Learn More

opium lestre


Bob ong - Stainless longganisa(part 10)


GAWAING PANSANAY
1. Basahing mabuti ang nasa ibaba at ayusin ayon sa pagkakasunud-sunod ng pangyayari:
_____ Nilagyan si Astroboy ng maching gun DOON.
_____ Naging Kalihim ng DPWH si Ulang.
_____ Dahil sa text votes ng mga langaw, nanalo sa Bobong Pinoy Big Brother si Tipaklong.
_____ Ginawang Cream of Crab Mentality Soup si Tong sa Survivor Jolo.
_____ Natalo sa American Idol si <.-.>
2. Sa anong mga paraan naging comedy ang 'The Ring'? Kung itataob mo sa balon ang telebisyong lalabasan ni Sadako, magpapaikut-ikot na lang ba s'ya sa balon at TV? Bigyang buhay at isadula ang pangyayari.
'You will know who I am when you forget my name.'
- Jim Paredes
Humming in my Univers
Simula nang maisulat ko ang unang libro, nagkaroon na ng ilang update ang mga kwento:
- Alinsunod sa Republic Act 8976, o Food Fortification Act of 2000, ipinagbawal na ni Education Secretary Florencio Abad sa pamamagitan ng DepEd Order No.17 ang paggamit ng 'vetsin' sa mga pagkain sa pampublikong eskwelahan, at pagtitinda ng junk foods, softdrinks, at mga artificial juice. Liban sa mga fresh juice, shake, gatas, prutas, gulay, kanin, mais, at mga bungang kahoy, ang mga pagkaing may Sangkap Pinoy seal o fortified foods na lang ngayon ang aprubado ng ahensiya. Bukod dito, ipinag-utos na rin ng Department of Education ang paglalagay ng menu sa bulletin board ng mga canteen kung saan dapat makitang nakalista ang nutritional value ng bawat pagkaing itinitinda nila.
- Hindi ko alam kung bakit, pero nang makita ko ulit sa bookstore ang Mga Unang Hakbang sa Pagbasa (yung libro ng ABAKADA na pang-Grade I) , bumili ako ng kopya. Akala ko kasi nawala na yon dati. Meron pa pala, pero iba na ang mga taong naka-drawing sa cover. Parehas pa rin ang posing, peri ibang cast na.
_ Alam ko na kung paano ide-describe sa mga kabataan ngayon ang lasa ng Nutri Bun. Para sa mga interesado pa rin, kumain kayo ng whole wheat bread nang walang palaman. At siguraduhin nga pala na expired na yung whole wheat bread.
- Bago pa man lumabas sa mga tindahan ang unang libro, nakabalik na rin ako ng eskwelahan para magpasalamat sa mga naging teacher ko. Nakilala naman nila ako at napuri pa dahil marunong na raw humarap ngayon sa tao. (Yey!)
- Isa rin sa mga professor ko ang nanghiram ng kwento sa ABNKKBSNPLAko? ! para sa sarili n'yang libro sa mga tinuturuang kolehiyo. Nakilala n'ya lang ako nang mabasa ang pangalan n'ya sa mga isinulat ko. Sa muling pagkikita, namamanghang sinabi n'ya na naaalala n'ya pa nga ako. Napakalaking bagay sa akin ang makatulong sa kanya para makapagturo pa s'ya sa iba ngayon. Lalo na dahil paborito ko ang subject n'yang Philosophy at isa yun sa mga iniiwasan kong ma-miss dati, kahit na puro ako cut at absent sa iba kong klase. Di ko nga alam na mataas na pala ang nakuha kong grade noon, hindi raw yon basta-basta nakukuha sa klase n'ya. (Dear Sto. Nino, sana po hindi nakahalata ang mga mambabasa na pasimple akong nagyabang sa huli kong sinabi. *krus*)
- At may mga mambabasa rin na nag-update sa mga tanong ko. Ang kuliti raw ay 'stye' sa English, at ang African American Green Lantern sa Justice League ang unang Green Lantern bago dumating ang caucasian counterpart nito sa Superfriends. Sa mga matulunging mambabasa na matiyagang umaahit ng kabobohan ko, salamat po.
- Sa paglilibot ko sa Friendster (www.friendster.com) , nakita ko rin na paborito pala akong author ng muse ng junior assembly namin dati na dalawang taon kong niligawan sa tingin at habambuhay pinangarap makausap. Dapat pala talaga naniwala ako noon sa mga payo ng pelikula!
- Nakita ko na rin ang mga dati kong kaklase at ang mga webpage ng iba pa. Malaki na ang ipinagbago naming lahat. Ang mga babae, medyo bumigat lang din nang konti...parang lumunok lang ng apat na litson kagabi kung tatantsahin mo ang taba sa katawan. Marami na ang may pamilya, marami ang nasa ibang bansa. Merong mga nakakurbata, may snorkels, may kotse, may numinipis na buhok. Merong mga nasa snow, nasa disyerto, nasa Europe, nasa Disneyland. Merong mga nagkatuluyang hindi mo aakalain, merong mga naghiwalay na hindi mo aasahan, at merong mga.....ayon sa balita, e sumakabilang buhay na. Parang kelan lang, di namin alam kung saan singit kami ng planeta susuksok. Pero ang ilan sa amin ngayon: teacher, doktor, singer, pulis, manager, pastor, comic artist, accountant, dancer, businessman, magbubukid, at iba pang isinasagot ng mga bata sa tanong na: 'Ano'ng gusto mong maging paglaki? ' Medyo nagkapalit-palit nga lang yata.
May classmate ako dati na hindi alam ang gagawin sa buhay n'ya paglabas ng high school. Pero bago mag-graduation, pagkatapos manahimik sa gitna ng kwentuhan, bigla s'yang tumingin sa malayo at pabulong na nagsabing: 'Gusto kong maging nurse! ' Kagabi ko lang nakita ang profile n'ya sa Friendster. Nurse s'ya ngayon sa Europe.
Hindi mo na makikita sa mga mukha nila ngayon ang mga bobo sa Math, hirap sa spelling, takot sa recitation, tamad magdala ng libro at gumawa ng project, may body odor at tadtad ng pimples, at mga laging absent at napapagalitan ng teacher. Wala na. May sari-sarili na silang buhay ngayon at kanya-kanyang pamilya. Tapos na kami sa pamomroblema ng assignments at mga crush. Lagpas na kami sa paghahanda para sa first job interview. Meron sa aming mga wala nang magulang, at marami sa amin ang mga magulang na. Napakarami na naming natutunan sa labas ng eskwelahan. At alam mo pa ang natutunan namin? Na napakarami pa rin naming dapat matutunan.
GAWAING PANSANAY
1. Bilugan ang angkop na salita:
a. Ang vetsin ay (mabuti, the best) sa ating katawan.
b. Palihim na nilagyan ni Inday ng stye ang ulam n'yo (kanina, kagabi) .
c. Ang Nutri Bun ay (gawa, yari) sa recycled paper.
d. Pinag-Friendster lang kami (maghapon, buong taon) ng teacher namin sa Computer.
e. Parang (maikli, soooobrang maikli!) yata ang chapter na 'to.
2. Gumawa ng sariling pananaliksik ukol sa Justice League. Bumuo ng talata na walang kinalaman sa iyong pananaliksik.
'The impulse to keep to yourself what you have
learned is not only shameful, it is destructive.
Anything you do no give freely and abundantly
becomes lost to you.
You open your safe and find ashes.'
- Annie Dillard
The Writing Life
Sabi ko noon sa mga malalapit kong kaibigan ilang buwan bago matapos ang unang libro, kung saka-sakali pagdating ng araw, hindi ko lilingunin ang nakaraan ko para sabihing 'Wow! Nakasulat ako ng libro! ' kundi 'Wow! Nakatagal ako nang walang trabaho! '
Wala sa mismong pagsusulat ng libro ang naging hamon sa akin, kundi sa lakas ng loob na mawalan ng trabaho. Ang hirap, dahil nakakaubos ng respeto sa sarili ang walang ginagawa. At may mga writing assignments man ako noon, hindi pa rin yon konkretong trabaho na madaling isagot sa mga nagtatanong na magulang.
Tapos na ang dalawang libro nang malaman ng pamilya kong nagsusulat ako. Sa loob ng dalawang tao, hinayaan ko lang na tingnan nila akong palaboy sa bahay. Hindi nila alam kung anuman ang pinagkaka-abalahan ko dahil hindi ako nagsasabi. Wala kasing kasiguruhan sa pagsusulat, at ayokong ma-pressure sa pamilyang naghihintay ng kahahantungan ng mga plano ko sa buhay. Ako yung tipo ng bata sa kindergarten na hindi nagpapakita ng drawing n'ya sa iba hanggang hindi ito tapos at hindi pa nakukulayan.
Hari ka ng mundo habang nagsusulat. Pakiramdam mo may mga nagtitiyagang nakikinig sa mga sinasabi mo. Akala mo nakasalalay sa mga isinusulat mo ang ikot ng mga planeta. Kaya buong ingat mo ring binubuo ang bawat salita. Kumpleto sa respeto at dangal na maingat mong itinatago sa likod ng mga kalokohan.
Ganon ako habang tahimik na nagsusulat noon sa isang sulok. Pero paglabas ng kwarto, sinasalubong ako ng lolo ko ng lahat ng mura sa mundo. May sakit kasi s'ya noon. Ewan ko kung Tourette Syndrome ang tawag doon o Alzheimer's o ano. Ewan. Basta pag trip n'ya, puputaktihin ka ng mura. Pagkatapos noon pakiramdam mo para ka na lang taeng inulan, walang kakwenta-kwentang nilalang. Pero kailangan makumbinsi mo ulit ang sarili mo na kahit ano'ng mangyari may karapatan ka pa ring magsulat.
Kung pinanood man ako ng mga diyos dati, sigurado akong naging malaki ang pustahan nila at masaya ang inuman. Lalaban ba si Bob o babawi? Umalis s'ya ng trabaho para magsulat, pero panay pa rin ang tingin ng mapapasukan sa classified ads. Sigurado na raw s'ya sa plano n'ya, pero maya-maya ring umaatras kahit wala namang problema. May tapang ba talaga yan para bumitaw sa salbabida o tatanda na lang sa pagsasabi ng 'san....'?
Dahil sa mga librong nabasa, isang bagay ang biglang pumasok sa isip ko noon. Mga salitang patadyak na gumising sa akin at nagsabing inabutan na 'ko ng mataas na araw sa kama.
O friend, awake, and sleep no more!
The night is over and gone,
would you lose your day also?
You have slept for unnumbered ages;
this morning will you not awake?
-Kabir, Tr. Tagore
Naisip kong gasgas na lahat ang dahilan ko para hindi magsulat. Nasisi na lahat ang pwedeng sisihin. Dalawa na lang kami ng sarili ko na naghihintayan ng next move. Gaano pa ba kailangan magtagal yon?
Marami ang magsasabi sa'yong hindi mo makukuha ang gusto mo sa mundo kung hindi mo talaga alam kung ano ito. Pero ako, gusto ko lang mabuo ang una kong libro. At naniniwala ako sa isang prinsipyo sa Psychology na nagsasabing para makuha mo ang gusto mo, kailangang nakatatak ito sa isip mo nang buong-buo. Visualized. Ikaw mismo kumbinsido. Kaya gamit ang dot-matrix printer, ginawan ko noon ng mock-up cover ang una kong libro. At yung cover na yun ang itinapal ko sa ibang libro para magmukhang published work na nasa pangalan ko: Stainless Longganisa. By Bob Ong. Instant libro in 5 minutes, home-made noong 1999.
Ang 'unang libro' ay naglalaman ng mga hilaw na konsepto ng apat pang sumunod. Ang pamagat nito ay hango sa isang kwentong nakapaloob ngayon sa Ang Paboritong Libro ni Hudas. Bakit Stainless Longganisa? Bakit hindi.
Hindi ko alam kung meron pang ibang pwedeng maipangalan sa 'una at ikalima' kong libro. At siguro nag-iisip ka rin kung bakit kailangan ko itong isulat. Pero tulad ng naranasan ko sa pagkakasilip sa mundo mula sa 'teacher's table', kinukumpleto ko lang ngayon ang kwento tungkol sa mundo ng pagsusulat na kinabagsakan ko, kung saan mo 'ko nakilala.
Araw-araw akong nakakatanggap ng mensahe galing sa mga estudyanteng nagbibigay ng suporta at mga malokong paghanga na akala mo naman e may nagawa na 'kong kung ano. Marami rin sa kanila ang seryosong humihingi ng payo tungkol sa pagsusulat na hindi ko naman kayang sagutin nang mabilisan, paulit-ulit at paisa-isa. Napakaraming tanong tungkol sa akin at sa mga gawa ko.
Ikinuwento ko na kung ano ang hirap sa bawat librong isinulat ko. Pero sa ikalimang pagkakataon kung kelan dapat medyo sanay na 'ko, nalaman kong mas mahirap pa rin pala ang magkwento tungkol sa mga pinaghirapan mo. Kasi nagmumukha kang nagsasabit ng sampaguita sa sariling leeg at humahalik sa sariling pwet. At ano na nga ba ang napatunayan ko sa pagsusulat bukod sa pagsisisi na sana pala sineryoso ko ang halaga ng Filipino subject noon sa eskwelahan?
Nagkaroon ako ng mga kaibigang honor students galing sa dalawa sa mga nangungunang unibersidad ng bansa matapos mabuo ang una kong libro. Akala ko noon hindi nila masasakyan ang mga kwento ko dahil naging maayos ang pag-aaral nila. Kaya naitanong ko kung ano ang pananaw nila sa edukasyon at kung bakit, bilang honor students, hindi sila sumulat ng sarili nilang libro para magbigay inspirasyon sa mga estudyante. Ang sagot nila: 'Honor students kami, sino'ng seseryoso sa amin? '
Walang halong pagpapakumbaba, sa tingin ko e wala akong karapatan para sagutin ang tanong ng mga kabataan tungkol sa pagsusulat. Pero dahil sa kontong tulong lang naman yon na sa akin nila hiningi, naisip kong wala rin akong karapatan para tumanggi. May iba pang mas kwalipikadong malalapitan, may iba pang taong mas maraming maitutulong sa kanila, pero bilang simpleng pag-alalay at panimula habang wala pa yung mga taong yon, isinulat ko dito kung anuman ang alam ko.
Para sa payo ko, sa anumang paraan na makakatulong sa'yo, sasabihin ko lang na higit sa kagustuhan mong maging manunulat, importanteng gusto mo ring magsulat. Malabo kasi yung pangarap na basta gusto mo lang maging manunulat, kasing labo yun ng pangarap na gusto mo ring bumait. Kung sigurado kang may pasensya ka nga sa pagsusulat, at nakagawa ka na ng ilang tula o kwento na pumasa naman sa kahit isa sa tatlo mong kaibigan (hindi kabilang sina Muning at Tagpi) , pwede mo nang subukang magpasa ng article sa school organ n'yo, o kaya sa Internet, o kaya sa mga dyaryo, o kaya dumiretso ka na sa Time at Newsweek kung nagmamadali ka nang makatanggap ng rejection slip.
Hindi mo kailangang mag-umpisa kaagad sa pagsusulat ng sequel ng El Filibusterismo o conspiracy theory sa pagitan nina George Bush at ng alien sa Predator. Pwede ka munang magpadala ng reaksyon sa mga balita sa Letters to the Editor section ng paborito mong bastos na tabloid. Dahan-dahan lang habang nag-iipon ka pa ng lakas ng loob at credentials bilang manunulat. Tapos noon, pwede ka nang lumapit sa mga magazine na tumatanggap ng mga contribution galing sa kahit sino lang...pero kahit ano lang din ang ibabayad nila sa'yo.
Kung tutuusin wala naman talagang pre-requisites ang pagsusulat. Pero kung hindi ka sigurado sa ginagawa mo, mas mabuti nang nag-uumpisa ka sa ibaba. Ganon din sa pagsusulat ng libro. At mangahas ka mang gumawa ng libro, article, tula, o death threats, siguraduhing malinis ang pagkakagawa mo sa manuscript na ipapadala sa mga editor at publisher. Kung nagmamadali ka o halata sa trabaho mo na overnight lang 'to ginawa tulad ng iba mo pang project sa eskwelahan, baka ma-blacklist ka pa ng mga pinagpapasahan mo. Hindi teacher ang mga editor na kailangang mamili kung bibigyan ka ng grade na 70 o 99. Kung hindi propesyunal ang trabaho mo, mabilis nila itong ipa-publish sa basurahan para ipabasa sa landfill.
Nagsusulat ako ngayon hindi para maging modelo ng wastong paggamit ng salita at tamang komposisyon. Laglag ako doon. Wala rin akong pakialam sa mga istilo, batas, depinisyon, at blah blah blah ng mga pagsusulat dahil masakit yon sa ulo. Lahat ng kilalang writer na nabuhay sa mundo ay may opinyon sa pagsusulat na kumukontra sa opinyon ng iba pang writer. Kung seseryosohin mo lahat ng payo nila at base dito e gagawa ka ng manual na aayunan ng lahat ng mga manunulat sa mundo, magmumukha ka lang naglilinis ng China Sea.
Nirerespeto ko ang balarila pero hanggang sa punto lang na naiintindihan ako ng mas nakararaming tao. Tinitingnan ko 'to bilang istasyon ng radyo kung saan nasa bandang kaliwa ang pang-unawa ng karaniwang mambabasa, at nasa kanan ang tamang paggamit ng mga salita. Kailangan balanse, sumobra ka lang nang konti sa kanan o konti sa kaliwa, nawawala ang tamang frequency ng signal at naghihikab ang mga tao.
Naniniwala akong may maitutulong ang experience sa pagsusulat. Mas natututo ka habang ginagawa mo 'to. Pero importante pa rin na meron kang kahit kaunting puhunang talento sa simula pa lang. Walang gamit ang hasaan kung walang hahasain. Kung pangarap mo mang maging manunulat, alam mo na dapat ang kahalagahan ng reference books tulad ng dictionary, encyclopedia, thesaurus, almanac, at iba pa. Alam mo ang format at paggawa ng isang manuscript. Alam mo ang submission guidelines ng mga dyaryo, magazine, publishing house. At alam mo kung paano alamin ang mga hindi mo gaanong alam sa pamamagitan ng research. Pinakaimportante yung huli dahil yun ang sasagot sa mga tanong mo kung nalabuan ka sa mga pinagsasabi ko.
Kailangan mo ba ng writing workshop? Ikaw ang makakapagsabi. Importante ba ang pagbabasa, pag-iisip, at pagsusulat? Ang sagot, tatlong oo. Lalo na yung pagsusulat dahil wala sa pag-aaral o pagpaplano o pangangarap ang pagiging manunulat. Kung gusto mong maging manunulat, magsulat ka. Simple.
Kailangan mo bang magkaroon ng style? Kung ngayon mo pa lang iniisip yan, huli na ang lahat. Bilang manunulat, dapat may dati ka nang 'boses'. Kung ipinanganak kang Frank Sinatra, wag mong piliting magboses Air Supply. Dahil kahit idaan sa shock value at ispesyal epeks ang mga isinusulat mo, kung halata namang may tangke ka lang ng hangin sa ulo na pinasisingaw, iiwan ka rin ng mga magtitiyaga sa'yo. Dalawa ang habol ng tao sa pagbabasa: Matuto at malibang. Dapat masapul mo isa man lang d'yan.
Sa pagiging manunulat at isa sa mga 'Alagad ng Sining, ' paulit-ulit kang kukulitin ng tanong na: 'Ginagawa mo ba yan alang-alang sa sining o sa pera? ' Para sa akin, dapat balanse. Hinding-hindi dapat nakasalalay sa pera ang bawat galaw mo, sa sining man o negosyo. Pero kung sa proseso ng paggawa ng obra mo e mamumuhay kang parang taong grasa, tingin ko e nababalewala rin ang sining na gusto mong ipakita.
Siguro ang mas interesanteng usapin e yung pag-murder ng mga editor sa mga isinusulat mo. Sa karanasan ko dati sa pagpapadala ng isang article sa limang editor, napansin kong mas makulit ang kamay ng mga batang editor sa mga mas matatanda; mas marami silang correction at mga pagbabagong ginagawa sa isinulat mo kahit na para sa mga matatanda e wala namang problema dito. Hindi ako natutuwa pag walang nababago sa mga ipinapasa kong trabaho dahil pakiramdam ko e tinatamad yung editor. Pero ayoko rin naman yung mga tipong pilit na binabago lahat pati ang istilo mo hanggang sa maging istilo na nila ito. Lalo na yung nangyari sa isang pagkakataon kung saan na-translate sa literal na kahulugan ang isang idiomatic expression na ginamit ko dahil lang sa hindi ito alam ng bagitong editor.
May mga bad trip na editor kung minsan, pero kailangan pa rin natin sila kadalasan. Kaya kung hindi mo matanggap na itama ng iba ang mga mali mo, hindi para sa'yo ang pagsusulat. Akala nga ng iba mga manunulat ang may pinakamahangin at malaking ulo sa mundo. Pero kabaligtaran, mga manunulat ang pinakamatinding makatikim ng rejection kumpara sa ibang tao. Ang mga door-to-door salesman kasi pag nabagsakan ng pinto sa mukha, alam nilang produkto lang nila ang ayaw ng tao. Pero ang mga manunulat pag nareject, rejected sila dahil sa kakayanan nila. Personal na trabaho na pinagpaguran ng ilang buwan, kung hindi man taon o dekada, ang inihahagis sa kanila pabalik. At hindi nila pwede basta-basta lang isauli yon sa stockroom para palitan ng iba.
Maraming sikat na manunulat ang tumikim muna ng di na mabilang na rejection bago nai-publish. Pagkatapos noon, dumaan pa sila sa paghuhukom ng mga kritiko. Kahit ako, natitira pa rin minsan ng water gun ng ilang mapagbirong tao. Pero naisip kong natural na yon sa mga ipinanganak na kakambal ng water gun. Ang importante meron kang mga mambabasang nabibigyan ng inspirasyon sa mundo. Magsulat ka para sa kanila, hindi para sa mga kritiko.
Sa puntong 'to, ihinihingi ko ng paumanhin, una sa lahat, ang kayabangan ng binabasa mo ngayong libro. May mga kwento kasing kailangan sa eksena na maglalasang sunog na ice cream kung pipilitin kong maging low profile. Pasensya na rin kung nalito ka sa chronology ng mga pangyayari. Naganap na kasi ang ilan sa kanila sa utak ko bago pa man nangyari sa mundo. Di ko tuloy masundan kung aling timeline ang gagamitin.
Sa mga tindahang mas piniling magtinda ng libro sa halip na mga eroplano, lalo na yung mga baguhan at maliliit na tindahang nagtitinda ng libro ko, salamat po. Instrumento kayo sa pag-unlad ng bayan at paghulma sa kaisipan ng mga kabataan.
Sa mga naggagandahang sales clerk na nagmamalasakit sa mga tinda nilang babasahin, salamat nang marami. Pinagalitan n'yo ko minsan nang sumalampak ako sa sahig para magbasa ng The Simpsons Guide to Springfield, pero okay lang dahil alam ko'ng ginagawa n'yo lang ang trabaho n'yo para pangalagaan ang mga libro.
Sa mga librarian na naglalagay ng mga libro ko sa library nila, at sa mga madre na nagbebenta ng libro ko sa mga campus book store nila (kasama ng mga Theology books at rosaryo!) ...salamat po. Sana pwede tayong lumabas minsan kung okay lang sa parents n'yo. Friends lang. Malling.
Sa mga teacher na nagpa-power play at nagpapa-bounty hunter sa estudyante kapalit ng ulo ko, wag naman po. Salamat sa interes, pero kawawa naman kami ng mga estudyante n'yo. Magpa-project na lang kayo ng mas kapakipakinabang na bagay tulad ng paggawa ng mga parol na yari sa bird flu.
Sa mga indibidwal na walang sawang nagrerekomenda ng mga libro ko sa kahit sinong taong nakakausap nila, ayos yan! Tandaan na kailangan n'yo ng 20 recruits para mabigayn kayo ng kalendaryo. (50 para sa wallclock.)
Sa mga PANS kong high school students, elementary, at fetus, maraming salamat sa pagsubaybay. Pakiramdam ko minsan puppet dapat ang hawak ko at hindi ballpen dahil sa sobrang bata ng mga kausap ko. Ganon pa man, ikinararangal kong makatanggap ng mga suporta n'yong galing pa sa mga alkansya at aginaldo. Hello ang happy viewing to Ning-ning, Dodong, Jing-Jing, Kutkot, and Kaw-Kaw.
Sa mga pans kong matatanda na nanghihiram lang ng mga libro sa mga kapatid, anak, at apo nila, salamat na rin. Ayoko mang masanay sa bendisyon ninyo at mainit na pagtanggap, hirap pa rin akong hindi magpasalamat. Maraming manunulat ang gustong maging astig, pero para sa akin wala nang mas aastig pa sa pagkakaroon ng mga tulad n'yong mambabasa. Kayo ang dahilan kaya natututo akong magpasalamat na parang politikong nanalo sa eleksyon at tunog nambobola.
Matapos ang limang beses na pangangampanya ko sa papel, ano na nga ba ang susunod?
Gusto kong isiping bayad na 'ko sa mga kwentong nabitin. Aspaltado na ang kalsada at natakpan ang mga manhole. Nasabi ko na ang mga gusto kong sabihin at yung mg gusto mong marinig. Quits.
Pwede na siguro akong magsulat ng mga mas seryosong kwento at gumamit ng ibang pangalan. Oo, bagong pangalan. Isa kasi sa mga silbi ng pseudonym o pen name ay para matanggap ka ng mga mambabasa sa iba pang genre. Halimbawa, kung sa mga weird na sinusulat ngayon ni Stephen King ay bigla s'yang kumambyo sa romantic fiction, malamang na di s'ya seryosohin ng mga taong mahilig sa ganon. Pero kung magpapalit s'ya ng pangalan na walang kinalaman sa horror, suspense, at thriller, baka pagbigyan pa s'ya ng mga mambabasa.
Nangyari na sa akin ang ganito sa ikaapat na libro. Marami ang nagsabing mas bagay daw sa akin ang non-fiction at ganoon na lang dapat ang mga isulat ko. Pero alam kong hindi naman talaga yung libro ang naging problema doon kundi yung author. Kung fiction ang una kong isinulat, wala namang magsasabing hindi sa akin bagay yon. O kung hindi naman 'Bob Ong' ang nakasulat na author, wala ring hihirit na hindi dapat yun naging fiction. Sa madaling salita, naikulong ako ng mga mambabasa sa isang uri ng sulatin.
Pero ayoko pa rin yata magbago ng pangalan. Kahit palitan ang 'Bob Ong, ' makikilala ako ng tao. Ano ba meron ang pangalan? Sa mga naisulat ko, magkakilala na tayo. Wala akong maloloko, at ayoko nang problemahin pa yon. Meron akong personal na obligasyon sa nagtataeng tinta ng ballpen ko. Nasa mambabasa na kung anong gulay ang gusto n'yang ibata. Babalik ako sa umpisa. Pwede akong matakpan ng sarili kong anino, pero okay lang yon.
Saan na nga ba ang susunod na biyahe: fiction, non-fiction, forro, suspense, thriller, comics, o coloring book? Ayokong sabihing susubok naman ako ng iba. Walang 'iba.' Wala akong iiwan, meron lang babalikan. Kung meron mang iba sa ginawa ko, yun ay ang Bobong Pinoy. Kung may magsasabi man sa hinaharap na: 'Sana nagpatawa ka na lang! ' Yun ay opinyong handa kong tanggapin. Marami ang kaya at pwedeng gumawa ng mga isinusulat ko ngayon para sa mga mambabasa, pero ang gusto kong isulat at gawin para sa sarili, walang pwedeng tumupad kundi ako.

Submitted: Thursday, November 28, 2013
Edited: Thursday, November 28, 2013

Do you like this poem?
0 person liked.
0 person did not like.

Read this poem in other languages

This poem has not been translated into any other language yet.

I would like to translate this poem »

word flags

What do you think this poem is about?

Comments about this poem (Bob ong - Stainless longganisa(part 10) by opium lestre )

Enter the verification code :

There is no comment submitted by members..

Trending Poets

Trending Poems

  1. A Child's Christmas in Wales, Dylan Thomas
  2. Invictus, William Ernest Henley
  3. The unblamenesses allay wounds, Pijush Biswas
  4. The Road Not Taken, Robert Frost
  5. Do Not Go Gentle Into That Good Night, Dylan Thomas
  6. I Am the Only Being Whose Doom, Emily Jane Brontë
  7. Still I Rise, Maya Angelou
  8. The Three Kings, Henry Wadsworth Longfellow
  9. If You Forget Me, Pablo Neruda
  10. The Eagle, Alfred Lord Tennyson

Poem of the Day

poet Emily Jane Brontë

I am the only being whose doom
No tongue would ask no eye would mourn
I never caused a thought of gloom
A smile of joy since I was born

In secret pleasure - secret tears
...... Read complete »

   

New Poems

  1. Friends, maryline vautravers
  2. Cuba…..God's Betrayal……….Perhaps, James B. Earley
  3. Poem-Spectator, Tushar Ray
  4. True Love Never Dies, lou parks
  5. Untitled VII, Sierra Staten
  6. The unblamenesses allay wounds, Pijush Biswas
  7. I Move, So I Am, Tanja Henderson
  8. Life Dances, Col Muhamad Khalid Khan
  9. Looking Kyle In the Eyes, Kyle Schlicher
  10. Besten Dank für den Gruss, Wolfgang Steinmann
[Hata Bildir]