Kariton Poem by John Paul Ang

Kariton

Nagbabaga ang bawat sibat ng liwanag,
Nakakasilaw ang matingkad na sinag
Hindi natitinag sa kanyang pagdalaw
Ang walang patawad na haring araw.

Nabibilad ang murang katawan sa init,
pawis na umaagos sa bawat paglipas ng saglit
Ang balat na tila'y nasunog sa pagbilad
sa kapal ay para nang naging katad.

Ang mga tuyot na labi na nagbibitak-bitak
Nauuhaw sa bawat metro ng pagtutulak
Mumunting palad na balot na ng kalyo
Talampakan na para nang sa kabayo.

Walang paroroonan, walang pupuntahan
Laging nagmamadali, wala namang tagpuan.
Kariton na basura lang ang laman,
ngunit ang halaga ay pagkain sa hapag-kainan.

Saan paroroon ang mga gomang gulong?
Sa kahit saan tuloy pa rin ang pagsulong,
Ginagalugad lahat ng makitang sulok,
Lahat ng makitang basuraha'y pinapasok.

Paglalakbay na di titigil sa maghapon,
sa paghahanap ng pagkain na pwedeng ipangbaon.
Buhay na inuulit ulit ng panahon,
paghihirap na hirap makaahon.

Paikot-ikot na tadhana,
Wala namang may gusto o may pakana.
Nabuhay ang magulang sa ganoong paraan,
bakit di na lang iwan sa nakaraan?

Ilang libong buhay ang nasadlak sa pagdurusa,
Ilang libong buhay tila'y nawalan ng pag-asa.
Bakit ba may mayaman, bakit ba may mahirap?
Nakita mo ba ang sagot sa inyong pagsulyap?

Ang mga landas ba nati'y nagkakasalubong?
Isa lang ba ang ating pangarap na sinusulong?
Darating ba ang isang pagkakataon,
kung saan wala nang batang mauuhaw at magugutom?

POET'S NOTES ABOUT THE POEM
The hardship of a boy pushing a trash cart
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
John Paul Ang

John Paul Ang

Manila. Philippines
Close
Error Success