Mahal ko, sana niyaya mo na lang ako ng espadahan
at sinaksak ng daang-libong beses.
Aking irog, sana inimbitahan mo na lang akong makipaghabulan
habang may hawak na daga at punyal.
Giliw ko, sana niyaya mo na lang ako ng baril-barilan
at ang mga bala ay ang aking sariling tula, salita at luha.
Mahal, dapat ay sinuntok mo na lang ang aking mukha
sa halip na dampian ng mga luha at punasan ng mantilla ng dukha.
Irog, dapat ay pinasakan mo na lang ako sa dibdib ng punyal
sa halip na binusalan ng pangako at binusog ng matatamis na salita.
Giliw, dapat ay sinaksak mo na lang ako sa tagiliran ng espada
hanggang sa maligo sa sariling dugo at malunod sa aking mga tula.
Oh sinta, sana ay itinali mo na lang ako sa poste na puro langgam
at pinaghahalikan ng latigo.
Oh irog, dapat ay binusalan mo na lang ang aking labi, posas sa aking kamay at saka iginapos.
Mi querido, sana ay inulit mo na lang ang kasaysayan:
sinalakay at sinunog mo na lang sana ang siyudad ko.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem