Mga Luha Ng Kandila Poem by Pacific Hernandez

Mga Luha Ng Kandila



Ako ay papunta sa mundong ibabaw
Nang ang liwanag mo'y una kong mamasdan
Liwanag na siyang matiyagang gumabay
Sa isang pares ng mabubuting kamay
Na sa akin ay sumahod mula sa karimlan
Na aking daigdig hanggang siyam na buwan
Ako'y inilapag nang buong lumanay
Sa siping ni Ina ako'y inilagay

Noon ko nakita luha mong napatak
Na kung para ano'y di ko madalumat
Iyon ba ay luha ng kaligayahan
Ang magiging akin, buhay na tiwasay
O iyon ba ay luha ng kalungkutan
Ang daranasin ko'y pawang kabiguan

Muli kong nakita ang iyong liwanag
Sa araw na takda noong aking binyag
Muli, nakita ko ang patak ng iyong luha
'Yon ba'y pahiwatig o kaya'y babala
Ng dahop na buhay o kaya'y sagana

Ang iyong liwanag muli kong nakita
Nang ako't ang mahal ko'y ikinakasal na
Init ng 'yong tanglaw noon ko nadama
Sing init ng isang tunay na pagsinta
Pagal kong katawan binigyang ginhawa

Ang huli mong sindi di ko na nakita
At ang iyong init di ko na nadama
Di ko rin narinig ang mga panaghoy
Panangis ng mga nagluluksa noon
Pagkat ako noon na ay nakahimlay
At na'y paparoon sa kabilang buhay

Monday, January 19, 2009
Topic(s) of this poem: farewell
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success