ID. Complete uniform. Andami kong kasabay na estudyante sa daan, mga naka-black shoes na pinakintab, medyas na puti, polo, barong, bagong gupit, mabango, may sampaguita sa leeg, at kasama ang mga magulang nilang bihis na bihis din.
Recognition Day pala. May award ako. Surprise. Suspense. Thriller.
Wala na 'kong oras para bumalik ng bahay. Wala rin akong teleponong matawagan. Nang makita ko ang pinsan kong doon nag-aaral, pinakiusapan kong pumunta sa amin at sabihin sa nanay kong pumunta kaagad sa eskuwelahan.
Kaso hindi umabot.
Section na namin ang aakyat sa stage, wala pa 'kong magulang. Pagbanggit sa pangalan ko, dumating ang nanay... ng classmate ko. S'ya ang nagsabit sa 'kin ng ribbon. Ang lungkot! ! ! 'Yun na yata ang pinakamalungkot na 60 seconds sa buhay ko. Wala akong kamag-anak o kaibigan man lang. Masaya pag nakikita mong masaya ang mahal mo sa buhay, at masaya sila pag nakikitang nagtatagumpay ka. Pero kung ikaw lang at ang tagumpay - pangit! Walang kwenta.
Natapos ang programa, hindi dumating ang nanay ko. Kung nalaman n'ya lang nang maaga na aakyat ng stage ang bunso n'ya, tiyak magpapakulot 'yon, papagupitan ako sa barbero, bibilhan ako ng matinong damit para sa kodakan, at hahatakin ang isa sa mga kapatid ko para tagapalakpak.
Bago tuluyang maubos ang mga tao sa school ground, dumating ang nanay ko, with matching payong. Malayo pa, kilala ko na. Natatawa s'ya sa nangyari, naaasar naman ako. Nang may nakita s'yang photographer na nag-iikut-ikot pa, nagpakuha kami ng litrato. Nang ma-develop 'yung picture, nakangiti s'ya, nakapikit ako.

Hindi maiiwasan sa buhay ang bagyo. Kahit sa classroom.
Ang ganda ng sikat ng araw nung umagang 'yon, walang gaanong sayaw ang mga dahon ng puno, at masayang nagja-jamming ang mga ibon. Diretso rin ang discussion namin sa room, ganado si Ma'am. Nang biglang kumulimlim....
Tuloy ang klase, ayos nga 'yon dahil lumamig konti. Kaso nag-umpisa nang magpapansin ang malalaking ulap, alam ko dahil sa bintana ako nakatingin at hindi sa teacher. Doon ko rin nakita ang umpisa ng malalakas na patak ng ulan. Nilakasan na ng teacher ko ang boses n'ya para makipaglaban sa ingay. Muntik na s'yang manalo. Hindi na sana namin pansin ang ingay ng ulan kung hindi lumusot ang mga patak nito sa bubong ng classroom. Butas! Hindi pa rin pinansin ni Ma'am. Kinuha lang n'ya ang mga balde namin pandilig ng halaman at isinahod sa butas. Swak. Solb.
Nagkaroon kami ng limang minutong kapayapaan. Alam kong nakahinga rin nang maluwag ang magiting kong teacher habang pinipilit itago sa klase ang sariling takot at kahihiya. Kaso bumuwelo lang pala ang sangkalangitan para sa final assault.
Biglang umihip ang malakas na hangin at nagpasok sa room namin ng maraming tubig. Ayos, code red na kami. Isinara na ang pinto at mga bintana. Hinto na ang klase. Malalim na nag-isip si Ma'am ng next move, kala mo naglalaro ng chess.
Pero hindi na s'ya hinintay ng kalaban.
Sa isang iglap, bumagyo ng signal number 4. Biglang binato ng napakalalakas ng hangin at ulan ang room namin. BAGAAAAAM! ! ! Sira ang bintana, laglag ang bulletin board sa likod ng room, tuklap ang dingding. Parang narinig ko pang sumigaw ang mga patak ng ulan: 'LUUUUUUUUSSOOOB! ! ! ! ! '
Hindi naman kami masyadong nabasa dahil tumatakbo kami sa parte ng room na tuyo at ligtas tuwing lumalakas ang hangin. Pero ang room namin hindi nakapagtago. Basa lahat ang mga naka-display naming artworks, maps, charts, posters, visual aids, cartolina, at mga stock na manila paper. Basang-basa lahat pati ang poster namin ng Different Types of Weather.
Dahil Apocalypse na at parang tsokolateng natutunaw ang classroom namin, alam kong isa na lang ang gustong isigaw ng teacher ko nung mga panahong 'yon. Darna! Pinalabas n'ya kami ng room para mag-evacuate sa kabilang kuwarto. Kaso nakasalubong namin ang mga taga-kabilang kuwarto na nag-e-evacuate din papunta sa 'min. Sabay-sabay na lang namin dinamayan ang nagluluksang panahon sa loob ng room namin, hawak ang mga dingding para hindi tuluyang matuklap.
Lumipas ang ilang sandali na parang habang panahon. Maya-maya natapos din ang unos, nakaraos kami, natuyo, nakabalik ng bahay, at nakapasok pa ulit kinabukasan. Pero iba na ang room namin, doon na sa bagong building.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success