Anino Ng Kahapon Poem by Erick Cortez

Anino Ng Kahapon

At nagising si Haring Araw mula sa nakahihimbing at matinding bangungot. Magulo, malagim at mapanganib, tila ba ‘di malaman kung saan sisimulang iahon ang isang mumunting hiyas na nabaon sa putikan na dati’y kumikinang sa karagatan ng silangan. Isang hiyas na sa kanyang kinang ay naakit ang mga dayuhan dahilan upang ito’y tangkain nakawin at kanilang angkinin, mapalalo…. Mapagkunwari…..

Minsan pa’y may isang ibong pipit na nangarap maging isang agila, ngunit ang agilang kanyang tinitingala na sa kabila ng malakas at matikas na katawan, makisig na pakpak, nasa likod ng matatalim na kukong pandagit nito ang mapagsamantala at nakalilinlang na kamandag, animo’y ahas na mapanukso.

Hindi naglaon ay ginawang alipin ang mumunting pipit sampu ng kanyang mga kasamahan, wala nang magawa pa ang mga ito kundi ang magpatangay sa bawat pagpag ng mga bagwis nito. Pansamantalang humayo ang agila ngunit naiwan pa rin ang bangis ng kanyang kamandag, nasusukluban pa rin ng anino ng agila ang mga mumunting pipit.

Sumapit ang gabi ngunit ang mga ibong pipit ay ‘di pa rin magawang magpahinga, hindi pa rin matahimik dahil sa mga mapagsamantalang nilalang na naggugulo sa katahimikan ng gabi. Nakabantay ang lorong matabil at may ngusong makamandag…. Ibig maghasik kasabay ng mga ahas at buwayang handang sumupil, silang lahat ay manggugulo at kakain ng buhay na nilalang, nagbabanta sa tahimik ngunit mapanganib na gabi.

Lumipas ang mga araw, ang mga munting pipit ay nanatili sa gitna ng kagubatan, doo’y nakaramdam ng pansamantalang katahimikan. Ngunit sumapit ang tag-init, nang matuyo ang ilog na siyang nagbibigay buhay sa nabanggit na kagubatan. Tag-gutom…. Walang makain, ngunit dumating ang agila upang magbigay tulong sa mga mumunting ibon. Binigyan nya ng uod na makakain ang mga ibon ngunit ito’y naging linta, lintang maninisip ng dugo…. Dugong nagbibigay lakas sa mga mumunting pipit. Ganyan kalupit kung gaano siya igupo ng makapangyarihang lakas.

Gayun nga’y nakaipon ng sapat na lakas ang mga ibon, ngunit isa sa mga ibong pipit ay nagbago ng anyo, ito ay naging isang uwak, gahaman, mabangis at may nakamamatay na kamandag wari ba’y isang halimaw sa sariling lahi, kasabay nito ang pagbabagong anyo ng iba pang mga pipit, sila’y naging anino ng pagkagahaman, sunod-sunuran sa bawat iwika ng tampalasang uwak mga hunyango! ! Datapwat ‘di naglaon ay sinupil siya ng Batas ng Pagkakaisa, magpasahanggang ngayon ay narito pa rin ang kanyang lakas, makamandag ngunit mapanghamong ‘di dapat pagupo.

Ang mga pipit ay bumuo ng mga hakbang ng Makabagong Panahon upang iahon at pakinangin muli ang munting hiyas. Tulad niya’y marami na ring nagtangkang magpakatatag at lumaban subalit sila’y ‘di nagtagumpay sapagkat marami ang mga hunyangong mapagsamantala, nanatiling hungkag at sunud-sunuran. Ang agila ay may lihim na mata sa gabi at kapag siya ay humuni sa pagbadya ng kanyang pagdating ay nakapangingilabot. Muling sumapit ang dilim…. Muli, ang mga mababangis na nilalang ay muling naghahanda upang maghasik ng lagim sa kahabaan n gabi.

Sana, mapag-aralan ng pipit ang kaniyang kahapon…. Ang kanyang bigat at mga pagdurusa, ang nakaraang balot ng pighati upang maging matalino’t matatag sapagkat marami pang mga ahas, buwaya, uwak, hunyango at mababangis na nilalang sa kagubatan, manlilinlang, manggugulo at maghahasik ng kasamaan upang malagay tayong lahat sa panganib o dili kaya’y sa kawalan ng sinumang nilalang. O anino ng kahapon nasaan ka upang tulungan at labanan ang kasalukuyan?

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success