School Poems - Poems For School

Poems about school. You can read the best school poems. Browse through all school poems.


Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 7) - Poem by opium lestre

Ayokong tawagin ang sarili ko na manunulat. Pag sinabi mo kasi sa mga tao na 'writer' ka, kadalasan makakatikim ka ng mga tingin at panlalaki ng mata na para bagang sinabi mong kumakain ka ng bala. Akala nila kakaiba ka. Weird. Masyadong matalino o kaya sobrang yaman. Tapos susundan pa yon ng tanong kung saan ka sumusulat, na pag sinagot mo ng pangalan ng dyaryong di kilala o magazine na kakaiba ang pamagat, e ikakakunot ng noo nila at ikakatapos ng maikling kumustahan.
Hindi naman ako mahilig magsulat. Mahilig lang siguro talaga ako magkwento, mula pa pagkabata. Natatandaan ko pa kung paano ko ikinuwento sa mga pinsan ko dati sa probinsya ang original na series ng The Avengers. Lahat kami nakahiga sa kahoy na sahig, kanya-kanyang puwesto. Wala pang kuryente sa probinsya namin noon kaya pinagtiyagan nila akong gawing TV. Dilat na dilat ang mga mata nila, at panay ang tanong sa akin na akala mo e nakapag-time travel sa future dahil nakakapanood ng TV sa Maynila. Kaya talagang kinukumpleto ko ang kwento ko, kasama pati mga commercials at side comments ng mga kapatid kong biktima rin ng TV. Nasa kindergarten pa lang ako noon.
Pagtapak ng elementary, nalibang naman ako sa mga tau-tauhan. 'Yung 1 gallon na lalagyan ng peanut butter ang pinupuno ko dati ng mga sari-saring tao, hayop, at robot; lahat ginagawan ko ng kwento base sa mga cartoon ng Saturday Fun Machine sa channel 9. Pag kailangan ko ng mga 'kalaban, ' kumukuha lang ako sa mga display naming figurines. Kahit ceramic na pusa o kahoy na elepante, okay lang. Walang hindi pwede. Pati ash tray at mga bote ng softdrinks (may sari-sari store kami) isinasali ko sa laro. Pag masyadong malalaki ang mga nadadampot kong props, itinuturing kong higante. Pag masyadong maliliit, dwende.
Hindi naging mahirap sa akin ang pagsusulat ng kwento noon dahil maya-maya naman ito ipinapagawa sa eskwelahan pag tinatamad magturo ang teacher: 'Class, isulat n'yo kung ano ang ginawa n'yo noong nagdaang bakasyon.'; 'Class, isulat n'yo kung anong mga regalo ang natanggap n'yo nung Pasko.'; 'class, isulat n'yo ang tungkol sa paborito n'yong alagang hayop.'; 'Class, isulat n'yo kung anong hayop ang nagbakasyon noong Pasko...' Sa ganitong paraan ako nasanay magkwento sa papel, na nauwi sa pagpapadala ko ng maikling kwento para sa programang Batibot noon, na hindi ko alam kung ipinadala nga ng kapatid ko dahil masyadong mababoy ang pagkakagamit ko noon sa makinilya.
Pagdating ng mga bata sa Grade 6, pansin na talaga kung saan ang hilig at galing nila. Madali nang sabihin kung sino ang totoong magagaling sa klase, ang mga pwedeng posibleng makapasok sa varsity team ng tutuluyan nilang high school. Sa ganoong edad ko nakita ang komiks na ginawa ng class artist namin. Pangkaraniwan lang ang gawa n'ya, lalo na kung ikukumpara sa gawa ng mga bata ngayon na bihasa sa computer, pero bilib na bilib ako dahil noon lang ako nakakita ng home made na komiks. Masyado akong namangha sa idea na hindi mo pala kailangan maging matandang writer o artist para magkaroon ka ng komiks. Hindi mo kailangan ng readers at publisher. Hindi mo kailangan ng Fine Arts degree sa UP. At hindi mo kailangan maging sikat.
Trying hard, gumawa ako ng sarili kong komiks nung high school base sa mga sentai ng Hapon. Ilang mga kaibigan ko lang ang nakakita noon, at isang classmate na muntik kong ihulog sa bintana matapos nakawin at pagtawanan ang obra ko. siguro nga mukha lang cave drawings ng mga sinaunang tao ang gawa ko, pero mahalaga pa rin sa akin yon dahil gawa KO yon.
May kanya-kanyang hilig at talento ang lahat ng tao. Nagkataon lang siguro na sa pagsusulat yata ang sa akin. Mula grade school hanggang college, sa pagsusulat ako nakatikim ng pailan-ilang papuri galing sa mga classmate at respeto galing sa mga teacher, siguro dahil sa written exams at projects lang ako nakakabawi sa klase at doon ko lang napapatunayan sa mga professor ko na may naiintindihan ako sa mga pinagsasabi nila kahit parang wala.
Nakakaasar ngang isiping hindi ako nakakuha ng subject na Journalism nung high school dahil eksklusibo yon para sa mga estudyanteng nasa top section. Hanggang ngayon bad trip ako, hindi dahil sa hindi ko nakuha yung subject, kundi dahil sa naging biktima ako ng sistema na nagdidikta kung sino lang ang pwedeng mag-aral ng ano. Nakakalungkot, pero ayos na rin dahil sa huling issue ng school organ namin bago ang graduation, nakita ko ang isang formal theme writing ko na kasamang nai-publish, katabi ng article ng valedictorian. Nakalusot ako sa publication na para lang dapat sa mga elitista kong kaeskwela.
Dala ng murang kaisipan at lumobong ulo, mayabang akong nag-exam para makapasok sa official publication ng una kong pinasukang eskwelahan nung college. Palibhasa di naman kagalingan at hindi marunong sumunod sa direksyon, ibinagsak ko yung exam. Okay lang...pero mas ayos sana kung nakapasok ako dahil iniidolo ko yung batch ng editorial staff nung mga panahong yon.
Naikwento ko na sa ABNKKBSNPLAko? ! kung bakit hindi ako kumuha ng kursong tungkol sa pagsusulat noon. Pero hindi ko nabanggit na bukod sa dalawang eskwelahan nilipatan ko nung college e meron pa 'kong dalawa na pinasukan. Yung isa, music school, hindi ko sinipot matapos ang registration. Ewan, sabog lang yata ako noon para tangkaing ligawan ang musika. Pero yung pangalawa, short writing course, seryoso kong iginapang kasabay ng pag-aaral ng computer. Noong mga panahon din yon ako nagkainteres sa cartooning, photography, painting, at musical instuments-pero walang na-develop, dahil kulang ako sa sipag, tiyaga, at talento para magpakadalubhasa sa kahit anong bagay. Kaya nga yata ipinagpilitan ko na lang ang sarili sa pagsusulat. Alang-alang sa paniniwala ko na lahat ng tao sa mundo ay may kanya-kanyang galing at talino.
Nakapagtapos ako ng pag-aaral at naging karaniwang empleyado. At parang himala na nang magplano na akong mag-resign makalipas ang ilang taon sa unang trabaho, e inalok ako ng malapit na kaibigan na mag-apply sa isang technology magazine para magsulat. Salamat sa job application na halatang kulang sa pansin, nakuha ko ang atensyon ng editor na nagtiwala sa akin. Nagulat ang mga tao sa bahay namin dahil sa lakas ng 'YAHOOO! ! ! ' ko noon. Malamang narinig mo 'ko hanggang sa inyo, inakala mo lang na kulog.
Kaya lang katulad ng lagi, may mga pagkakataon pa ring hindi ayos ang mundo ko. Bisperas ng centennial celebration noon ng independence day ng bansa nang sumugod ako sa bahay ng kaibigan para magpalipas ng bad trip sa buhay. Palibhas minsan lang magkita, nagtiyaga ang kaisa-isang audience na paglamayan ang mga kwento ko. Nadawit sa usapan ang bulok na politika ng bansa, at dala yata ng kalasingan sa Pop Cola, narinig ko na lang ang sarili ko na bumabanggit ng tunkol sa planong paggawa ng website na tatawaging Bobong Pinoy.
Pero nasa kadulu-duluhan pa ng isip ko ang nasabing 'plano.' Dahil dagdag trabaho lang, alam kong buwan o taon pa ang bibilangin bago ko maisakatuparan yon-kung maisasakatuparan man! Di ko akalaing pagpatak pa lang pala ng unang araw ng sumunod na buwan e mabubuo ko na ang bobong website na makikigulo sa buhay ko. Salamat sa inspirasyong dulot ng inauguration ni Erap bilang pangulo ng bansa noong araw ding yon.
Naibulalas ko lang ang salitang 'Bobong Pinoy' dati dahil sa pagkakadismaya sa mga naging takbo ng pangyayari sa bansa. Bobo, dahil ayaw man lang bumawi, parang sumali sa boxing na nag-aakalang nasa pagsalo ng mga suntok ang puntos n'ya. Doon nabuo ang litanya ng mga kapalpakan ng Pilipinas, pero binabanlawan din naman sa dulo ng mga positibo at interesanteng aspeto ng pagiging Pilipino. Bobong Pinoy...kontrobersyal na pangalang humahamon sa lahat para pabulaanan.
Hindi ko inisip noong una na may papansin sa bagong residente ng Internet. Wala naman kasi itong laman kundi mga bagay-bagay na tumatakbo sa isip ng isang tao habang nakaupo s'ya sa inidoro. Kaya nagulat na lang ako nang makatanggap ng positibong E-mail galing sa isang bisita pagkalipas lang ng ilang oras. Na sinundan ng galing sa isa pang bisita. At sa isa pa. At sa isa pa. Hanggang sa namalayan ko na lang na para na 'kong bibong unggoy na pinapalakpakan sa perya.
Samantala, mula sa pagsusulat sa mga tira-tirang espasyo ng mga dyaryo at magazine, nagpalipat-lipat ako ng posisyon hanggang sa makarating sa taas kung saan ako naging editor. Ang sarap ng pakiramdam! Yahooo na naman. Yun nga lang, kalahating araw lang nagtagal ang lahat. Lumabas ako ng opisina at di na bumalik.
Naisip kong di yon ang pangarap ko sa buhay. Ayokong matali sa mundo ng teknikal na pagsusulat. May sasabihin ako at hindi lang basta gustong magsalita. Ayokong magsulat habambuhay ng para lang sa telekomunikasyon at mga computer na dapat maibenta. Ayokong full time na magpadikta sa hinihinging kwento ng komersyalismo. Ayokong maging encoder ng mga patalastas ng makabagong pamumuhay. Siguro importanteng trabaho yon na kailangang may gumawa-pero sigurado akong hindi para sa akin. Meron akong ibang pangarap para sa tinta ng ballpen ko.
Nang mag-aral ako dati ng pagsusulat, akala ko magiging 'struggling writer' ako ng fiction sa hinaharap. Di ko akalaing magiging official mascot pala ako ng mga kwentong barbero sa Internet. Pero nalibang naman ako sa Bobong Pinoy dati kahit na araw-araw akong sumasagot sa tanong na: 'Bakit bobong pinoy? ! ' Buong puso, isip at kaluluwa akong nagpatakbo ng one-man show. Wala akong ibang inisip o inasikaso. Iniwan ko pati ang 'pagsusulat'. Pero akala ko lang pala yon. Dahil ang totoo, doon pala talaga ako papunta.
May mga taong galing sa loob at labas ng bansa, na di ko naman kilala, ang nagsabing dapat ko raw isalibro ang BP para umabot sa mas maraming Pilipino. Magalang kong tinanggihan ang alok nung una. Parang ampangit kasi na habang kinukundina ng BP ang corruption sa bansa e nanghihingi ako ng donasyon sa mga tao. Pero pinag-isipan ko pa rin kung paano nga maisasalibro ang isang website.
Atras-abante ako sa plano. Pabalik-balik sa mga 'financier' para sabihing pwede/di pwede ang idea nila. Pero matapos ang mahabang pag-iisip-mga 30 minutes, pagkatapos manood ng Dragon Ball Z-nalaman kong di nga uubra ang librong tungkol sa kahinaan ng mga Pinoy. Una, dahil mahihirapan akong ilako ang libro sa mga bookstore; at pangalawa, baka kuyugin ako ng mga taong ayaw umamin sa kabobohan nila.
Pero kasubuan na noon. Ang alam ng mga bumibisita sa BP e meron akong librong lalabas. Naitulak na 'ko sa entablado. Kailangan kong kumanta, kahit anong kanta. Wala nang atrasan. Ang problema pa, wala rin ang mga financier ko noon. Sabi ko kasi tatanggap lang ako ng pera nila kung may maisa-submit na 'kong manuscript. Pero dahil mukha akong lasing kausap, nagkawalaan na kami ng contract at naisip siguro nila na puro drawing lang ang lahat. Ang sarap ng pakiramdam ko noon. Wala na 'kong trabaho, wala pang libro. Alam kong sobrang matutuwa ang mga magulang ko sa akin at sasabihan akong: 'We're so proud of you, anak! Sana ipina-abort ka na lang namin dati! '
Alam ko ang nasa isip mo ngayon: 'Bob, ba't kailangan mong mag-resign sa trabaho, pwede ka namang part-time writer? ' Dalawa ang sagot ko d'yan: (1) Hindi ko kasi kaya, at (2) Sira ulo ako.
Pag naumpisahan ko ang isang bagay, ayoko ng interruption. Ayoko ng istorbo. Ligo, kain, tulog,8-to-5 job-lahat yan istorbo! Kahit pilitin kong maging organisado at unahin ang day job, di rin pwede dahil gising ang utak ko sa gabi. Hirap makatulog. Midnight sale ng mga idea. Nilalangaw ang utak ko ng mga bagay-bagay na mabubugaw lang ng pagsusulat. Ang resulta: zombie ako kinabukasan sa opisina.
Naging past time ko na ang pag-iisip. Nung bata pa 'ko, matagal kong pinroblema kung paano maglagay ng rocket launcher sa paa ng tao para makalipad. Yung gago ko kasing kalaro ang nakaisip noon, pinatulan ko naman. Pero pagkatapos ng dalawang minuto naming brainstorming, nakipaglaro na s'ya sa ibang bata. Ako, naiwan, at hanggang ngayon nag-iisip kung bakit hindi kaya ng mga manananggal na lumipad nang buo ang katawan. (Isipin mo: Paano nila mada-digest yung nilapa nilang sanggol kung hindi nakadugtong yung intestines nila sa stomach? Sana i-feature 'to minsan sa Discovery Channel!)
Siguro kaya bobo ako sa direksyon at mga lugar e dahil mas binibigyan ko ng pansin ang mismong lugar at hindi ang pangalan nito o lokasyon sa mapa. Sa panonood ng pelikula, swerte na kung limang minutong eksena lang ang hindi ko naintindihan dahil sa lumipad ang isip ko. Kahit sa pagbabasa ng libro, hirap akong umabot ng 10 pages dahil mas maingay pa ang utak ko kesa doon sa author. Sanay na 'kong mapahiya dahil sa pagiging absent-minded. Sa isang book exhibit, naabutan ako ng kaibigan na kunot ang noo habang nakatitig sa coloring books. Nasa mukha n'ya ang tanong na: 'Ano sa coloring books ang bumabagabag sa kalooban mo? ' Hindi ko naman alam kung paano ipapaliwanag na hindi coloring books ang bumabagabag sa kalooban ko, kundi yung digestive system ng mga manananggal.
GAWAING PANSANAY
1. Naniniwala ka bang lahat ng tao ay may kanya-kanyang galing at talino? Kaya mo bang kumain ng mga sipit ng damit?
2. Gamit ang bibig, gawan ng diagram ang digestive system ng mga manananggal sa loob ng isang minuto, blindfolded.
3. Mangalap ng mga lumang dyaryo. Gupitin ang mga litrato ni Erap, kulayan, at ibigay sa kasulukuyang pangulo.
Each one, as a good manager
of God's different gifts,
must use for the good of others
the special gift he has received from God.
- I Peter 4: 10


Comments about Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 7) by opium lestre

There is no comment submitted by members..

Poems About School

  1. 1. Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 7) , opium lestre
  2. 2. When The School Reopens , KEERTHANA DINESH 1998
  3. 3. Mom And Dad(Free Verse) , cyrel oregano
  4. 4. Turning 15 , Julietta Isla
  5. 5. A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (P.. , opium lestre
  6. 6. .........Old-School , NikMorgan ...
  7. 7. Poem Of The Totem , Fox Tail
  8. 8. My Mother The Hero That You Will Never F.. , Susie Sunshine
  9. 9. The Bromfords School , cameron weedon
  10. 10. School , ravi teja
  11. 11. Why School , christina weinke
  12. 12. Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 8) , opium lestre
  13. 13. 3 Months! , Marissa Ford
  14. 14. The Kindergarten Kid , Supriya Prathapan
  15. 15. If I Was The Principal Of Dps , shubham sharma
  16. 16. School's Out , Thistle Wargul
  17. 17. The School Days Are Near! , HudaM DeGratePoet
  18. 18. Ansar Ud Deen , umoh cyril
  19. 19. Back To The Future! ! (Short Story) , Ms.Marwa Samy
  20. 20. Breaky1 , Aiyabells 002
  21. 21. In Memoriam Of My Beloved Great-Aunt, “a.. , Stanley Collymore
  22. 22. School Life , I Am Rebel
  23. 23. A Lie Well Lived , Kimberly Hope
  24. 24. Waltham Summer , Caasder Fronds
  25. 25. School Spirit , Jim Yerman
  26. 26. Reminding School Days! ! , Jitendra Kumar Sahoo
  27. 27. My School , Jordan Ray
  28. 28. School Boy , Bhavik Bamania
  29. 29. The Death Of A Little Girl , Lizzy Hartwig
  30. 30. Too Cool For School , Bob House
  31. 31. Dylan Klebold And Eric Harris , AaI Harvey
  32. 32. The Last Day , erika thompson
  33. 33. The End Of School , william sawyers
  34. 34. Hard Life , seqouiyah young
  35. 35. Cold War School , Michael Kolb
  36. 36. Social Netowrking Of Robots , rwetewrt erwtwer
  37. 37. School , Wolkine Stany
  38. 38. School Or Summer , Dawn Gothic
  39. 39. Butter In Her Mouth , vijay gupta
  40. 40. A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (P.. , opium lestre
  41. 41. School , Dominique Dover
  42. 42. It's A Sick Day Off , Saimun Shahee
  43. 43. School , stijn ownd
  44. 44. Pcti , Ashaunti Taylor
  45. 45. Let's Also Play The Glad Game. , margaret haig
  46. 46. Last Day , Ashizzle 1428
  47. 47. Bomb Threat , Shauna Stoltz
  48. 48. Crazy Little Thing , Taylor Hamrick
  49. 49. I'N School , Alex Ranedo klein
  50. 50. She Was The Girl Who Dumped Me At School , Stephen Holland
[Hata Bildir]