Ang Iyong Katawan Poem by Matt Salvador

Ang Iyong Katawan

Pupunuin ko ng ginto at pilak ang kaloob-loobanan ng iyong katawan- iyong libingang yungib, iniingatan at sinasamba ng lahat, kaya ingatan mo ako at huwag hayaang biglaang pumutok.
Dahan-dahan kong aalisin ang sumasaplot na lamig ngayong Disyembre sa iyong katawan at pupunuin ka ng alaala ng Mayo- itong pagmamalupit bilang talababa matapos tuldukan ang nagdaang panahon kaya ingatan mo ako at huwag hayaang bumigwas sa kung anong grabidad ang pumipigil sa iyong pagkawasak sa dilim ng gabing ito- maingat kong kakapain ang kuwintas ng iyong mga kamay. Dadagundong sa iyong paglapit ng manipis mong katawan paluluhurin ka sa altar ng pagtangis at sabay lulunurin ka sa kasalanang ito kaya ingatan mo, huwag ako, kundi ang iyong sarili at humingi ka ng paumanhin pagkatapos.
Hindi na bago sakin ang misteryo ng katawan. Mahuhulog ka sa aking bibig bilang alinsunurang awit. Iyong katawan-sana'y hindi ipaaari kaninoman.
Huwag mong idiin sa akin ang karumihan ng mundo- walang ipaparamdam kundi isang ordinaryong karanasan lamang- malayo ito sa inaasahang tagpo kundi pagnanais ng nananabik na kalamnan.
Higit pa sa ingay ay ang salaulang katahimikan ng dalawang katawan na pumipiglas at nais lumaya sa piitang makasalanan.
Kaya ingatan mo akong mabuti at bigyan ng panuto kung paano kita hahagkan at hahawakan upang hindi mabasag kung malaglag man sa isang mataas na lugar-dahil mayroon pa tayong bukas na ilalaan para sa aking nakakasabik na pantasya.

Friday, December 22, 2017
Topic(s) of this poem: guilt,love,lust
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success