'May isang puno sa labas ng bahay
na taimtim kong pinagmamasdan
mga sanga na luma ngunit matibay
at dahong nagkalat sa kapaligiran
Ito ay nagbibigay saya sa kalooban
maging sa ibang tao na dumaraan
mga munting biyaya ng kalikasan
na kay sarap tignan at istambayan
Minsan ay umaawit sa ilalim ng lilim
mga awitin na sa puso'y may daing
lungkot ng himig at malayo ang tingin
at tanging puno nakakaalam ng lihim
Kahit ang araw sa bandang kanluran
ay pababa na sa kanyang kariktan
sa paligid na tahimik at nagaagaw dilim
ang pangarap na sana siya'y kapiling
Sa kulay ng ulap na tila lumulutang
ang maamo nyang mukha at pangalan
naaaninag ang saksing kagandahan
na sa puso at isip ay walang kaparam
Nasa diwa lagi ang nagdaang panahon
habang sikat ng araw ay naglaho ngaun
na minsan dinadasal sa panginoon
ang ibalik sana ang aming kahapon.'
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem