Ang punit at tagpi-tagping kumot
Pantalukbong sa kaapihan at pamamaluktot
Ang saksi sa aking mga bangungot.
Ha! Ang limos at awa ay hindi makagamot!
Ang mga titig ay hindi nakasasagot!
Nasaan ang mga magulang lumimot?
Paggising sa tulalang umaga
Agahan ko ay pait at luha
Pero hindi ito gamot sa kalam ng tiyan
Kaya napiliitan dumulog sa makasalanang higaan.
At simula noon ako’y pinagtatawan.
Nagpabilanggo ako sa anghel na bugaw
At ang sariling kahinaan ni makasigaw!
Umiiyak ang mga duguang tala
Sa pagsulpot ng mga bakunawa.
Habang ang lipunan ay tuwang tuwa
Na ako’y nilalait at tinutuya.
Nananangis ang batis at buwan
Habang sila’y nagtatawanan
Pagkat buhay pa nila akong pinaglalamayan.
Kamatayan nga marahil ang hantungan
Ng isang kalapating di makalipad
Kaya naging makasalanan.
Kamatayan nga marahil ang hantungan!
Ng bulaklak na ‘di pinalad
Maialay sa banal na paanan.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem