Sa Lilim Ng Punong Manga Poem by Rey Benipayo

Sa Lilim Ng Punong Manga

Sa bayan ng Ligao sa Bicol
Sa barangay Pandan, sa isang Purok doon
Bago pa man dumating ang bagyong Reming
Usap usapan ang kuwento ng pagibig...
Kuwento ng pagibig na nagsimula at natapos
Sa lilim ng punong manga.

Sa ginid ng sapa, sa tapat ng tulay na bakal
Ay matatagpuan ang isang bakanteng lote
Bagamat wala na ngayon ang punong manga duon
Pag mag-isa ka lang sa lugar ay ito
Lalo na pag nasa gitna ka ng tulay
Ay mararamdaman mo na tila may dalawang tao
Dalawang tao na masayang naghahabulan
Parang bata na naglalaro at naghaharutan
Maaaring manindig ang balahibo mo
Pero hindi ka matatakot, hindi mo maiiintindihan ang pakiramdam.

Dati daw ay may dalawang bata na mahilig maglaro dito
Isang lalaki na mula sa angkan ng mayaman,
At isang babae na mahirap lamang
Isang araw ay nagtanim daw ng isang manga
Ang dalawang bata sa lugar na ito
Isinumpa nila na darating ang araw
Ay magiging sila at walang makakahadlang sa pag-iibigan nila
Kasabay daw sa pagtatanim ng mangang iyon
Ay mga patak ng dugo mula sa dalawa
Na galing sa sinugatang kamay nila.

Dumaan ang mga araw, buwan at taon
Naging saksi ang mangang iyon sa pagmamahalan ng dalawa
Naging sila nga, ikinasal at nagkaanak
Ang lugar kung saan nila itinanim ang manga
Ay isa nang tahanan, binili ito ng lalaki para sa babae
Naging saksi ang mangang iyon sa mga okasyon
Sa mga pangyayari sa pamilyang ito
Nakita ng mangang iyon kung gaano kasaya
Ang pamilya ng babae at lalaki

Hangang sa isang araw ay biglang namatay ang babae
Namatay ito sa isang malagim na aksidente
Mula noon ay naging matamlay at malungkot na ang lugar
Nasaksihan ng manga ang pagkasira ng lalaki
Dahil sa sobrang lungkot at pangungulila sa babae
Nalululong ito sa alkohol at nabaon sa utang
Isang hapon, ay hindi na nito kinaya
Sa lilim ng punong manga, ang tambayan nilang mag-asawa
Kung saan nakaukit ang kanilang pangalan sa puno
Ay nagpakamatay ang lalaki gamit ang lubid.

Mula noon ay naging tahimik na ang lugar na iyon
Pero nagmistula na itong pinagmumultuhang lugar
Pag gabi daw o kahit araw na mag-isa kang maglalakad dito
Ay mararamdaman mo ang kaluluwa ng mag-asawa
Kaya ang mga nakatira dito ay natakot magsolo
Nang rumagasa ang bagyong Reming ay nawashout
Ang buong lugar na iyon, wala natira pati ang punong manga
Na inanod sa kung saang lugar
Wala na ang bahay ng mag-asawa at tanging naglalakihang damo
Ang naroon makikita mo pero mararamdaman mo sila,
Ang multo ng mag-asawa na minsan ay nanirahan dito,
Nagmamahalan pa rin sila hangang ngayon sa kabilang buhay.

Kahit wala na ang mangang iyon ay iisa lang
Ang hindi malilimutan ng mga residente doon,
Ang mga araw na nakikita nila ang mag-asawa
Masayang nakatambay sa lilim ng punong manga
Araw araw lalo na tuwing linggo ng hapon
Kasama ang kanilang dalawang anak na lalaki.

Monday, March 18, 2019
Topic(s) of this poem: eternity,legend,love
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Rey Benipayo

Rey Benipayo

Ligao City, Philippines
Close
Error Success