Isang ibong ligaw na sa hangi'y 'tila nakikipagsayaw
Na sa pagdamay ng kapwa ibo'y uhaw
Sa langit na ang kulay; agaw pula't bughaw
Sa mga nasa lupa, tanging anino ang tanaw
At silang ang lipad ay mas matayog
Di na nais ni-minsa'y manaog
At ang mga maya'y sadyang binubulabog
Nang karahasa't kaguluha'y sumabog
Sa mga pinakawalang luntiang tabanog
Na sana'y daan 'tungong tugatog
Pirasong materyal na tingting ang balangkas
Na minsa'y ginigiba ng
hanging malakas
Sa haba ng sinulid ni-isa'y walang patas
Dala'y pag-asang ang langit ay maabot -sa wakas!
Ngunit silang agila, tabanog ay sinisira
Mayang nasa gitna ay nagagalak, natutuwa
pagkat di arok ang paniniwalang nasira
Ng musmos na ang pangarap - mundong malaya't payapa
Mayroong sa ibong manadaragit ay kumakampi
Hinahamak, inaalipusta - 'sang tagapagsilbi
Tanging nais niya'y mailigtas ang sarili
na sa katotohanan kailan ma'y di mangyayari
At siyang ibong ligaw na sa tama'y pumanig
ng takot ay binalot ngunit ito'y dinaig
Ng mga 'kaibigan' siya'y inuusig:
-'upang mailigtas 'kaw na ri'y magpalupig'
Pagkat ito raw ay 'sang sistema na,
Bahagi ng lipunan, 'sang kultura
Isang realidad na dapat tanggapin
Maging praktikal, yapak nila'y sundin
.....
Kayo'y nakapiit sa kulungang bukas!
Sa sistemang buhay 'pagkat 'di kayo kumakalas!
Hindi pagkaduwag kundi katapangan ang pagtakas
mula sa bunganga ng mga buwaya't ahas!
Kailangang kumawala sa makabagong tanikala
Ikaw ang ibong ligaw!
magdesisyo't lumaya!
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem