Pagkalito Poem by Avery Eglantine

Pagkalito

Dati kahit sulyap lamang
ako'y balisa't di mapakali
Nais ay pagsinta mo habang
nagsasaya sa 'yong kandili

Ikaw; aking irog; aking tinatangis
sa pantasya'y daglia't biglang umalis
Pagluha, pagluluksa sa aking siphayo
labis ang pagkalungkot sa'yong paglayo

sa bagyong humambalos sa inosenteng puso
halos di makabangon, ni di makatayo
ngunit siya'y dumating upang sakit ay pawiin
siya'y dumating upang ako'y ibigin

Sarili'y binago para lamang sa'kin
halip na sila, ako ang pinili
sa kapalaluan, nais ay palayong hilain
sa aking isipan siya ngayo'y nakapirmi

sa kalmadong estado, sa'king katayuan
bakit ikaw pa'y muling nasilayan
nahimbing nang puso'y muli pang tumibok
sa pagkakataong ito, dalawang dilag na ang tampok

Sino? ikaw? siya ba 'ka mo?
unang tinangis o ngayong irog ko?
anong batayan ang dapat subukan?
sa pagpili, ano ang kaparaanan?

Litong puso't isip, O kailan
pagluha't hikbi'y mawawak'san?
kailan nga ba ang katiwasayan
at tunay na kaligayahan ay makakamtan?

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success