Larong Trumpo Poem by Pacific Hernandez

Larong Trumpo

Ang laro sa trumpo na inabutan ko
Sa barrio namin ang ngalan ay Pandiego
Ang tamang spelling at talagang tawag
Ay hindi ko alam, hindi ko matiyak
Ngunit aking alam ang alituntunin
Kung p'anong ang laro ay dapat na gawin
Sila sa inyo ko'y iisa-isahin

Sa lupa'y guguhit ng isang bilog muna
Na ang diametro'y mga isang yarda
Guguhit ng ekis sa gitna at loob
Ang crossing ng ekis ay siyang centerpoint
Ng mga player ay siyang patatamaan
Ang mano't ang taya saka malalaman

Sa rules ng manuhan, kami ay strikto
Di komo malapit ang tama ng pako
Ikaw na'y di taya, ikaw na ay mano
Dapat umiikot, buhay ang iyong trumpo
At kelangang ito pa ay masate mo
Dahil pag nalaglag, ikaw din ay talo

Mayroon kaming rules na taya ang kulelat
Ang lahat ay buhay at titirang lahat
Nagsosolong taya ng kotong ay tadtad
Pero di tatagal, taya'y dumadami
Namatay sa loob, hindi nakasikad'
Di nakamaniola, kaya'y di nasate

Para ang laro ay parehas at timbang
Hinahati namin ang patay at buhay
O dami ng taya at ng tumitira
Kung ito ay gawin, nami'y paano ba
Kung apat ang player 'taya' ang dalawang
pinakakulelat, dalawang mano'y 'tira'

Ang mga trumpo na taya at 'patay' na
Ng mga 'buhay' silay tinitira
Trumpong nakataya kapag napakuan
Ito'y 'nakotongan' kung aming bansagan
Pag ang tayang trumpo'y natuklap, natapyas
'Nasiklatan' naman naming tinatawag

Trumpong itinira, pag hindi umikot
Iyon na ay patay, taya na sa loob
Trumpong di umikot, pero me nagalaw
Na trumpo na taya, siya pa rin ay buhay
Puwedeng muli't ulit siya ay tumira
Iyon ang tinatawag namin na 'maniola'
Ang trumpong nabuhay sa labas ng guhit
Pag di mo nasate, ikaw na rin ay 'dead'

Pag ang iyong trumpo'y sa loob umikot
Di puwedeng galawin habang nasa loob
Di puwedeng satihin, di puwedeng akayin
Kanyang pagkamatay ay dapat hintayin
Kapag namatay ay sa loob hindi dapat
Kelangang sa labas siya ay makasikad

Ang aming parusa sa mga talunan
Sa pako ang trumpo nila'y tatalian
Sa pako ng trumpo ng mga nanalo
Doon ihahampas, 'Batbatan' ay ito.

Ang aming parusa sa mga talunan
Sa pako ang trumpo nila'y tatalian
Saka ihahampas sa pako ng trumpo
Ng mga kalaro na siyang panalo
Hindi mawawala siyempre ang kantiyawan
'Ay! Kawawa naman! Siya ay NABATBATAN! '

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success