Asuwang Na Lakad Poem by Pacific Hernandez

Asuwang Na Lakad

Asuwang na lakad ay sari-saring ayos
Merong anyong tao, merong anyong hayop
Pero pusa't aso ang anyong madalas
Ngunit naiiba, malaki ang sukat

Kapag ang aswang ay anyong pusa't aso
Mas mataas ang puwit kesa kanyang ulo
Kapag ikaw daw ay mayroong nakita
Na aso o pusa at iyong suspetsa
Na sila ay asuwang, ika'y nagdududa
Tumuwad ka't tingnan, iyong makikita
Na sila'y di hayop, mga tao sila

Ang gawa ng aso o pusang asuwang
Manlapang ng tao, bata't matanda man
Paborito nilang parte ng katawan
Ay puso at atay, daw ay malinamnam

Ang isa pang gawa ng lakad na aswang
Mang-amoy ng sanggol sa sinapupunan
Papasok sa silong ng babaeng buntis
Sa mga balagbag ay bibiting pilit
Para ang ilong niya'y sa sahig malapit
Ang sinumang buntis na mapangamuyan
Tiyak na duduguin. tuloy makukunan

Ang mga asuwang, lakad o lipad man
Ay mayroong ibon na sumusubaybay
Saan man gumawi ay laging kasabay
Ang gawain nila'y magbigay babala
Na mayroong asuwang na gagala-gala
Sa ibon na ito ay tiktik ang tawag
Siya'y nasa ibaba pag asuwang ay lipad
At nasa itaas pag asuwang ay lakad
Siyempre ang asuwang daw sa tiktik ay galit
Kaya hinahablot, sinasakmal pilit

COMMENTS OF THE POEM
Jemme Simbulan 05 January 2013

Caught my attention because of the title.

0 0 Reply
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success