Salagubang Poem by Pacific Hernandez

Salagubang

(Salagubang)



Sa tumana sa amin, pag buwan ng Mayo

Kapag takip-silim ay maraming tao

Iyon ang oras ng paglitaw, pagsabo

Ng salagubang naming inaadobo



Kapag bagong ulan, tamang araw iyon

Sa pananalagubang kapag dapit-hapon

Ang bata, matanda ay may dalang bumbong

Ng lata o bote o kaya'y garapon

Lagayan ng mga nila'y maiipon

Na pag adobo na'y masarap, malutong



Panahon din iyon sa mga tsikiting

Na ang punong mangga'y kanilang ug-ugin

Ang nalalaglag na mga salagubang

Nila'y pinupulot, gagawing laruan

Tinatalian ng maikling sinulid

At paliliparin ng paikit-ikit



Larong 'balikwasan' kung aming tawagin

Back-to-back, salagubang, pagdidikitin

Malagkit na dagta ng mangga ang gamit

Saka ilalapag silang patagilid

Kung sino ang siyang tumayo, tumindig

Ang may-ari ang siyang panalo't hahamig

Ng taya na walang iba't kadalasan

Ay ang naiipon nilang salagubang

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success