Nayon Ng Pag-Asa Poem by Jhane Reyes

Nayon Ng Pag-Asa

Sa paanan niyong bundok na duyan at kandungan
Pook na kung saa’y aking pinagmulan
Kayhirap limutin at iwaksi sa isipan
At ipagpalit sa lungsod at bayan

Masasayang karansan ng aking kabataan
Sa piling ng aking mga kanayo’t kaibigan
Ngayo’y isang alaala na lamang
Na ituturing kong natatanging yaman

Baryo kong ngalan ay PAG-ASA
Nasasaan na taglay na rikit at ganda
Na hinahangaan ng sinumang makakita
Ipinagmamalaki at pinupuri ka

A malinaw na sapa’t nakabibighaning talon
Na kung ibig maligo’y tila ayaw ng umahon
Kaylaki ng nabago sa pagdaan ng panahon
Pagka’t dumi at basura ang makikita ngayon

Matataas na punong daho’y luntian
Sa init ng araw nagsisilbing kanlungan
At pahingahan ng ibong nag-aawitan
Ngayo’y pinuputol ng walang pakundangan

Ang mga taong sa iyo’y nananahan
Kanilang mga puso’y nilukob ng kasakiman
Magkakapitbahay laging may alitan
At sa bawat isa’y mayroong inggitan

Habang ang nakaraan aking ginugunita
Hindi napansin mata’y lumuluha
Luha ng kalungkutan na sa puso nagmula
Dahil sa pagmamahal at nadaramang awa

Sana’y balang araw muling maibalik
Ang kagandahan ng iyong paligid
Mamamayang namumuhay ng payapa’t tahimik
At sa bawat isa’y punong-puno ng pag-ibig

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success