A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 8) Poem by opium lestre

A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 8)

Sa isang buwan na gaganapin ang high school reunion namin. HIGH SCHOOL REUNION. Hindi ba tumatayo ang balahibo mo pag naririnig mo ang mga salitang 'yan? Titingin ka sa salamin. Matanda ka na ba? 10...20...30years...Ano na nga bang nangyari sa buhay mo? Makakausap mo ulit 'yung binigyan mo ng love letters, roses, at Serge Chocolate. Maririnig mo na naman ang kuwento ng mga classmates mong mahangin pa sa buhawi.
'O pare, 'musta na? '
(hindi ka pa nakakasagot magkukuwento na s'ya...)
'Ako, eto, General Manager ng blah ba-bablah blah ba-bablah...'
(Nag monologue na s'ya, salita nang salita na parang buhay na Curriculum Vitae. Iisa lang naman ang naririnig mo: 'Magaling ako...Walang hiya, ang yaman ko na...Ang ganda kong lalake...Amoy Central Bank ang kotse ko...Anak ng bubuyog, baka ma-kidnap ako hindi na 'ko makakapag-golf 3x a week...Magkano ka nga pala? '
(Iisipin mo tuloy na 'wag na lang pumunta sa reunion.)
Parang 'Time's up! ' ang reunion, 'pass your papers, finished or not! ' Oras na para husgahan kung naging sino ka...o kung naging magkano ka. Sino ang naging successful? Sino ang naging pinaka-successful?
May mga nagsasabing ang mga may maipagmamalaki lang ang uma-attend sa school reunions. Bakit nga ba nauuwi ang kwentuhan sa payabangan pag nagkikita ulit ang mga magkakaklase pagkaraan ng ilang taong paghihiwalay? Minsan iniisip ko, paano kaya kung magsabi ka ng totoo?
'O pare, 'musta na? '
'Eto, malas, natanggal ako sa pabrika e! '
'Ako, CEO ng multinational telecommunication company specializing in yadda ya-yadda yadda...mas mayaman lang sa 'kin si Bill Gates ng isang kurbata.'
'Buti ka pa. Ako, hindi nakatuntong ng college. Nakikitira lang ako ngayon sa kamag-anak ko. Um...sino nga pala si Bill Gates? '

Saan nga ba nauuwi ang maraming taon ng pag-aaral? Madaling isipin kung ano ang gamit ng pera, pero hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ito ang maging sukatan ng tagumpay ng tao. Sa edad na 21 hanggang 60, nagtatrabaho tayo para magkapera. Sa edad na 5 hanggang 21, pumapasok tayo sa eskuwela para magkatrabaho. Mahihina pa ang katawan natin nang una tayong pumasok sa eskuwela. Mahihina na tayo pagkatapos nating magretiro sa trabaho. Lumalabas tayo ng bahay, papasikat pa lang ang araw. Bumabalik tayo ng bahay, papalubog na ito. Ganyan na lang yata talaga ang buhay ng tao. Kung pumapasok tayo sa eskuwela para lang makahanap ng trabaho at kumita ng pera balang araw, di na nakakapagtaka kung bakit marami ang namamatay nang mangmang. Nakalimutan na ng tao ang kabanalan n'ya, na mas marami pa s'yang alam kesa sa nakasulat sa Transcript of Records n'ya, mas marami pa s'yang kayang gawin kesa sa nakalista sa resume n'ya, at mas mataas ang halaga n'ya kesa sa presyong nakasulat sa payslip n'ya tuwing sweldo.
Ano nga ba ang talino? Nasusukat ba 'to ng A, B, C, D, E, F,1,2,3,5, P (Pass) , F (Fail) ,100%,60%,75%, O (Outstanding) , S (Satisfactory) , at NI (Needs Improvement) ?
Sino ang matalino - ang Best in Spelling? Best in Math? First Honor? Valedictorian? Magna Cum Laude? Board Exam Topnotcher?
Sino ang bobo?
Ang Dyspraxia, Dysgraphia, Dysphasia, at Dyslexia ay mga learning disabilities: ang kahulugan sa kakayahang igalaw nang tama ang labi at dila para makapagsalita; kahirapan sa pag-control ng daliri para makapag-sulat; kakulangan sa kakayahang magsalita o umintindi sa sinasabi ng ibang tao; at kahirapan sa pag-intindi sa mga salitang nakasulat.
Pero sino nga ba ang learning disabled, 'yung mga hirap mag-aral o 'yung mga walang natutunan? Ano ang pinagkaiba ng out-of-school youth na shoplifter at Harvard-graduate na corrupt government official bukod sa mas masama 'yung pangalawa? Matalino ba 'yung professor na may Master's Degree na nangwarta at nangmolestya sa mga estudyante n'ya sa isang eskuwelahan sa Maynila? Genius ba ang mga hacker at programmer ng mga computer virus?
Hindi ba malaking pagkakamali ng maraming eskuwelahan na gawing 0 to 10% lang ang 'Character' sa computation ng grades, mas mababa sa Periodical Test (20%) , Project (30%) , at Class Standing (40%) gayong Character ang humuhulma sa tao, pamilya, bansa, mundo, at kasaysayan?

Dalawang taon ako nag kindergarten, dyes ang baon ko. Mula sa 75 sentimo na baon noong Grade 1, umabot ito sa sampung piso noong Grade 6. Bente hanggang trenta pesos ang naging baon ko nung high school. Fifty pesos naman ang naging pinakamalaki kong baon nung college.
May natutunan ba 'ko?
Base sa mga registration cards ko, naka 68,872.42 pesos ako sa tuition fees. Sa loob ng 17 years ko sa eskuwelahan, umabot sa 6,600 ang binayarang miscellaneous fees at books and school supplies ng mga magulang ko. Kung idadagdag ang baon ko, lumalabas na higit 150,000 pesos ang naging presyo ng pag-aaral ko. Chicken feed 'yung presyong 'yan ngayon, pero noon, dugo, pawis, at luha 'yan.
May natutunan ba 'ko?
Kung bibilangin ang panahon na iginugol ko sa pag-aaral, lalabas na higit dalawang taon ako tumira sa eskuwelahan.729 days dyan ang iniupo ko sa loob ng classroom. Gumasta rin ako ng extrang 5,100 hours para sa projects, homeworks, reviewsm, at extra curricular activities. At palagay ko, mga 56 minutes din ang inubos ko kakadasal na sana walang pasok o absent 'yung prof ko.
May natutunan ba 'ko?
Nakapunta ako ng Magnolia Dairy Plant, Central Bank's Security Printing Plant, Rizal Park, Rizal Shrine, Quezon Circle, Ninoy Aquino Parks and Wildlife, Nayong Pilipino, Mount Makiling, Vistamar Beach Resort, Wax Museum, Fort Bonifacio, Tala Leprosarium, at Rehabilation Center sa Bicutan. Nakapagpabakuna ako, nagkumpisal, namulot ng tae ng kabayo para gawing fertilizer sa Agriculture, nagluto ng Menudo't 'AfriChado' para sa Practical Arts, nag-dissect ng palaka para sa Biology, nag '15 weeks' push-ups sa CAT, bumisita sa depressed areas para sa Theology, nagbantay sa Registration of Voters para sa ROTC, at sumali sa Fun Run at Alay Lakad.
May natutuna ba 'ko?
Naka-anim na eskuwelahan ako,24 enrollments,2 Graduation Ceremonies,12 Christmas Parties,8 Field Day Demonstrations,32 na First Friday Mass, mga 1,140 na Flag Ceremony at Panatang Makabayan,960 na exercise,2,400 na recess,620 na Flag Retreat, at di na mabilang na embarassing moments.
May natutunan ba 'ko?

Natutunan ko ang life stages of a butterfly, different types of clouds, at parts of a cell.
Nalaman ko ang caste system, mixed fractions, cradles of civilization,9th Symphony, Trojan War, Bahay Kubo, at ang Three Little Kittens.
Nakilala ko si Whitman, Hitler, Newton, Lam-ang, Mozart, Naismith, Hamlet, Antonio Luna, at Bloody Mary.
Napag-aralan ko ang market segmentation, religious orders, business reports, military organization, at program documentation.
Natuto akong gumamit ng dictionary, encyclopedia, almanac, protractor, compass, water color, microscope, calculator, at computer.
Natuto akong mangopya at magpakopya tuwing exam. Doon ko nalamang pwede pala talagang malamangan pa sa test score ng nangopya ang magpakopya.
Nalaman kong mali ang laging mamigay ng pad paper sa mga kaklaseng linta na hindi bumibili ng papel kahit na may pambili.
Nalaman kong masama pala ang nag-iisip nang malalim habang naglalakad dahil hindi mo napapansin kung maling classroom ang pinapasukan mo.
Nalaman kong dapat palang tumingin sa sahig habang nagle-lecture ang professor sa Finance dahil pwede kang makapulot ng 100 pesos.
Nalaman kong mahirap palang i-overnight ang project na dapat e isang buwan ginagawa.
Nalaman kong ang Calculus ay...(oops, wala pala akong alam sa Calculus!)
Nalaman kong pag malakas ang ulan at wala kang payong, pwedeng bumili ka na lang ng plastic bag sa mga vendor sa kalye. Pwede ka maligo sa ulan basta naka-plastic na ang bitbit mong notebook at libro.
Nalaman kong hindi dapat itinutuloy ang field trip pag may bagyo o malakas na ulan dahil pwede kayong ma-stranded sa mga bahang kalye ng Metro Manila hanggang alas-dos ng madaling araw.
Nalaman kong pangit ang madalas na pag-absent dahil pwedeng hindi ka makasama pag nagkuhaan ng class picture.
Nalaman kong swerte pa rin ako dahil kahit kelan e hindi na-murder ang pangalan ko sa mga annuals at list of graduates.
Nalaman kong kahit pala akala mong ikaw ang pinakabobo sa Geometry sa klase n'yo, pwede ka pa rin mag-top sa periodical exam. Hindi mo dapat maliitin ang kakayahan mong tsumamba.
Nalaman kong may mga teacher palang bigla-biglang nagche-check ng notebook, mas maganda na 'yung may notes ka. Meron ding mahilig magbigay ng surprise quiz, kaya mas maganda lalo king binabasa mo 'yung notes mo.
Nalaman ko sa Boy Scout na importante ang laging handa.
Nalaman kong pwede palang mamatay ang classmate mo kahit anong oras.
Nalaman kong ang mundo, sa totoong buhay, ay hindi 'yung makulay na murals na nakikita sa mga pre-school. Hindi ito laging may rainbow, araw, ibon, puno, at mga bulaklak.
Nalaman kong maswerte ako dahil pinaglaro at pinag-aral ako ng mga magulang ko nung bata pa 'ko. Hindi pala lahat ng bata e dumaraan sa kamusmusan.
Nalaman kong habang lumalaki ka, maraming beses kang madadapa. Bumangon ka man ulit o hindi, magpapatuloy ang buhay, iikot ang mundo, at mauubos ang oras.
Nalaman kong napakaliit na bagay pala ng isang recitation, project, at quiz para sumira sa buhay mo. At napakalaking pagkakamali ang kalimutan ang pangarap mo para lang makaiwas sa mga terror na teachers at mahihirap na subjects.
Nalaman kong hindi pala exam na may passing rate ang buhay. Hindi ito multiple choice, identification, true or false, enumeration, o-fill-in-the-blanks na sinasagutan, kundi essay na isinusulat araw-araw. Huhusgahan ito hindi base sa kung tama o mali ang sagot, kundi base sa kung may kabuluhan ang mga naisulat o wala. Allowed ang erasures.
Nalaman kong marami palang libreng lecture sa mundo, ikaw ang gagawa ng syllabus. Maraming teacher sa labas ng eskuwelahan, desisyon mo kung kanino ka magpapaturo. Lahat tayo enrolled ngayon sa isang university, maraming subject na mahirap, pero dahil libre, ikaw ang talo pag nag-drop ka. Isa-isa tayong ga-graduate, iba't-ibang paraan. Tanging diploma ay ang alaala ng kung ano mang tulong o pagmamahal ang iniwan natin sa mundong pinangarap nating baguhin minsan.
Matagal ko nang binabalak bumalik sa eskuwelahan ko ng high school, hindi matuloy-tuloy dahil sa maraming dahilan. Pero isang beses nang mapadaan ako dito, hindi na nagpapigil ang mga paa ko papasok ng gate. Tamang-tama, sabi ko, bakasyon at walang gaanong tao noon. Dahil hindi ko pa rin nakukuha ang diploma ko, naisip kong gawing dahilan 'yon pag tinanong ako ng security guard. Pero walang sumita sa 'kin, yung estudyanteng hindi naka-pin ang ID ang pinag-initan ng sikyo. Natawa ako sa sistema. Wala pa ring pagbabago.
Malaki ang eskuwelahan ko. Habang tinatahak ko ang papuntang high school building, bumibilis ang tibok ng puso ko. Naaalala ko pa kung paano ko lakarin ang daan na 'yon dati, pasan ang mabigat na backpack at naghahabol sa flag ceremony.
Naalala ko rin ang mga barkada ko nung 2nd year nang madaanan ko ang school canteen. 'Baon Gang' kung tawagin kami dati dahil lagi kaming may baong kanin at ulam sa bag. Pag malakas ang ulan, sa canteen mo rin maririnig ang malakas na AM radio na nakaabang sa suspension of classes.
Iba ang ang itsura ng likod ng high school building. Marami, bago, at magaganda na ang mga bench. Mas marami na ring halaman. Dito kami dati nagpa-practice para sa mga group presentations sa iba't-ibang subject. Dito kami pinagpupulot ng mga tuyong dahon pag nagpa-power trip ang mga teacher ng Practical Arts. At dito rin kami naghahanap ng mga paglalaruang bulate pag kami naman ang nagpa-power trip.
Walang pagbabago sa loob ng high school building - bulok pa rin ang mahal kong paaralan, hindi nga lang halata dahil taon-taong pinipinturahan para mabura ang vandalism. Naaalala ko pa ang reaksyon ng CAT Commandant namin dati nang mabasa n'ya ang nakasulat sa CR ng mga lalake: 'Ano naman ngayon kung nakita n'yo ngang malaki ang ANO ni Miss Garcia? ' sabi n'ya. 'Bakit kailangan n'yo pang isulat sa mga dingding? ' Hindi salat sa sense of humor ang mga tao sa pinanggalingan ko.
Inikot ko ang buong building, habang iniikot ng buong building ang isipan ko. Nakita ko ang library kung saan kailangan mo munang makipag-espadahan sa librarian na bumubuga ng apoy bago ka makapaglabas ng libro. Pinuntahan ko ang Biology room, puro sheel pa rin at patay na hayop ang laman. Sinilip ko ang Music room, wala 'yung piano, naihagis na yata ng teacher sa mga sintonadong estudyante. Nakita ko ang computer laboratory - wala pa 'yun nung kapanahunan namin. Dinaanan ko lahat ang mga classroom, nakita ko pa ang sarili kong nakaupo sa isa sa mga upuan.
Kinakabahan ako habang nag-iikot dahil baka may teacher na sumita sa 'kin, baka tanungin kung ano ang section ko at magsumbong sa adviser ko. Pero wala. Mag-isa lang pala ako. Walang ibang tao sa paligid. Tahimik. Nakakabingi.
Pumunta ako sa lobby para kunin ang diploma sa Registrar's Office. Tuwang-tuwa ang registrar, sabik sa alumnus. Sinagot n'ya ang mga tanong ko at ikinuwento ang lahat ng nangyari sa eskuwelahan simula nang umalis ang batch namin.
Bago umuwi, umupo muna ako sa hagdanan ng stage sa quadrangle at nagpahinga, pugad ng section namin 'yon dati pag vacant period. Di maiwasang mag-senti. Inisip ko kung saan na nagpuntahan ang mga kaklase ko pagkatapos magpalitan ng autograph, picture, yakap, at paalam noong Graduation Day. Ano nang nangyari sa mga takot at pangarap namin? Malakas pa rin kaya silang tumawa? Malakas pa kaya ang mga teachers ko? Paano ko sila pasasalamatan kung ngayon ko lang naintindihan ang mga itinuro nila?
Paglabas ko ng high school building, napansin ko ang iba pang building na dati ay wala. Itinirik ang mga ito sa lugar na dati e puro puno - kinayod na ang paborito naming tambayan.
Wala na ang mga tuyong dahon, basang damo, makakating higad at tae ng ibon. Wala na rin ang alaala ng mga nabuong samahan at pagkakaibigan ng mga batang sabay-sabay nakipagkilala sa mundo.
Halong saya at lungkot ang baon ko pauwi. Dahil nakuha ko na ang diploma, posibleng yun na ang huling dalaw ko sa lugar na kumupkop sa mapangarap kong kabataan.
Nakabalik ako sa lugar pero di ko na naibalik ang panahon.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success