* De Lata Poem by Inner Whispers

* De Lata

Rating: 2.1


Sa paglubog ng araw, ako'y nakamasid
Kawan ng mga ibon, malayang lumilipad pabalik,
Mula sa maghapong paghahanap ng biyayang nakatambad
Malayang ikinakampay, mga pakpak ng walang humpay....

Katabi ko ay motorsiklo, makina'y mainit-init pa
Sa galugad na ginawa ko sa lungsod na puno ng buwaya,
Hapo ang katawan, pagal ang isipan pati kalooban
Ang makita'ng matagal na rin pala na ako'y nawalan!

Ibon ma'y nais lumipad, lumaya
Ano pa kaya ang isang katulad ko na hangad ay ligaya,
Umuwing malaya sa pugad na hinabi't kinalinga
Upang doon ay ipagpatuloy ang isang adhika.

De latang tangan ko sa aking kamay
Nilasahan ang pait ng likidong taglay,
Kasabay ng papalubog na araw, de lata'y sinimsim
Hangga't ang isa'y nasundan ng isa pa, pait ay nawala na!

Katulad ko rin ba ang de latang ito?
Napakagandang dibuho ang nakaukit dito,
Ngunit ang laman ay may kurot na pait
Sa lalamunan dumalo'y pilit binuhay ang hapdi at sakit!

De latang tangan ko, kumislap sa dilim
Habang unti-unti ri'ng kumalat ang naghilerang ilaw
Sa talampas na kinauupuan ko, kumutitap, nagsayawan
Ang malalanding kulay ng kabihasnang saglit nilisan...

Mula sa dalawa, naging tatlo, apat na pala...
Pilit binura ng de latang tangan ang pait ng gunita,
Nang di mawaring kawalan ng pag-asa
Na makapiling ka't mayakap, sinta!

Dumaloy ang luha sa aking mga mata'ng nakatingin sa kawalan
Bakit kailangang de lata'ng ito ang tangan-tangan,
At ginagawang pamatid-uhaw sa gibik ng kaibuturan
Pangungulilang kaytagal nang kinikimkim at hinahadlangan!

Ahhh...walang magawa kundi lamukusin
Ang tila papel nang de lata, kapagdaka'y ipinukol kung saan,
Ibinunton dito ang galit sa nag-uumigting na ganid na kaaway
Kailan ba nila ako palalayain sa sarili ko'ng bayan?

Hanggang kailan ko hahanapin ang pait sa de latang tangan?

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success