Ako ay kawal ng kapalaran
Parehong sa panaginip at katotohanan
Salat man sa salita subalit sa gawa ay sagana
Wangis ko ay isang magilas na mandirigma
Sa mga adhikain ay may matibay na paninindigan
Matarik o malubak man ang dadaanan
May katapatan sa mga pananaw sa buhay
Pagkat Dakilang Lumikha ang aking gabay
Layunin ko'y talunin ang kapangyarihan ng inggitan
Nang maibagsak papel ng kasakiman at kapalaluan
Kaluluwa ng pagkamataas ay aking dudurugin
Nang maipunla binhi ng pagmamahal at pagkamahabagin
Ako ay isang kawal ng kapalaran
Pinagkalooban ng sapat na kakayahan
Sarili kong emosyon ay aking pananagutan
Tagapangasiwa sa linalaman ng puso't isipan
Hindi kailanman patitinag sa anumang kabiguan
Kung babagsak man, muling tatayo at lalaban
Mga sigwa sa buhay ay di susukuan
Pagkat ako'y isinilang para lasapin ang katagumpayan!
Ako ay kawal ng kapalaran.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem
I am a soldier of fortune. I know this much only. Rest I need not.