Sa Pagtila Ng Ulan Poem by borgjie distura

Sa Pagtila Ng Ulan

Kapag tumila na ang ulan
At ang baha'y wala na sa daan
Puso ko'y nananabik sa'yo aking sinta
Na makita ang sigla sa iyong mga mata.

Dahil kasing init ito ng araw
Tulad ng dating iyong pagpukaw
Nung oras na ako'y nanaginip
Sa panandalian kong pagkaidlip.

Nagising ako mula sa masamang bangungot
Sa isang kalagayang katakot-takot
Buong akala'y bumubuo ng dakilang buhay
Iyon pala'y walang patutunguhang paglalakbay.

Halos lugmukin ako ng pangamba
Sa pagsuong sa lansangang di-kilala
Kamay ko'y hawak mo't sa aki'y tiniyak
'Di ako mag-iisa sa pagtawa't pag-iyak.

Doon ko na sinabi sa sarili ko
Na ikaw ang kulang sa buhay ko
Sabay nating iaahon ang pagmamahalan
At asahan mong sa tabi mo'y di-lilisan.

Sa pagtilang ulan ako'y sumilip sa bintana
Ngiti'y gumuhit sa kagigising kong mukha
Sinag ng araw ay tumamabad sa mga mata
Masayang alaala ang aking ginugunita.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
borgjie distura

borgjie distura

Rizal, Pontevedra, Capiz
Close
Error Success