Tula Kay Nene Vii Poem by Mac Adrone Adonay

Tula Kay Nene Vii

Tula kay Nene VII


Nang si Nene'y tumuntong sa kolehiyo,
Astang mayaman, nakisabay sa uso
'Inay, dagdagan n'yo naman ang baon ko,
Kulang na kulang ang dalawampung piso'.


Itong si Nene, natutong maglakwatsa;
Sumunod sa udyok ng mga barkada
Sa halip na ang tungo ay sa eskwela,
Ay gumala sa mall, tumambay sa plaza.


Ang diretso'y sa boarding house ng kaklase,
Kasama'y mga kaibigang babae
Natutong uminom, tumungga ng alak,
Masaya't laging may tawa at halakhak.


At kapag wala ng laman kan'yang bulsa,
Tatawag sa Inay, 'wala na 'kong pera,
Penge ng allowance, ika'y magpadala,
Pakibilisan po, kailangan ko na'.


Pambayad daw sa tuition fee ngunit 'di pala,
Ang pinagpawisa'y sa iba napunta,
Sa halip na ibayad sa matrikula
Ay sa pagbubulakbol n'ya iginasta.


(Ang mga magulang mo ay naghihirap,
Nariyan ang t'yaga at pagsusumikap,
Ang magandang buhay kanilang pangarap;
Ang maayos na bukas at hinaharap.)


Kinain ng sistema't naging mayabang,
Ang pagod ng magulang, balewala lang
Itong si Nene, nawalan na ng galang;
Katulong ang trato sa kan'yang magulang.


Ikinahihiya pang ipakilala,
Sa halip na ipagmalaki n'ya siya
Ay ipinagtabuyan sa harap nila;
Itinatanggi na s'ya ang kan'yang ina.


Nasa'n Nene ang 'yong pagpapahalaga?
'Yan ba ang sinabi mong mahal mo sila?
Ang puso nila ay iyong dinudurog,
Imbis na makaahon, lalong lumubog.



© MACA.T.A.
# 1,481
7 July 2016
5: 54 p.m.

Monday, July 18, 2016
Topic(s) of this poem: teenage
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success