Halos panawan ako ng aking lakas
Hangin sa dibdib ko’y ‘di makalabas
Basag ang boses, garalgal sa sakit
Nagwawala at nag-aapoy sa galit…
Puso kong luhaa’y pilit sumisigaw
Liwanag ang samo dapat mangibabaw
’Wag hayaang maglaho ang haring araw
Sa gitna ng dilim siya’y pamanglaw…
Dapat bang sisihin ko ang kahirapan
Na sanhi ng aming pagdarahop ngayon
O ang matinding galit ng kalikasan
At ang kasakiman ng ilang kabayan?
Na sukdulan kung kami’y alipustahin
Kulang na lang na kami’y palayasin
Sa maliit naming mundong kinagisnan
Mundo ng wagas naming pagmamahalan…
Mga mata ko’y nalulunod sa luha
Makikirot, mahahapdi’t namamaga
Parang sinabuyan ng maanghang suka
At sasabog sa matinding pagdurusa!
Kakayanin ko ba itong kaapihan
Na dinaranas ngayon ng aking angkan
Sapat ba ang hapdi, kirot at kawalan
Na isuko ang buhay ng walang laban?
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem