opium lestre


Ang Paboritong Libro Ni Hudas - Bob Ong(Part 2) - Poem by opium lestre

GERAN
Chalkdust: Mga Kwentong Chalk Revisited.
Mambabasa, hindi ko alam ang pangalan mo, pero ituring mong espesyal na araw ito ng buhay mo (tandaan ang petsa at oras) dahil ngayon mo makikilala ang mga miyembro ng 'Horror Fame, ' ang natatangi at eksklusibong Hall of Fame club ng mga teroristang teacher na nakilala ko.
LEVEL: 1
CHARACTER: (Mrs) Balance Sh*t
PLANET: Accounting
ATTRIBUTES: Matanda na, pero nung nagkaroon ng outing sa beach, nasorpresa ang buong klase dahil naka-swimsuit s'ya. Ayos! Parang Rosanna Roces...year 2049!
POWER: Mild lang naman. Medyo nagulat lang kami dahil first time namin noon magkaroon ng subject na 3 hours straight...at boring! Kaya nang medyo may nakaintindi sa lesson at nag-recite, pinalakpakan s'ya ng lahat nang may halong kantiyaw. Kala namin matatawa si Balance Sh*t, kaso bigla itong tumitig sa amin na parang nagsusuri ng amag sa pandesal. Sabay sabi sa matigas na boses: 'Nobody claps in my class! '
LEVEL: 2
CHARACTER: (Ms) Anger Management
PLANET: Management
ATTRIBUTES: Semi-regular
POWER: Lakas mang-asar. Power-tripper. Gugulangin ka sa recitation, wala kang maisasagot sa kanay na aayunan n'ya. Intro n'ya nung first meeting: 'All you have to do to pass the subject is give up your life.' Kaya na-give up ko ang subject n'ya.
LEVEL: 3
CHARACTER: (Ms) Rule
PLANET: Adviser, Grade 1
ATTRBUTES: Matanda. Dalaga. At hindi codename ang pangalan na 'yan.
POWER: Pakyawan na namimitpit ng kamay. Pag pumasok s'ya ng room at naabutan n'ya kayong maingay, automatic dapat ipatong n'yo na ang mga kamay n'yo sa desk. Nasanay na nga kami sobra sa ganoon. Minsan kami na ang humihingi nito sa kanya: 'Oh, please, spank me, ma'am! I'm a baaaaad boy, spank me! Spank! Spank! Spank! '
TRIVIA: S'ya rin ang nagpakilala sa amin ka Jimmy Swaggart
LEVEL: 4
CHARACTER: (Mr) Commandant
PLANET: CAT
ATTRIBUTES: Classified
POWER: Moody. At hindi mo s'ya gugustuhing makabangga pag mainit ang ulo. Dahil makikita mo talaga na nanginginig ang buong mukha n'ya. Parang lalabasan ng mga centipede. At maririnig mong tumutunog ang mga ngipin n'ya. At nambubulyaw s'ya. At...at...at titigil na 'ko dahil kilala n'ya 'ko at malapit lang ang bahay nila sa amin.
LEVEL: 5
CHARACTER: Ma'am Babes
PLANET: Philippine History
ATTRIBUTES: (Nabanggit na sa ABNKKBSNPLAKo? !)
POWER: Pareho ang istilo nila ni Anger Management. Parehong-pareho. Alaskador. At 'wag na 'wag kang magbibitiw sa kanya ng mga hindi kalkuladong salita dahil pag iba ang naging interpretasyon n'ya noon, aabot ka sa Supreme Court kakapaliwanag.
LEVEL: 6
CHARACTER: (Ms) Santiago
PLANET: Philosophy
ATTRIBUTES: (Pseudonym lang ang pangalan na 'yan. Peksman!)
POWER: Kung teacher ka at hindi ka marunong gumamit ng index cards para patayin sa sindak ang mga estudyante mo tuwing recitation, kailangan mong mag-seminar kay Santy. Oo, index cards. Doon nakalagay ang pangalan ng bawat estudyante. Lagi n'yang binabalasa 'yon bago mag-umpisa ang klase. At doon n'ya binubunot ang pangalan ng magre-recite. Iihawin ka talaga ng buhay. At mas gugustuhin mo pang umako ng anomalya sa harap ng mga nag-iimbestigang senador, kesa sumagot sa mga tanong ni Santiago.
LEVEL: 7
CHARACTER: (Ms) Matabang Teacher
PLANET: Filipino
ATTRIBUTES: (Nabanggit na sa ABNKKBSNPLAKo? !)
POWER: Pagsamasamahin mo ang index cards ni Santiago, pagkamabusisi ni Ma'am Babes, at ang nanginginig na mukha ni Commandant - 'yun s'ya! Hindi ko makakalimutan nang itanong n'ya dati sa klase kung ilan ang butas sa bangkang sinakyan nila Ibarra at Maria Clara. Tatlong estudyante na ang nabunot n'ya sa index card at wala pa ring nakakasagot sa kanya. Kaya ang napag-initan e yung pang-apat - AKO! linsiyak na buhay...e hindi naman talaga nabanggit sa libro kung ilan ang butas! At hindi ko maarok kahit ngayon kung ano naman ang kabuluhan ng mga butas ng bangkang 'yon sa buhay ko.
TRIVIA: Naisip ng kaklase ko kinabukasan na pwedeng masagot ang tanong kung gagamitan ng logic.
LEVEL: 8
CHARACTER: (Mr) Cools...(Kulot!)
PLANET: Music
ATTRIBUTES: (Withheld)
POWER: Mabagsik! Naturingang music teacher, tensyonado lagi ang room. Walang humihinga. Panlilisikan ka ng mata at hindi ka tatantanan hangga't wala ka sa tono. Pero paano ka naman kakanta kung nagtatambol sa kaba ang dibdib mo? ! Pinakanta n'ya kami dati ng Do-Re-Mi isa-isa, inabot ako ng bell pero hindi ako nakaalis sa unang 'do.' 'Kala ko nga paglilinisin n'ya na lang ako ng room hanggang sa closing ng schoolyear.
LEVEL: 9
CHARACTER: (Mrs) Falafox
PLANET: Mathematics
ATTRIBUTES: Mestiza...pero makapanindig-balahibo!
POWER: Pangalan pa lang, tunog chemical weapon na. Hindi ko nga alam kung paano ako naka-survive, pero matindi s'yang bangungot. Pamatay gumawa ng first impression. Bago namin s'ya nakita, balita na sa buong eskwelahan na kumakain s'ya ng bata. Pero nagulantang pa rin kami pagpasok n'ya ng room. Bigla s'yang nagpakuha ng 1/4 sheet na papel. (Nanghingi pa 'ko, at 1 whole ang ibinigay ng kaklase.) Pinasulatan n'ya ng numbers 1-10 ang papel, quiz. (Itinupi ko na lang ang papel ko dahil wala na talagang oras para pumunit ng 1/4.) Sunud-sunod n'yang idinikta ang mga tanong, multiplication. (Na-miss ko ang mga naunang tanong, numbers 5 to 6 lang ang nasagot ko, mali pa pareho!) Ipinapasa n'ya kaagad ang mga papel. (Ipinasa ko naman ang sa akin, kahit na may multiple violations.) Pagdating sa kanya, andaming nasabon dahil nakitang mali ang mga sagot sa papel. Diretso kaagad sa basurahan ang quiz papers. Pero wala ka sa reaksyon n'ya nang makita ang papel ko na itiniklop lang sa apat para maging 1/4. 'SINO SI ROBERTO ONG? ! ' Maingat akong nagtaas ng kamay...pero ibinaba ko rin kaagad, pangharang sa mukha sakaling magtalsikan ang shrapnels. Eto walang biro, nakita kong nilabasan ng mga pulang ilaw ang mata n'ya! Antalim ng tingin, pwedeng ipang-slice ng monggo. 'WHEN I SAY ONE FOURTH SHEET OF PAPER, I WANT ONE FOURTH SHEET OF PAPER! ! ! ! ! ' Sabay punit sa papel ko hanggang sa magkahiwa-hiwalay ito sa dalawanlibong piraso. Gano'n katindi si Falafox. Tuwing klase n'ya iisipin mong sana naging buni ka na lang.
LEVEL: 10
CHARACTER: (Ms) Tigang
PLANET: Social Studies
ATTRIBUTES: (Binanggit sa ABNKKBSNPLAKo? ! Oo, pre-requisite 'yan!)
POWER: S'ya ang pinakanakagigimbal na guro na nakilala ko! Nagka-phobia ako sa Martes at Huwebes dahil 'yun ang schedule n'ya sa klase namin dati. Hindi ko ma-enjoy ang vacant period dahil kasunod noon ang subject n'ya. Mahirap papasukin sa room ang mga paa ko. Tumatayo ang mga balahibo ko. At nanunuyo ang lalamunan habang namamawis naman ang buo kong katawan. Ganyan kasarap sa klase n'ya. Para kang nasa rollercoaster na may loops na kasindami ng isla ng Pilipinas. Laging may assignment, tambak ng project, hitik sa discussion, maya-maya ang quiz, mahaba ang exam, maraming requirements, at walang lusot sa recitation. Naalala ko nung pumasok ako dati nang walang assignment dahil nakalimutan ko. Nagulat na lang ako dahil ako pa ang pinasagot n'ya sa first question. Nakatingin s'ya habang binubuksan ko ang notebook kong alam ko namang walang laman. Ang n'ya alam, nagdadasal na 'ko noon na sana lumindol at bumuka ang lupa, tapos magkasunog, magka-giyera, bumagyo, bumaha, at magunaw na ang mundo! Basta't 'wag n'ya lang malaman na wala akong assignment. Kaso wala e, hindi ako nakalusot. Pero hindi naman s'ya nagalit. Sabi n'ya lang cute ako. At mas bagay ako sa labas ng room.
TRIVIA: S'ya ang paborito kong teacher. At kung ang bawat tao sa mundo ay magkakaroon lang isang teacher sa buong buhay n'ya, s'ya ang pipiliin ko!

Dahil matulungin ako sa mga classmates ko noong highschool, isang coed ang tinuruan kong magmura. Oo, magmura! Yung 'bad word.' May mali kasi sa paraan n'ya ng pagbigkas nito. Narinig ko minsan na nagsabi s'ya ng 'Siyeeeht! ' Sabi ko, salitang Amerikano 'yon. At bagama't hindi eksakto, katapat noon sa Tagalog ang expression na 'Lintik! ' At hindi mo ito sinasabi nang mabagal, gaya ng 'Linteeehk! ' Dapat mabilis, kasi galit ka, o na-bad trip; 'LINTIK! ' Kaya hindi rin akmang sabihin ang 'Shit! ' bilang 'Siyeeeht! ' kasi nagmumukha kang retarded. Dapat forceful: 'Syit! ' Isang bagsakan: 'Syit! ' Parang idinudura mo ang salita: 'Syit! ' Naintindihan n'ya naman ang ibig kong sabihin. Nagpasalamat s'ya sa libreng tutorial. Bilang ganti, pumayag na s'yang pahiramin ako ng notebook sa Values Education.
Kung bakit naisip ng mga Amerikano na gamitin ang salitang 'S' para iparating ang negatibong damdamin, e hindi ko alam. Dahil bilang Pilipino e hindi naman natin ginagamit ang salitang 'T.' Pero hindi ko rin maintindihan kung bakit bukambibig naman ng mga Filipina ang 'P' pag nagugulat; samantalang ang mga Amerikana e hindi naman bumabanggit ng 'V'...bagama't malinaw na pinagkakaisahan ng dalawang lahi ang babaeng magulang sa mga katagang 'PIM' at 'SOAB.'
Malabo para sa 'kin kung paano bumubuo ng mura ang mga tao sa buong mundo. Sa Amerika, isa pang madalas gamitin ay ang 'AH.' Pero nagtataka ako kung paano nila naisip na tawaging ganoon ang isang tao. Bakit may ganoon ring salita sa Afrikaan, French, Greek, Hindi, Russian, at Vietnamese? Sino ang unang tinawag na BNP sa kasaysayan ng mundo, at bakit? At ano ang amo'y n'ya? ? ?
Ipis. Ipis naman ang problema ko ngayon. Di 'to dapat kasama sa usapan, kaso habang sinusulat ko ang Pulitzer Prize winning article ko sa itaas e extra nang extra ang isang ipis dito ngayon sa kwarto. Gumapang s'ya sa sahig, umakyat sa dingding, at umikot-ikot sa nakasabit na gitara (na di ko naman natutugtog!) Siguro nahilo sa insecticide na ginamit ko kahapon...o naamoy ang hinubad kong t-shirt.
Galit ako sa ipis. Na-perfect ko na ang iba't-ibang klase ng pagpatay sa kanila. Tsinelas at nilukot na diyaryo ang pinakamabisa. Syempre kailangan yung mana-knock out mo sila pero di sila mapipisa dahil magtatalsikan lang ang lamanloob nila sa sahig at dingding n'yo.
(Habang itina-type ko ang huling paragraph, isang ipis ang napatay ko. Pero may isa pang ipis na biglang lumitaw. Pinalo ko, pero natakasan n'ya ang bangis ng tsinelas ko...tumalon sa keyboard...OOOPS, YESSSS... WOOO-HOOOHOOOOO! ! ! ! ! ! PATAY NA! ! ! ! !)
Kahit tumagaktak ang pawis ko sa gabi, di ako nagbubukas ng bintana dahil ayokong may nakakapasok na ipis sa tulugan ko. May mga 'season' kasi ang ipis na (...MAY NAKIKITA NA NAMAN AKONG PANIBAGONG IPIS! ! !) parang politician na nangangampanya at nagpupumilit pumasok sa bahay n'yo. Tuwing uulan yata 'yon o mating season. Ewan. Basta pana-panahon. Trip-trip. Tulad ngayon.
Istorbo sa pagtulog ang ipis. Lalo na yung tipong magigising ka dahil merong nagla-live show sa mukha mo. Kaya isang mumunting kaluskus lang alam ko kaagad kung ipis. Bumabangon ako kaagad, nagbubukas ng ilaw, at nag-aamok kahit alas-dose ng madaling araw. Parang Coyotes vs. Road Runner. Meep-meep!
Sabi nila, pre-historic life forms pa raw ang ipis. At kahit wala na tayo dito sa mundo, malamang sila andito pa rin. (Interesanteng isipin na tuwing isusulat ko ang salitang 'ipis' e 'isip' ang nata-typre ko sa keyboard. Dahil kaya isip-ipis ako?) Hanga ako sa mga ipis. Biruin mo, nagawan ko sila ng instant article! (At mukhang 'season' nga nila ngayon. Meron na namang hinayupak na lumilipad-lipad!)
Bakit nga ba kailangan natin ng ipis? Bakit may ipis sa mundo? Bakit ginawa ng Diyos ang surot, langaw, kuto, pulgas, daga, at tungaw? Ano ang gamit nila? Nakagat na 'ko dati ng surot sa bus. Masakit, hindi nakakatawa! Kaya minsan hindi ko maintindihan kung bakit nagra-rally ang mga tao para tuluyang sipain ang mga Amerikano sa bansa, pero walang nagpapaalis sa mga surot! Bakit ba kailangan magkaroon sa mundo ng hayop na nangangagat ng pwet? May kinalaman ba 'yon sa balance of nature? Masyado na bang marami ang pwet sa mundo kaya kailangan itong pakontiin ng mga surot?
Balik tayo sa mga mura.
May kapitbahay kami dati na pag may kaaway ay gumagamit ng parehong English at Tagalog sa pagmumura. Uha, sa Tagalog n'ya inilalabas ang mga sama n'ya ng loob. Pagkatapos noon, sasabihin n'ya ulit ang lahat sa English. Automatic translation, parang easter message ng Santo Papa. Pero talo s'ya sa isa pa naming kapitbahay na kahit walang kaaway e hitik sa mura ang salita. Oo, kahit masaya s'yang nagkukwento. Namumutawi sa labi n'ya ang mga salitang ikakaiyak ng mga guardian angel. Ang masama pa lalo, ginagawa n'ya ito sa kalye, mga bandang ala-una ng madaling araw, sa boses na may lakas at pwersa na tatalo sa pagre-report ni Mike Enriquez.
'Hahaha! E di tumakbo kami, pre! PNI (maternal body part) , may mga aso pala! Hahahahaha! ! ! KNI (maternal body part pa rin) ! Hinabol kami, PNI, nagkahulan, pre! PNI talaga! Kumaripas kami ng takbo! KNI! Hahahahaha! PNI'ng 'yan! ! ! '
('Wag kang mag-alala. Sa maniwala ka't sa hindi, maligayang-maligaya ang kapitbahay namin habang nagkukwento.)
Pero kung iisipin, sino nga kaya ang unang Pilipinong nagmura, at bakit? Si Jose Rizal? 'PNI! Bakit nila ako dadalhin sa Bagong Bayan? ' Si Andres Bonifacio? 'Punitin natin ang mga PI'ng cedula! ' Si Julian Felipe? 'Wala ka sa tono, AH! ' Si Lapu-Lapu? 'TI! Akala ko itak lang ang sandata nila! ? ! ' O si Malakas? 'S! Bakit ngayon lang kita nakita? Matagal ka na ba dito sa loob ng kawayan? '
Patuloy pa rin sa paglusob ang mga ipis. Parang alam ko na kung paano naimbento ang mura.

Napapadalas ang basa ko ng tabloid nitong mga nakaraang araw. At napansin kong bestseller pala ang article tungkol sa suicide. Ang problema lang, tila yata masyadong pang amateur ang maraming tao sa pagsasagawa ng grand entrance nila sa langit...o sa ibaba nito. Kaya naisip kong pagtuunan ito ng pansin para sa kapakanan ng mga nagbabalak. Heto ang aking tips para ligtas, maginhawa, at di malilimutang pamamaalam sa mundo:
1. Bago ang lahat, alamin muna ang tamang dahilan sa pagsu-suicide. Kung ang problema mo ay dahil lang naman sa wala kang pera o iniwan ka ng minamahal mo, hindi ka dapat magpatiwakal. Ang mundo ay tambak ng mga tao na pwede mong mahalin, at ang pera naman ay pwedeng kitain, kaya hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Ang pagkitil sa sariling buhay ay karapatan lamang ng mga taong gumagamit ng cellphone at nakikipagkwentuhan sa loob ng sinehan.
2. Kung desidido ka na sa gagawin mo at sa tingin mo ay meron kang tamang dahilan para gawin ito, ang susunod mong hakbang ay ang pagpili ng paraan ng pagpapakamatay. Ang mga popular na paraan ay ang pagbibigti, pag-inom ng lason, pagtalon sa riles ng tren, pagbaril sa ulo (o sa puso, kung wala ka nang ulo pero buhay ka pa rin) , at paglalaslas ng pulso. Ang mga jologs na paraan ay ang pagtalon sa mataas na gusali, pagpapasagasa sa EDSA, at pagpigil ng hininga. Tandaan na maaari ka pang mabuhay pag nagkamali ka sa pagsasagawa ng mga nabanggit, kaya pumili lamang ng isa na hiyang sa 'yo. Bukod d'yan, marami rin sa mga paraan na ito ang makalat at nakakapangit. Dyahe naman kung pagtitinginan ng mga tao yung mukha mo sa ataul tapos mukha kang dehydrated na langaw.
3. Sumulat ng suicide note. Eto ang exciting. Dito pwede mong sisihin lahat ng tao, at wala silang magagawa. Sabihin mo na hindi mo gustong tapusin ang iyong buhay, kaso lang bad trip sila lahat. Pero 'wag ding kalimutang humingi ng tawad sa bandang huli para mas cool pag ginawang pelikula ni Carlo J. Caparas ang buhay mo. At tandaan, importante ang suicide note para malaman ng mga tao na nagpakamatay ka nga at hindi na-murder. Sa ganitong paraan maiiwasan ng PNP ang pagkuha sa kalye ng kahit sinong tambay bilang suspect.
4. Pumili ng theme song. Banggitin ang iyong special request sa suicide note. Ipagbilin na patugtugin ito sa prusisyon ng iyong libing. Iwasan ang mga kanta sa Salbakutah. Dapat medyo mellow at meaningful...tulad ng mga kanta ng Sexbomb.
5. Isulat nang maayos ang suicide note. Print. Iwasang magbura. Gumamit ng scented stationery at number 1 Mongol Pencil. Lagdaan. Huwag gumamit ng sticker. Ilagay ang suicide note sa lugar na madaling makita. Idikit sa noo.
6. Planuhin ang isusuot. Isang beses ka lang mamamatay, kaya dapat memorable ang get-up. Pumili ng mga telang hindi umuurong o makati sa katawan. Magbaon ng dalawang pares pampalit pag pinagpawisan ka.
7. Kumuha ng de-kalidad na ataul. Maganda ang kulay puti dahil malamig at kumportable kahit tag-init. Huwag magtipid. Mas makakamura kung bibili na ng cable-ready, kesa magpapalit ng pa balang araw.
8. Pumili ng magandang pwesto sa sementeryo. Ang puntod ng mga taong ipinanganak sa year of the Rat, Dragon, Rabbit, Snake, Tiger, Chichen, Pork, at Beef at dapat nakaharap sa Fiesta Carnival. Ang mga ipinanganak sa ibang taon ay dapat i-cremate at gawing foot powder, para gumaan ang pasok ng pera.
9. Itaon ang araw ng libing sa unang dalawang linggo ng buwan, o di kaya'y sa huling dalawang linggo, para gumaan ang pasok ng pera.
10. Kung meron ka nang NBI at police clearance, affidavit of loss, voter's ID, cedula, promissory note, original copy ng birth certificate, at urine sample, pwede mo nang isagawa ang kalugod-lugod na gawain. Siguraduhin lang na hindi ka mababalita sa tabloid, katabi ng mga article tungkol sa kabayong may tatlong ulo, at sirenang namataan sa Manila Bay. Para gumaan ang pasok ng pera.

Maraming nagtatanong kung bakit Bob Ong ang pangalan ko. Yung iba natutuwa, yung iba napapangitan, at yung iba tinatawag na lang akong 'Andrew'...o kung ano man ang gusto nilang itawag sa akin. Nagkainteres tuloy akong hanapin dati kung ano nga ba ang ibig sabihin ng pangalang Bob Ong. Baka kasi sakaling 'Gift from God, ' o 'Noble leader, ' o 'Wise one, ' o 'Jackpot prize lotte winner.' Ang resulta, napag-alaman kong ang pangalang Bob Ong ay nangangahulugang 'Messenger from Above' (Naks! Banal ako!) Pero babawiin ko dahil pauso ko lang 'yan.
Kulang ang entry sa Dictionary of Names na nakita ko. Bukod d'yan, mas nakakalito lang kadalasan ang mga interpretation ng tao tungkol sa pangalan mo, panaginip, guhit ng palad, birthday, Numerology, at Zodiac Sign. Halimbawa na lang yung mga Horoscope, bakit ba nila sinasabi sa 'yo kung mainitin ang ulo mo, marunong kang magmahal, malas ka sa negosyo, o darating sa 'yo ang swerte kung magsusumikap ka? Bakit sinasabi pa nila ang mga bagay tungkol sa 'yo na ikaw mismo alam mo? Bakit hindi nila sabihin: 'Horoscope for January 33,2005: Leo: Suswertihin ka sa araw na ito pag pumunta ka sa 84-C Bayabas St., Project 8, Quezon City, dahil may magbibigay sa 'yo ng kalahating milyong piso. Pero bilisan mo lang dahil hindi lang ikaw ang Leo sa mundo.' Di ba mas may pakinabang ang ganyan? Alam ko, may conflict. Sasabihin nila na hindi pwedeng iasa mo na lang ang buhay mo sa hula. Pero tingin ko mas okay 'yun, kesa yung huhulaan ka ng numerologist ng 'Ang lucky number mo ay 17.5' Wala naman kasing praktikal na benepisyo kung malalaman mo ang lucky color mo, lucky stone, o lucky number. Wala namang umiikot na berdugo sa mundo na namumugot ng ulo ng mga taong hindi alam ang lucky number nila. At wala rin namang batas na nagpaparusa sa mga maling hula. Kaya sa loob ng ilang siglo ay patuloy pa rin ang mga manghuhulang tumitingin lang sa kisame habang nangangapang nagsasabi ng: 'Umiwas sa mga madidilim na lugar...Huwag magpalipas ng gutom...Tumulong sa kapwa...'
Sa kabilang banda, hindi ko naman sinasabing lahat ng tinatawag nating 'superstition' ay kalokohan. Dahil ang ilan sa kanila ay base sa scientific truths na nagkataon lang na nabalot ng mapamahiing tradisyon. Katulad ng paglalagay ng tinidor sa nilulutong ulam. Akala ng iba ay base ito sa sabi-sabi ng matatanda. Pero ang totoo ay talagang nakakatulong ang tinidor sa pantay, mabilis, at mas maayos na pagkakaluto ng mga karne, dahil gawa ito sa metal, mabisang heat conductor. (Gumamit lamang ng mga tinidor ng Jollibee at McDonald's kung gusto mong maging medyo kakaiba ang lasa ng ulam.)
Isa pang halimbawa ay ang paglalagay ng sinulid sa noo ng sinisinok na sanggol. Akala natin ay isa ito sa mga popular na 'superstition' o matandang pamahiin. Pero ang totoo, ang sinulid ay nakakapagpabuti sa metabolismo at mabilis na sirkulasyon ng dugo ng mga nagbibinatang tikbalang. (Volume 7,1968 World Book Encyclopedia)
Marami pa sa mga kinagisnan nating pamahiin ang base sa Science, hindi lang natin alaml; kahit na sabihin na ng iba na tayo rin ang gumagawa ng swerte at malas base sa personal na pananaw natin sa mundo at sariling interpretasyon sa mga nangyayari araw-araw.
Kailan nga lang e nagka-interes ako sa Feng Shui. Inisip kong ito ang sagot sa mahinang reception ng channel 4 sa TV namin. Dahil dito, nauwi ako sa mahabang oras ng masinsinang pananaliksik. At napag-alaman ko na para swertihin ka sa buhay at hindi tubuan ng hadhad sa kilikili, dapat ay nasa tamang posisyon sa kusina ang kalan mo, nasa tamang posisyon sa bahay mo ang kusina, at nasa tamang posisyon sa mundo ang bahay mo. At lahat 'yan ay ayon sa kung kailan ka ipinanganak: taon, buwan, araw, oras, minuto; at kung ano ang kasarian mo, taga-saan ka, at sino ang ibinoto mong presidente noong 1998.
Noon ko lang nalaman na ako pala ay isang Brown Rabbit na ipinanganak sa taon ng Green Tiger. Ang equivalent ko ay Soil. At ang Lucky element ko ay Water. (May nagsabi ring Wood...pero mas trip ko ang Water dahil hindi inaanay.) Ang mga kalkulasyon na 'to ay base sa Chinese Stem-Branch Calendar System. Ang Stems ay ang mga Element na Metal, Water, Wood, Fire, at Earth. Samantalang ang Branches naman ay ang labindalawang hayop na kaugnay ng mga nabanggit na elemento. Sinasabing ang Five Elements daw ng Chinese Yin-Yang ang naglalarawan ng Balance. Pag balanced daw ang Five Elements, suswertihin ka. At pag hindi naman e mamomroblema ka. Kaya ang magiging Lucky Element mo ay kung ano man ang magba-balance sa lima. Kadalasan, ito ay ang elementong pinakamagaan. Kung pagbabasehan ang Balance Theory, malalaman natin ang mga...ALAM KO NA! ! ! MAGPAPAKABIT NA LANG AKO NG CABLE!

< ' > Diyos ka ba?
<.- -.> Huh?
< ' > Narinig mo 'ko.
< ' > Diyos ka ba?
<.- -.> Bakit mo naitanong?
< ' > Bakit mo sinasagot ng tanong ang tanong ko?
<.- -.> Pero sinagot mo rin ng tanong ang tanong ko.
< ' > Naririnig mo ang dasal ng mga tao...
< ' >..
< ' > Pero hindi...hindi ka posibleng maging Diyos...
<.- -.> Bakit...dahil hindi ka naniniwalang may Diyos?
< ' > Hindi lang ako.
<.- -.> Isa na namang tao na ang paniniwala ay wala siyang pinaniniwalaan. Interesante talaga kayo kahit kailan. Hehehe...
< ' > Kumbinsihin mo 'ko.
<.- -.> Na ako ang Diyos?
< ' > Na MAY Diyos!
<.- -.> Para ano?
< ' > Kausap na kita. Patay na 'ko. Bagsak ako sa exam. Pwede na bang malaman ang tamang sagot bago man lang ako mahatulang masunog sa kumukulong lawa ng apoy...kung meron na?
<.- -.> Kung meron mang ano?
< ' > Kung meron mang lawa ng walang-hanggang apoy.
<.- -.> Ahh...
<.- -.> Merong babae at lalake sa mga tropical tree species. Para dumami sila, kailangan nila ang mga paniki para maglagay ng male pollen sa female flowers. Syempre kung masyadong magkalayo ang male at female species, hindi na kayang liparin 'yon ng paniki. Tapos na ang lahi ng mga punong 'yon.
< ' > Ngayon...?
<.- -.> Kaya may mga hayop na nakatira sa ilalim ng lupa, sa ibabaw ng lupa, at sa puno, ay para hindi sila nagsisiksikan. Kanya-kanya silang trabaho, palitan - yung iba sa gabi, yung iba sa umaga.
<.- -.> May mga lugar sa mundo na kung saan kahit isng uri lang halaman ang mawala, ikakamatay na ito ng mga 30 species ng hayop. At dahil eto ring mga hayop na 'to ang nagkakalat ng mga buto ng halaman, apektado rin ang paglaganap ng mga puno.
<.- -.> Kahit taniman ulit ang mga nakalbong kagubatan e hindi na nito maibabalik ang mga hayop at insektong minsang nanirahan dito, dahil may mga uri ng hayop at halaman na sa isang partikular na milya ng mundo mo lang makikita.
< ' > _
<.- -.> Hindi lahat ng lupang-gubat ay sa ilalim kumukuha ng sustansya, dahil minsan ang mga pinagkukuhanan nilang decomposing rocks ay masyadong malalim. Bale ang nagiging nutrient source ng lupa ay sa ibabaw, yung ulan at mga basurang gubat - mga tuyong dahon at iba pa. Yung mga nutrient na itinatangay ng patak ng ulan mula sa mga dahon, sanga, prutas, lumot, alikabok, at pugad ng langgam ang nagiging 'meal on wheels' ng lupa. Syempre, mas malaki ang tulong ng mga termites sa larangan na 'to dahil sila ang tagadala ng mga dahon-dahon sa ilalim ng lupa, kumbaga e foreign investors. Pag tinubuan na ng fungus ang mga dahon na dala nila, made-decompose ito at lilikha ng nitrogen, phosphorus, calcium, at iba pang sustansya na kakailanganin naman ng mga bagong halaman.
<.- -.> Pero pag wala na ang mga puno, diretso na ang patak ng ulan sa lupa. At dahil sa mas malakas na ang pwersa ng patak ng ulan, nasisiksik at tumitigas ang lupa. Pag umaraw, diretso na rin ang init na natatanggap nito, kaya tumitigas lalo at nagbibitak-bitak. Tatlo ngayon ang masamang nangyayari dahil dito. Una, dahil wala nang puno na dinaraanan ang bawat patak ng ulan, wala na itong pasalubong na sustansya sa lupa. Pangalawa, dahil bitak-bitak na ang lupa, lumulusot na ang tubig ulan papuntang ilog, hindi na lupa ang nakikinabang sa mga nutrients. Pangatlo, dahil sobra naman ang nutrients na napupunta sa ilog, namimiligro ang buhay ng mga aquatic species dito.
< ' > Wala yata akong naiintindihan...
<.- -.> Dahil umiikot ang mundo sa axis nito 1,000 miles per hour sa equator. Kung naging 100 miles an hour lang ang ikot nito, mas hahaba nang sampung beses ang mga araw at gabi. Masusunog sa init ng araw ang mga tanim sa umaga, at ang mga halamang milagrong makakatagal e magyeyelo naman sa gabi.
<.- -.> Ang araw ay may na umaabot sa 10,000 degrees Fahrenheit. Tamang-tama lang ang layo nito sa mundo para magbigay ng kinakailangan init. Kung mababawasan ng kalahati ang radiation na naibibigay nito, magyeyelo ang mundo; kung madodoble naman, maiihaw.
< ' > Sandali...
<.- -.> Ang pagkakatabingi ng mundo ang dahilan kaya may iba't-ibang panahon. Kung hindi nakahilis ang mundo, gagalaw nang north to south ang ocean vapors at matatambakan ng yelo ang mga continents.
<.- -.> Kung naging mas malapit pa ang buwan, magiging masyadong malaki ang tides. Lulubog sa tubig ang mga continents dalawang beses sa isang araw. Mawawala pati ang mga bundok.
<.- -.> Kung mas kumapal pa ng sampung talampakan ang balat ng lupa, mawawala ang oxygen...kasama na ang buhay ng lahat ng hayop.
<.- -.> Kung ang karagatan ay lumalim pa ng ilang talampakan, hihigupin na nito ang carbon dioxide at wala nang halaman na mabubuhay. Tiyak na ang katapusan ng mga hayop.
< ' > Maganda ang mga kwento mo, nabasa ko na lahat 'yan sa libro, pero-
<.- -.> 'Maganda.' Ha, ha. Gusto ko ang sinabi mo -
'maganda.'
< ' >?
<.- -.> Ang maputing balahibo ng kuneho, nagsasayawang alon sa dagat, mangilan-ngilang bulaklak sa disyerto, iba't-ibang kulay ng bahaghari, mga ginintuang tuyong dahon sa taglagas, kumikislap na tala, mga naglalarong isda sa karagatan, nagyeyelong bundok, pakpak ng mga paruparo, mga luntiang halaman, hugis ng mga ulap, balat ng sanggol, amoy ng ylang-ylang, awit ng mga ibon, ilaw ng alitaptap - 'yan ang mga maganda!
<.- -.> Alam mo ba kung paano naging maganda ang mga 'to?
< ' > Gusto mo bang isagot ko na dahil ginawa sila ng Diyos?
<.- -.> Meron na bang aso na nakapagpinta ng tahimik na batis dati sa lubha s'yang nagandahan dito? O daga kaya na napaluha sa tuwa dahil sa damdaming taglay ng papalubog na araw? O unggoy na sumulat ng tula para sa makulay na paraiso sa ilalim ng dagat?
< ' > Huh?
<.- -.> Naniniwala ka bang magkapareho lang ang mga tao at hayop?
< ' >..
<.- -.> Bakit sumasamba ang tao...o naghahanap ng sasambahin? Bakit may ngiti? Bakit may konsensya, tampo, halakhak, kahihiyan, awa, pangarap, at pag-aalala? Bakit gumugulo ang buhay ng tao pag marami s'yang asawa? Bakit ang hayop, hindi?
< ' > Naguguluhan ako....
<.- -.> 'Wag kang mag-alala. Normal lang ang maguluhan kahit na umaabot pa ng 3 pounds ang utak at naglalaman ng sampu hanggang sampung bilyong neurons.
<.- -.> Pero alam mo ba na ang central galaxy ng Abell 2029 galaxy cluster, na may 1,070 million lightyears na layo sa earth, ay merong diameter na 5.6 million lightyears? Walumpng ulit ang laki nito kesa sa Milky Way!
<.- -.> Pero tanging ang utak lang ng tao - sa buong kalawakan - ang natatanging bagay na nagpipilit umintindi sa sarili n'ya. Nakakatawa nga kung iisiping ang damdamin mo, pagkatao, ala-ala, at isipan, ay nagmumula lang pala lahat sa maliit na karneng nasa ulo mo.
< ' > DIYOS KA BA?
<.- -.> Pero isipan man ng tao, o mga makinang gawa n'ya, e nagmimistulang laruan lang kung ikukumpara sa disenyo at talinong nagpapatakbo sa mga cell sa katawan n'ya.
< ' > Magmilagro ka nga!
<.- -.> Hindi pa ba sapat na milagro ang paraan ng pagkukumpuni ng katawan mo sa kanyang sarili tuwing nasusugatan o napipilayan ka?
< ' > Marami kang sinasabi, pero wala ka namang nasasagot!
<.- -.> Anong sagot pa ba ang gusto mo?
< ' > Kung ikaw ba ang Diyos.
<.- -.> Paano ka maniniwalang ako, kung hindi ka man lang naniniwalang meron?
< ' > Dahil marami akong gustong itanong, kung ikaw!
<.- -.> Kung malalaman mong may Diyos, may gusto ka bang baguhin sa naging takbo ng buhay mo dati? Kung may dapat ka pang baguhin sa naging buhay mo noon, nangangahulugan bang nabuhay ka sa paniniwalang walang Diyos?
<.- -.> Sabihin mo nga sa akin, apektado ka ba kung meron man o walang Diyos?


Comments about Ang Paboritong Libro Ni Hudas - Bob Ong(Part 2) by opium lestre

There is no comment submitted by members..



Read this poem in other languages

This poem has not been translated into any other language yet.

I would like to translate this poem »

word flags

What do you think this poem is about?



Poem Submitted: Sunday, October 13, 2013

Poem Edited: Friday, October 25, 2013


[Hata Bildir]