Kasabay ng ikot ng oras
Ang iyong gunita,
Naglalayag sa aking isipan.
Likha ng huwad na pangarap:
Ayoko na sanang banggitin
Na ang iyong titig
Ang nagpasuko sa aking kalumbayan
At nagbigay ng pag-asang
Maabot ang sarili kong tinig;
Hindi ko na rin ipapaalam
Kung gaano kahalaga
Ang iyong mga ngiti
Na bumabati sa akin
Sa mga sandaling tahimik
Ang hangin ng gabing malalim;
Ayoko na ring malaman mo
Na ako’y ginagapos ng hapis
Pag may humaharang
Sa aking paningin
Upang ika’y mamalas.
Ayoko na rin sanang sabihin
Na ayokong humantong
Ang titig mo’t ngiti –
Sa pagiging pakana lamang
Ng ‘yong magarang kaanyuan.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem