Ama Poem by Catherine Agunat

Ama

Noong kami'y musmos pa
Pag-aalaga sa ami'y ingat na ingat ka
Konting sinat lang na aming madama
Ika'y nababahala't natataranta na

Nang kami'y magsipag-aral na
Doble kayod ang ginawa mo
Madaling araw pa lang
Agahan na ang atupag mo

Madilim pa ang paligid
Tumatahak ka na sa tumana
Nang bukiri'y marating nang maaga
At sa pagsaka makarami ka

Pagbalik mo sa ating dampa
Kahit na pagod, ika'y tuwang-tuwa
Sa halip na magpahinga
Pag-aaral namin ang kinukumusta

Pagkarinig sa mumunting balita
Ngiti'y nababanaag sa iyong mukha
Pagkatapos ng hapunan
Hindi mo pa rin kami tinutulugan

Sa mga takdang aralin namin
Nagtitiyaga kang tumutulong
Pagsisikap mo'y nagbung di naglaon
Pag-aaral namin ay naiahon

Ang iba'y nagkapamilya nang maayos
Dating dampa naging bahay nang mairaos
Ang iyong kalabaw ay naging Tamaraw
Ilaw man ng tahana'y maagang pumanaw

Tiyak ang kaluluwa niya'y napapahiyaw
Pag maganda mong kalagayan, natatanaw
Tuhod ma'y nanlalambot
Paningin ma'y umiikot

Ikaw man ay tumanda
Pagmamahal mong dakila
Pagkupas ay wala
Bukas pa rin palad mong mapagkalinga

Araw ay darating, buhay na hiram ay bawiin
Ngunit bago mo kami lisanin
Lubos na pasasalamat
Sana ay tanggapin

Pag-ibig na sukli sa matatag mong antabay
Magiliw mong gawing huling ulayaw
Hanggang sa huling higit ng hininga
Kami naman ang mag-aalaga

Ibig namin sa iyong ipadama
Hindi kami naging mga anak mo talaga
Kundi dahil sa iyong dakilang pagpapadama
Na wala kami kundi dahil sa iyo

Ama

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success