Tula Blg.: 10
Ako ay magrorosaryo.....
Luluhod ako at magrorosaryo
Sasambitin ko ang mga misteryo
Ibubulong ko ang mga sikreto….
O, Maria dinggin sana ang aking ritmo
Pagkat ayaw tanggapin sa ospital si bunso ko
Nanginginig siya, sumusuka at umuubo…..
Sabi sa akin wala na raw suwero
Wala ng gamot, wala na kung ano-ano
At wala na rin ngayon si bunso ko….
O Diyos Ama at mga santo, dinggin po ako
Pagkat ayaw ibigay sa akin ang pinagpawisan ko
Sabi ni amo doon pa raw sa bangko….
Diyos ko maawa po kayo!
Ililibing na bukas ang ‘di naembalsamong bunso ko
Na walang kabaong at nitso…
O, Makapangyarihang Hesukristo
Ito ba’y atas mo, na huwag misahan ng pareng kuwago
Ang labi ni bunsong mahal ko…?
Kailangan ko tuloy ngayon ng limandaang piso
Pamasahe ng bunsong mahal ko
Patungong paraiso…..
Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu
Bendisyonan po ang mga gutom na pulitiko
Pagkat nais rin nilang paghatian ang gibang bahay ko…
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem