Christian Rodil

Rookie - 325 Points (Manila, Philippines)

Pagdampi Ng Uyayi Sa Haraya - Poem by Christian Rodil

"The artist, like the God of the creation, remains within or behind or beyond or above his handiwork, invisible, refined out of existence, indifferent, paring his fingernails."
-James Joyce

Sumigaw ang buong pagkatao ko noong makaakyat ang layag
Sa pader kung saan ako noon pa nagpapakahirap.
Saksi ang mga poste ng Meralco sa himagsikang dumanak,
Ang pag-imbulog ng mga luha ng ulap sa katinuan.
Sinamahan ako ng diablo sa itaas—
Sinabing mapapasaakin ang lahat ng aking nakikita.
Ibig yapusin ng hamog ang ngatog. Pumipihit.
Natutukso ng kahit papaano.
Nakita ko ang tumatalon mong pulso.
Sumisigaw ang mga nagtatakbuhang halik.
Papunta sa altar ng mga labing naghahanap ng mukha.
Tinatahi ang napupunit na layo ng Maynila at Alabang
Para makaluhod sa nangungusap na tadyang.

Huwag kang iiyak sa mga nakikita mong
Sunod-sunod na pagkamatay.

Amoy ang bawat putok ng gatilyo sa kanilang mga sintido.
At ang malawakang pagkawala at pagkadakip.
Mieux vaut prévenir que guérir.
Hindi ka nagdadasal madalas pero pinagdasal mo sila.
Ume-echo ang "caw caw caw Lord Lord Lord…"
Ni Ginsberg. Saan ba siya nagkamali?
Corsets.
Pumapanaog sa mga tangkay ng lunggati sa New York.
Inangkin ang mga tigmo na
Akala mo'y sa kaniya,
Nais ipahayag o ipagsigawan. Mga kayang sagutin;
Mga laro at metapora sa bawat pagtugma.
Natatapos ang lahat kahit gaano katagal,
Tulad ng Ulysses na magdamag mong binabasa na tila pocketbook
Ang dating sa pag-aliw sa iyo. Stream-of-consciousness at
Kung ano-ano pa, gotas vitales resbalando en los dedos,
la dulce pulpa erotica.
Pakiusapan man ng mga CCTV ang mga nagmamatyag.
Kakaladkarin pa rin ng
Suspetiya't pag-aalangan ang iyong tiwala.
"May mga banyagang sasakop sa iyo."

Huwag kang magpapasakop. Ipaglaban
Mo ang iyong kalayaan. Hagkan! Bumuo ka ng grupo
At itatag ang rebolusyon sa tugatog ng Bundok Apo.

At papatandain ka ng digmaan.
Dadaan ang motor na bumubusina.
Maghihintay sa tapat ng wala pang tulog na7-Eleven.
Kakanta ang hamog ng agunyas—
Na ngayon lang masasambit ng mga labi.
Hindi ka na dapat mag-alala sa mabagal na pag-ikot ng oras.
May rason kung bakit hindi ito bilog.
May rason ang hindi pagkapatag ng mundo.

Dumaan si Eratosthenes sa mga bukas na pinto.
Kinandado ng nagpupuyos na dusa ang araw.

May bakas ng iba't ibang kulay ang mga bahay.
Kumpol-kumpol at hinahati ang Pasig na para bang hukom
Na nagbunton sa mukha ng kasaysayan.
Umaantak sa tagulaylay na kapilya ng iyong
Dibdib. Puno ng mga kaba at takot na
Matagal mo nang kinikipkip.
Naghahabulan sa
Malawak na run-way
Ang gunita.
Paikot-ikot sa Rotonda ng lahat ng napagdaanan.
Ilang ulit na bang pinakiusapan
Ang siyudad na yakapin ang iyong katawan
Tuwing gabi?

At sa tagal ng panahon, ikaw pa rin ang tumatangis.
Sinisilip ang buwan na walang pangalan.

Umuulan ng mura sa tapat ng embahada
Sinusunog ang mga panimdim na matagal
Nang nakatago't muntikan nang maagnas.
Halang ang ihip ng hangin na tila nagbabadya ng kuwaresma.
Hindi mapahinga ang mga humuhukay ng
Pasensya sa tigang na lupa sa gitna ng dibdib
Ng kumakantang hanging Amihan. Maski si Orpheus ay dinaig
Sa nakakaakit na timbre. Pumapagaspas ang nota,
Nagdidiwara. Hinuhusgahan ng pag-ibig ang tao ayon sa
Nilalaman ng diwa. Hindi lang sa bulsa bumabagsak ang suwerte.
Hindi lang ang paimbulog na dura ng
Kasinungalingan ang puwedeng pandirihan.
Dahil sa kahit ano'ng anggulo,
Lumililim pa rin ang anino ng mga posteng nakahilera.
Tila nagsasabi ng dasal na pakikinggan ng obispo't
Aawitan hanggang bumukas
Ang langit sa ikalawang pagkakataon.

Sisiwalat sa marami ang masangsang na balita ng mga Anghel.
Ngunit bago sila makababa
Sa mga bilbord at bangketa sila magkakaaberya.
Papaulanan sila ng mga bato at kukutyain ng madla.
Ibabalik ang ganid na simpatiya.
Mabagsik pa rin ang umaga kahit pinaslang na ang araw.
Gusto kong tumalon kasama ka. Magkulapol sa ere't
Kulayan ang bitak ng ating mga talampakan.
Babagsak sa maburak na kamyerdahan ng pasistang
Banyuhay.
Maraming pintor ang isinuka ang ganda na aking nakikita.
Hindi rin malaman ng mga makata kung ano'ng wika
Ang gagamitin nila. Sa oras ng hapunan mamaya
sana pumayag
ang mga nagtatalik
na bato at nagliliyab
na bituin na padaanin tayo.
ampunin na sana
ng mga talon at
mga kuweba.
mapungay man ang
paghinga ng Diyos
sa ating dako,
huwag kang mag-aalala.
Hindi man natin maabutan ang Hanging Habagat sa gitna ng kapilya
Dahil iipitin ng mga tao sa Araneta. "Manila Classico! "
Nagtutulakan at sisiksikan. Hayaan,
Magkakaroon pa naman siguro ng oras para makahingang muli.
At aayain tayo ng panahon na makipagsayaw sa kaniya.
Ngunit hindi kita papayagan…
(Ako lang ang may karapatan sa mga kalyo ng iyong kamay.)

Hanggang sa nakuwento mo ang paborito mong libangan.
Pasyalan. Bilihan. Kainan. Kuponan. Lahat ng mga bagay na interesado
Ako. Binalikan natin ang mga isla at pulo ng iyong nakaraan.
Tumalon-talon sa mga karagatan sa pagitan.
Pangako, gagawa rin tayo ng isla.
Mas malaki pa sa Luzon.
Mas mabulaklak pa sa Visayas.
At mas mayaman pa sa Mindanao.
Ako ang magiging kontinente sa iyong karanasan.

Tulad ng mga sasakyang
Nagdaraan sa kahabaan ng Boulevard walang pakialam ang
May pangangatal na mga guhit sa kanilang mga labi.
Niyayakap ng hangin.

Paano pipigilan kung kumakawala?
Paano sasahurin kung patuloy ang pag-apaw?

Hinigop ng dilim ang paligid.
Ngunit agad kumulay ang mga kumikinang na ilaw
Mula sa iba't ibang aliwan.
Beer house na may mga christmas lights na hindi na
Tinanggal sa tagal ng panahon.
Nakaaaliw pagmasdan.
Nakatundos sa bawat kanto ng Ermita.
Hindi maliligaw sapagkat talagang nakahahalina.
Pumulas mula sa mga kabisera ng aking pag-iisip,
Nagnanais akong tawirin ang langit.

Niyakis ng panahon ang aking pagkatao.
Dala ng mga sugat ang kaluluwa na akin nang kinalimutan.
Minumulto ka ng kung sino.
Tara itatago kita sa aparador na puno ng iba't ibang
Kasuotan. Makukulay na pares. May mga maskara pa at
Medyas. Magbihis ka. Baguhin ang sarili. Linlangin natin ang
Humahabol na realidad.
Mamili ka. Sa dami niyan maaari kang maging
Kung sino man
Ang iyong pinapantasya.

Malayo ang nilakbay ng mga
Bulong na kasama pang nagtikis ni Dante sa Purgatoryo.
Binagtas nito ang bawat saray ng langit hanggang
Sa marating ang pinakadulo.
"Tanging ang mga totoo at nasalang dasal lamang
ang nakararating sa Diyos."

Umilaw ang bintana ng katapat na bahay.
Umigkas. Nagsimulang maglakad padiretso't pabalik.
Anun diya dalindad
Tumupi ang mga mayrad ng kalat sa gilid ng aspalto.
Sumindi ng sigarilyo, tumingala sa langit at sa lumang gusaling
Kamalig da oya Adaka bulawan ema ohem
Unti-unting tinitipak ng ingay ng Psalmo: ug sa ikatolo
ka adlaw nabanhaw siya.

Topic(s) of this poem: dreams, folklore, history, love

Form: Free Verse


Comments about Pagdampi Ng Uyayi Sa Haraya by Christian Rodil

There is no comment submitted by members..



Read this poem in other languages

This poem has not been translated into any other language yet.

I would like to translate this poem »

word flags


Poem Submitted: Sunday, August 13, 2017



[Report Error]