Ang Landas Sa Ilalim Ng Araw Poem by Erick Cortez

Ang Landas Sa Ilalim Ng Araw

Sa malawak na lupain baga'y may tamang landas na marapat nating tahakin? Kung ang tamang landas ay matuwid, bakit dito mo pa mababanaag ang sadyang pagsasanga-sanga ng bawat katuwiran na siyang gugulo sa ating isipan. Tunay ngang sa matuwid na landas natin masusumpungan ang kaligtasan at sa baluktot namang daan tayo malilinlang tungo sa ating kapahamakan.
Isang bata na sa mura niyang isipan ay sadlak na sa kahirapan, madumi, maingay, magulo, ganito nahubog ang musmos na bata, sa ganitong kalagayan ay tiyak na kakainin lahat mong lakas at marahan kang ibabaon hanggang sa ikaw ay malunod at maparam ang bawat karampot mong pag-asa, ganyan kang igugupo sa landas na ang tinatahak ay dilim.
Ang bata ay binulag sa kinamulatang landas, ang kanyang paninindigan at paniniwala ay hubog sa anyo ng kanyang landas na tinatahak at ngayon nga'y mas pinatigas pa ang damdamin upang maging manhid sa katuwiran. Papaano pa ngang mapalalambot ang bata upang hubuging muli sa matuwid na landas, may awa pa bang sasagip sa batang bumangis na at ang murang isipa'y bahid na ng karahasan?
Isang araw, ang batang musmos ay nagising sa tagal niyang pagkakahimbing sa dilim, tumangis dahil sa mga panahong siya'y bulag at manhid sa katuwiran at katotohanan. Ang lahat ng tao ay may kabutihang naitatago sa kaibuturan ng kanyang puso, ‘di maitatangging alam natin ang tama at mali, mabuti sa masama. Balutin man ng kadiliman buo nating katawan ay may puwang pa ring liwanag na siyang kukurot sa ating puso't isipan upang tayo'y magbago.
Ang bata nga'y nauhaw sa katotohanan, hinanap nya ang mabuting landas at inasam nyang matagpuan ang kapahinghan at katahimikan ng kanyang puso. Sa mabuting landas ay pag-asa ang bawat mong mayayapakan, marahang tumatarik upang umahon mula sa pagkakabaon, at sa pag-aho'y masilayan ang tinutungong landas. Ngunit bakit ngayo'y sa katotohan ay naguguluhan ka? Sa matuwid bang landas ay may kalikuan?
Marami ang nangagsasabi'y "sa amin kayo sumama at babaybayin natin ang matuwid na landas". Ang isang matuwid na daan baga'y maaaring magsanga sanga? Ang bata'y gulong-gulo kung saang matuwid na landas siya tatahak, alam nya na hindi lahat ng umaakay ay nasa tamang landas, at kung sa kanyang pagpili'y mali, walang ibang naghihintay sakanya'y ‘di mabatang kahirapan at paghihinagpis.
Saan nga ba tayo dapat tumahak? Alam nating may matuwid na landas na saatin ay nakalaan, hindi ipinagdadamot, hindi itinatago at sadyang inilaan para saatin. Kaibigan, sadyang huwag kang magulumihanan at huwag kang maniwala sa bawat umaakay sa daan ng katotohanan. Ang liwanag ng araw ay sadyang ibinigay saating gabay upang mamalas ang tuwid sa liko, na ating masiyasat ang bawat landas sa bawat nitong patutunguhan. Gamitin natin ang sinag ng araw at huwag ang buwan o mga bituin na sa kanilang karampot na liwanag ay maraming nakakubli.
Kahit ano pa mang maling tinahak ng bata sa nakaraan ay mayroong liwanag na yayakap sakanya, may tamang landas na muling huhubog sa atin. Ang bata ay nananatiling bata na sakaniyang kamusmusan ay may nakalaang kapatawaran. Hanapin nga natin ang tuwid na landas sa ilalim ng araw, kapag atin itong natagpuan ay lalakad din tayong matuwid, tayo'y lalago at ang bahid ng kamusmusan ay mapaparam at mapapalitan ng karunungan at kaligtasan.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
1 / 5
Erick Cortez

Erick Cortez

Naga City
Close
Error Success