Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 5) Poem by opium lestre

Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 5)

Nakikita rin ng manunulat ang sarili n'ya bilang hunter na nanghuhuli ng mga salita sa halip na hayop. Ang bawat nahuhuli n'ya, isinasalpak sa papel. Depende sa hirap ng panghuhuli, minsan may kasama pang mura ang pagsasalpak sa papel. Nandoon ang kasiyahan nila pareho ng mga nahuhuling salita.
Ayon kay Georges Simenon, ang dahilan daw ng pagsusulat n'ya ay 'to exorcise the demon in me.' Totoo yon para sa karamihan ng mga manunulat. Ang pagpuksa sa mga personal na demonyo ang nagsilbing makina sa likod ng mga di na mabilang na sanaysay, kwento, at tula. Ang manunulat ay biktima ng isang sumpa na para sa karaniwang tao ay ligo lang ang katapat.
Sumubok ako ng bagong deodorant. Ang pagkakaintindi ko sa commercial nila, pag hindi ka raw nakuntento sa nasabing produkto e bibilhin nila ulit yung dati mong deodorant para sa'yo. Tipong 'Money Back' guarantee. Pero di ako naengganyo doon. Hinabol ko lang yung mababang presyo nila kaya ako nauto.
E 'langya, ala ngang kwenta. Ambilis maubos! Di ko maintindihan kung may sumusosyo sa deodorant ko. Pero sino naman ang gagong makikisalo sa deodorant ko? ! Buti sana kung toothbrush yon na pwedeng hiramin!
Tingin ko meron pa 'kong ayaw sa deodorant na yon. Pero di ko masabi kung ano dahil sa sobrang bilis ng pagpanaw nito. Babalik na lang ako sa dati kong brand. Vicks.
Marami ang nagsasabing ang pagsusulat para sa mga kabataan ang isa sa mga pinakamahirap na klase ng pagsusulat. Kaya nga laking swerte ko dahil kahit na hindi ko sinadyang mag-focus sa nasabing age group, napagtiyagaan nila akong basahin. Malaking bagay ang mapagkatiwalaan ng mga kabataan sa edad na wala silang sinasanto at lahat e pinagdududahan. Pero automatic ding kailangan kong maging baby sitter sa ilan na meron pang pacifier sa utak kahit na nasa edad na sila para gumamit ng deodorant.
Dahil sa pangangailangang makapagbenta ng produkto, naimbento ng isang brand ng deodorant noong 1919 ang BO o body odor. Bago noon, wala pang tao sa planeta ang nasabihang meron s'yang BO at kailangan n'yang gumamit ng [place product name here]. Sabi nga nila, ang trabaho raw ng patalastas ay para kumbinsihin ang tao na meron s'yang pangangailangan o kakulangan sa buhay na kailangan n'yang tugunan.
May kinalaman nga ba ang initials ko sa katamaran kong maligo, o talagang napag-iwanan lang ako ng mga kilalang Pilipino pagdating sa pagpili ng pangalan?
Amado Hernanderz - Amante Ernani; Julio Abril
Andres Bonifacio - May Pag-asa
Antonio Luna - Taga-ilog
Apolinario Mabini - Paralitico
Cecilio Apostol - Catulo
Emilio Aguinaldo - Rosalia Magdalo
Emilio Jacinto - Pinkian
Epifanio dels Santos - G. Salon
Fernando Ma. Guerrero - Fluvio Gil
Francisco dela Cruz Balagtas - Francisco Baltazar
Francisco Sionil Jose - F. Sionil Jose
J. Zulueta - Juan Totoo
Jose Abreu - Kaibigan
Jose Corazon de Jesus - Huseng Batute
Jose dela Cruz - Huseng Sisisw
Jose Ma. Basa - Isaac Fernando delos Rios
Jose Rizal - Dimasalang; Laong-Laan
Jose Turiano Santiago - Tiktik
Juan Crisostomo Soto - Crissot
Marcelo H. del Pilar - Plaridel; Dolores Manapat
Mariano del Rosario - Tito-Tato
Mariano Ponce - Kalipulako
Nestor Vicente Madali Gonzalez - N.V.M. Gonzalez
Nick Joaquin - Quijano de Manila
Rafael Palma - Dapit Hapon
Salvador del Rosario - Juan Tagalo
Severino delas Alas - Di Kilala
Sino nga ba ang misteryoso: Ang taong alam mo na ang talambuhay at takbo ng isip pero hindi ang pangalan, o ang taong alam mo ang mukha, tirahan, edad, at pangalan pero bukod doon e wala nang iba?
Siksik ako dito ngayon sa 2.5m x 3m na selda. Pansamantalang ipinasok dito ang PC dahil sa memorandum na ipinatutupad sa buong kagubatan. Malayo ako sa jack ng telepono, kaya may temporary restraining order din sa pag-Internet. Etong PC ko naman, naghihingalo. Walang kaha, kita ang kaluluwa, katatapos lang ng operasyon. Lahat daw masakit sa kanya. Hard disk. Memory. Clock. Sari-saring error messages ang kumakausap sa 'kin. Sinuhulan ko, pero ayaw naman tumanggap ng lagay.
Yan ang ayoko sa mga linsyak na computer. Upgrade nang upgrade. Hardware at software. Wala kang panalo. Para kang hamster na nasa exercise wheel. Yung PC-AT286 ko na binili dati ng 30k-ayun, paper weight na lang!
Ang maganda lang sa naging karanasan ko sa computer e marami akong bagay na nasubukan at nausisa. Jack of all trades. Master of none. Lalo na nung nauso ang Internet sa bansa dalawang taon bago naupo si Erap. Masyado akong nalibang sa sandamakmak na bagay na nag-agawan sa atensyon ko. Marami akong nasubukan at natutunan. Pero ang pinakamagarang aspeto ng Internet na napansin ko e walang iba kundi ang mismong mga nagpapatakbo at gumagamit nito.
TAO.
Isipin mo: Sino ka? Ikaw, sino ka talaga? Sino ang ikaw? Kung matatanggal ang kamay mo dahil sa isang disgrasya, syempre ikaw pa rin ang matitira-ikaw na walang kamay. Pero kung magkakahiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan mo, sino ang ikaw? Yun ulo? Yung katawan? Yung pinakamaraming parte na magkakadikit pa rin?
Paano kung walang matira sa katawan mo?
Naisip ko ang tanong na 'to dahil na rin sa joke tungkol sa preso na unti-unti na raw tumatakas ng kulungan dahil sa sunud-sunod na organ donation nito at amputation ng mga kamay at paa. Isang patawa na nakasandal sa seryosong tanong kung sino ka nga ba. Ikaw ba ang bahagi ng katawan mo na buhay pa? Ikaw ba ang parte na nakakapag-isip? Ikaw ba lagi ang ulo?
Yan ang Internet. Parang puro lang tayo isip na nag-uusap-usap. Walang mukha, katawan, kamay at paa. Di kita nakikita, di mo 'ko nakikita. Ako ang tao na binubuo ng isipan mo...base siguro sa pagkatao mo rin. Dail nakakausap mo 'ko, tao na 'ko.
Taong 2003 ko unang nabalitaan sa CNN ang kalagayan ni Terri Schindler Schiavo, isang Amerikana na pumanaw nito lang 2005 at tumawag sa pansin ng buong mundo. Nagmi-merienda ako noon nang matsambahan ko ang interview ni Larry King kay Michael Schiavo, mister ni Terri, na nagpipilit na tanggalan ng feeding tube ang diumanoy nasa vegetative state na asawa. Na-comatose si Terri noong 1990 dahil sa isang medical malpractice at nanatiling nasa neurological state simula noon. Pero dahil nanalo sa demanda laban sa hospital, nabigyan ng pera ang mag-asawa at doon na nagsimula ang pag-aagawan nina Michael at ng mga Schindler sa karapatan kay Terri. Mahaba ang naging pagtatalo tungkol sa custody, euthanasia, at pera. Kanya-kanyang bersyon ng kwento, sari-saring anggulo. Pero ako, tulala lang sa kalagayan ni Terri.
Paano nga ba masasabi kung buhay at mag-isip pa ang isang tao o pinahihinga na lang ng makina? Kung hindi ka na nakakapag-isip, kahit na may tibok pa ang puso mo-ikaw pa rin ba yon? Kung ipinanganak ka sa katawan ng isang taong di makarinig, makakita, makapagsalita, at makagalaw-buhay ka na ba? At kung isang araw gumising ka na lang nang hindi mo alam ang pangalan mo at edad-sino ka? ? ?
Sa hirap daw ng buhay sa Pilipinas, lahat ibinebenta na ng mga tao makakain lang. Pati sariling laman. At hindi lang ito laman na nangangahulugang prostitusyon, kundi mismong mga lamang-loob at parte ng katawan. Mata, ngipin, kidney, balat, breastmilk, dugo, at syempre yung iba pang vital organs na pwedeng maipasa sa ibang taong nangangailangan nito. Malaki naman daw ang kita kung hindi mo iindahin ang sakit, kapansanan, at pag-ikli ng buhay mo.
Pero sabi sa Wired Magazine, kung pepresyuhan daw ang katawan mo base sa market value ng mga organ, chemicals, at complex molecules nito, tatabo kagad ang baga mo ng $58,200 bawat isa. $57,000 ang puso. $91,400 ang mga kidney. $419,920.20 ang atay. $9,000,000 ang DNA. At $23,000,000 ang bone marrow. Kasama na ang mga body fluids, tissues, at proteins, may kabuuhang $45,618,575.82 ang halaga ng isang buong tao. Pero theoretical lang ang mga presyo na yan kaya wag ka muna kagad kumuha ng kutsilyo.
Malalaman mo raw na tumatanda ka na pag ikinukumpara at ipinagmamalaki mo na ang henerasyon mo sa mga mas bata sa'yo. Kung ganon, tumatanda na nga 'ko. Kasi sa panahon ko, marunong pa gumawa ng origami ang mga bata gamit ang panyo. (Pag bored na sa eskwelahan!) Marunong gumawa ng iba't-ibang figures at patterns sa daliri gamit ang goma. (O, ha! Kaya mo ba yung sapot ni Spiderman?) Marunong kumilala ng ilang constellation at heavenly bodies. (Sa bagay, phaseout na yata ang mga bituin sa panahon ngayon.) Marunong sumagot ng mga bugtong. Marunong makinig ng drama sa radyo. At marunong magkwento.
Sa kabilang banda, parang robot na ang mga bata ngayon dahil sa pagkabihasa sa computer. Halos wala na ring gamit ang encyclopedia dahil sa Internet. Di na kailangan ng mauling, matigas, at nagtatakatak na makinilya sa paggawa ng term papers. Napakalaking abala na sa kasalukuyang henerasyon ang TV na walang remote control. Dyahe na ang teleponong walang camera. At ilang pindot na lang sa cellfone ang pakikipaglokohan nila sa kaibigan kahit saan at kahit anong oras, kumpara noon na mga negosyante lang sa siyudad ang may landline. Kung technology lang ang pag-uusapan, napaka s-w-e-r-t-e ng mga estudyante ngayon! Pero marami ang hindi nakakaisip noon.
Sobra rin ang pagpapahalaga ngayon sa talino ng mga bata. Pababa nang pababa ang edad ng mga pumapasok sa eskwelahan. Palalim nang palalim ang usapin tungkol sa mga child prodigy. At parami nang parami ang mga produktong nagsasabing tumutulong sila sa pagpapatalino ng bata.
Malakas masyado ang hype tungkol sa 'the gifted child.' Kahit na ang mas magiging biyaya sa mundo ay ang 'the giving child.'
Wala. Opinyon ko lang 'to tungkol sa mga sinasabing henyo.
Hindi totoong 10% lang ng utak ang ginagamit ng tao. Tsismis lang daw yon na nag-umpisa sa misinterpretation ng binitiwang biro dati ni Albert Einstein, at pinulot ng mga negosyanteng gustong magtinda ng mga produktong gigising daw sa natitira pang 90% ng utak. Sabi nga ng mga scientist, efficient daw ang utak natin. Lahat ng bahagi, may silbi. (Oo, alam ko, gusto mong makarinig ng punchline tungkol sa utak ng ibang tao. Pero bibiguin muna kita.) Mula sa pagkuha ng impormasyon, paggawa ng mga desisyon, pakikipag-usap, pagkontrol sa katawan, at pagpili ng mga ringtone, hanggang sa pagpapalit ng mga ringtone dahil may iba nang uso-lahat yan, dumadaan sa utak natin.
Ayon sa Stanford-Binet scale na hindi ko alam kung ano, ang normal na IQ daw ng tao ay nasa 85 hanggang 115. Sa populasyon ng buong mundo, isang porsyento lang daw kami na may IQ na higit 135, at isa sa amin ay sinungaling pa. Sabi ni Dr. Catherine Morris Cox, isang sikat na psychologist pero hindi ko kilala, ang may pinakamataas daw na IQ ay ang mga philosopher dahil sa average nilang 173. Sunod ang mga scientist sa average na 164. Mga fiction writer,163. Statesmen,159. Musicians,153. At mga tagasubaybay ni Bob Ong,152...pero idi-divide pa yan sa kanilang lahat.
Napanood ko dati ang The Human Body sa Discovery Channel kung saan ipinakita ang development ng sanggol sa sinapupunan. Biruin mo yung the miracle of life na hindi kayang ipaliwanag ng mga scientist, yung mismong 'milagrong' yon na nabubuo nang hindi natin alam kung paano, ang s'ya ring magma-may-ari sa utak na susubok kumilala sa sarili at magtatanong kung sino s'ya, saan s'ya nanggaling, at saan s'ya papunta.
'The mind's the standard of man, ' sabi ni Isaac Watts. Sa blog ko noong unang panahon, na kung tawagin ay Ang Paboritong Website ni Hudas, litrato ng utak ang inilagay ko sa harap sa halip na litrato ko. Para kasi sa akin walang kinalaman ang anyo ng tao sa mga sinasabi n'ya. Ayon nga sa mahal na patron ng mga kabataan na si Eminem: 'Unless you want to f* me, why do you care what I look like? '
Bilang baguhang substitute teacher dati sa high school, minsan na 'kong nahamon ng mga estudyanteng harap-harapang nagkokopyahan sa exam. Naiisip ko noon na para mas makilala ang bawat isa sa kanila-pangalan, pagkatao, kakayanan sa eskwelahan-kailangan kong ibalik sa kanila ang hamon. Pinakuha ko sila ng bagong papel, at ipinasulat ang kung anumang alam nila tungkol sa subject. Sasagot sila nang walang tanong. Nag-memorize man sila o hindi, may naintindihan man sila o wala, anumang makabuluhang bagay ang sa tingin nilang alam nila tungkol sa subject-ipinasulat ko sa papel.
Madaling naihiwalay ang mga may alam sa wala, at ang mga nag-memorize lang sa mga nakaintindi. At dahil mas nasilip ko ang isip sa likod ng mga pangalan, mas nakilala ko ang bawat estudyante. Nakilala ko dahil sa mga isinulat nila.
Bakit nga pala nag-ping pong ang usapan sa utak, isip, kakayanan, at mga lamang-loob?
Dahil tulad ng Internet at text messages, sa mga pinagdugtong-dugtong na salita rin nakikita ang taong sumusulat ng mga libro. At para sa taong sumulat ng librong binabasa mo ngayon, higit pa yon sa pakikipagkamayan.
<._.> Kilala mo ba 'ko?
<BO> Ikaw ba si Inday Badiday?
<._.> Galing ako sa Ang Paboritong Libro ni Hudas, ogag!
<BO> Naku, sorry po! Oo, natatandaan ko na....
<._.> Pwede ka ba matanong?
<BO> PATAY NA BA 'KO? ! ?
<._.> Ako ang nagtanong kung pwede magtanong.
<BO> Sorry po ulit...
<._.> Naaalala mo pa ba yung mga E-mail interview sa'yo ng mga estudyante noon?
<BO> Ah, oo. Bakit?
<._.> Pwede ko bang maitanong ulit?
<BO> Para saan...?
<._.> Para hindi mo na sagutin nang paulit-ulit ang mga paulit-ulit na tanong sa'yo.
<BO> Ayos. Sige, fire!
<._.> Ano ba'ng trabaho mo dati?
<BO> Sabihin na lang nating nakapagtrabaho na 'ko sa opisina, eskwelahan, pabrika, mall, at sa bahay.
<._.> Kelan mo naisip na talagang gusto mong magsulat?
<BO> Nang pumalpak ako sa buhay bilang hindi manunulat.
<._.> Bakit mo isinulat ang mga isinulat mo?
<BO> Dahil...ummm, hindi pa sila naisulat...?
<._.> May mga ritwal ka ba bago magsulat?
<BO> Kailangan ko lang ng katahimikan, parang albularyo.
<._.> Kelan ka nagsusulat?
<BO> Ummm...dati tuwing gabi o kaya tuwing tag-ulan. Pero sobrang dalang ng mga pagkakataong yon kaya ngayon wala na 'kong pinipiling oras o panahon. Basta sinisipag, sige nang sige. Pag hindi sinisipag, hintay ulit ng gabi o ulan. Minsan pati solar eclipse.
<._.> May bad habits ka ba sa pagsusulat?
<BO> Kasalukuyan akong nagka-canvas kung saan makakabili ng good habits.
<._.> Nakakapagsulat ka ba kahit pressured na sa deadline?
<BO> Oo. Kasi itinutulak ko ang deadline.
<._.> Ano ang ginagawa mo sa mga pagkakataong hirap kang magsulat?
<BO> Hindi ako nagsusulat.
<._.> Ano ang pinagkakaabalahan mo pag hindi ka nagsusulat?
<BO> Minsan natutulog. Pero kadalasan nagtutulog.
<._.> Gaano ka ka-emosyonal sa pagsusulat ng mga libro?
<BO> Hindi kulang-na hindi ko ito maumpisahan. Hindi sobra-na hindi ko ito matapos.
<._.> Bakit mo naisip na magsulat sa Filipino?
<BO> Dahil gusto kong maintindihan ako ng mga kababayan ko. Kung gusto kong malito lang ang mga karaniwang tao at hindi maintindihan ang sinsabi ko para kunyari may sinasabi ako kahit na wala, mag-e-English ako. Tulad ng mga namumuno sa bansa.
<._.> Sa paanong paraan mo nalalaman na tapos na ang librong sinusulat mo?
<BO> Sa parehong paraan na nalalaman ko'ng tapos na 'ko sa inidoro.
<._.> May mga disappointment ka ba sa pagsusulat?
<BO> Oo. Hindi ako makapagsulat nang mas madalas.
<._.> Ano ang pinakamahirap na aspeto ng pagiging BO?
<BO> Ang papipilit ng iba na ikahon ako sa imahe ng BO na binuo nila. Dahil nakapasa ako sa mga personal nilang pamantayan, kailangan lahat ng sasabihin ko lagi nang ayon sa panlasa nila. Kailangan laging kakaiba, cool, at liberal...kahit na maging puro kakaiba, cool, liberal, at wala nang kwenta ang mga sinasabi ko.
<._.> Eto ang salamin, kung makikita mo ang sarili mo....
<BO> HUH? ? ?
<._.> Este...sige, iba na lang. Ano'ng tingin mo sa mga batang manunulat natin ngayon?
<BO> Magagaling! Kaso lang lagi tayong 'supply exceeds demand' dito sa Pilipinas pagdating sa talento.
<._.> Marami na ang nakabasa ng libron mong Alamat ng Gubat. Bukod sa pagpapatawa sa mga mambabasa, nagsisilbi rin ba itong parody ng Philippine government?
<BO> Hindi. Nagsisilbi itong parody ng Philippine society. Ibig sabihin damay ka at ako.
<._.> Ano ba ang pananaw mo sa kulturang Pinoy?
<BO> Makulay at masaya. Kala lang damaged. Parang imported good na nasira sa shipping.
<._.> Ano'ng tingin mo sa politikal na lagay ngayon ng bansa? May pag-asa pa ba tayo?
<BO> Ang maganda sa pag-asa, hindi 'to nakukuha sa'yo nang hindi mo gusto. Kampante pa nga 'ko ngayon na masyado nang nabulabog ang bansa. Sabi kasi nila kasunod na raw ng pinakamadilim na parte ng gabi ang pagbubukang-liwayway. Ang ipinag-aalala ko nga lang e baka maubos at hindi na umabot ang katol na pangontra sa lamok ng mga tao sa mahabang magdamag.
<._.> Ano ang mensahe mo sa mga taong nagbabasa ng mga libro mo?
<BO> Ang mga libro ko ang mensahe ko.
<._.> Ba't hindi ka nag-o-autograph?
<BO> Style.
Sa unang pagkakataon pa lang na binalak kong seryosohin ang pagsusulat, na-imagine ko na ang libro ko sa mga istante ng paborito kong bookstore. Pero hindi bilang pangarap o ambisyon. Ewan, basta automatic na yon sa isip ko. Para kasing anlabong tingnan ko ang sarili bilang manunulat pero walang libro. Importanteng may puhunan akong kumpiyansa na sapat para sa pagtatangka kong maging author. Wala rin naman kasing publisher na magtitiyaga sa'yo kung wala ka noon.
Pero hindi ako sigurado kung naisip ko noon na magkakaroon ako ng ganito karaming mambabasa. (Clue: Lagpas na sa sampu!) Buong pagpapakumbaba kong ipinagpapasalamat yon, pero merong akong prinsipyo bilang manunulat na gusto kong isiping sinusunod ko.
Hindi ako pumipirma ng libro dahil hindi ako naniniwalang mas tumataas ang halaga nito dahil sa pirma ko. Ang libro ay libro, may pirma man ng author o wala. Oo, nilabag ko na ang paniniwalang 'to ng ilang beses. Pero yon ay dahil lang sa may mga taong hindi pwedeng tanggihan (kahilingan ng publisher at distributors noon) : may ilang indibidwal na tumulong sa 'kin at pirma ko lang ang maibabayad sa kanila; at may mga blah blah blah.... (Kunyari nagpaliwanag ako at nakumbinsi ka.) Sa puntong 'to na nakapagbayad na 'ko ng utang sa pamamagitan ng pagpirma sa mga libro, pagboto sa ilang TraPo noong eleksyon, at pagpapahiram ng aking katawan, babalik na 'ko sa paniniwalang meron nga akong prinsipyo.
Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station,75% daw sa mga mambabasa ko ang may edad 2 years old pababa, at 30% naman ang nasa 13-30 years age bracket. Ibig sabihin, halatang pauso ko lang ang survey na 'to. Pero lagi ko pa ring iniisip ang kapakanan ng mga kabataan sa mga isinusulat ko. (Inspirasyon ko yon sa pagsusulat ng bastos.) At ayokong ituro sa kanila ang maling paraan ng pagtangkilik sa akin.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success