No Tags. Poem by haidee blanche

No Tags.

Hindi ako magtataka kung bakit hindi siya naging pula – kahit iyon ang ipinuputok ng kabuuan niya. Hindi ako magtatanong kung paano siya tumagal sa purok na puno ng halu-halong mapanlinlang na kulay dahil lang sa iba’t ibang timpla ng pagpapanggap na nananaig sa mga kasama niya dito.


Lumalabas, mas minahal niya sila. Marahil dahil sa masmahalaga ang mahahabang yugto ng kakanganga sa pakikinig ng mga araling hindi sulit – na nagmanipula sa kaniya sa higit kumulang ____ na taon.

Binulok ng kaniyang mga takdang aralin ang karapatan niya sa diwang masmagpapaligaya sa kaniya gamit ang tunay na laya. Isinugal niya ang lakas at panahon sa paghuhubog ng mga kainutilan at panghuhusga sa ibang tao.

Nauna sila.

Sinasalubong ko siya sa paglingon niya sa nakaraan ng mga katotohanan. Sinasamahan ko siya sa inaalikabok na sulok ng mga kahapong bumuo sa kaluluwa niya. Inaakay ko siya sa lahat ng natitirang saysay sa paligid ng mapagkunwaring mundong pinasok niya ng hindi sinasadya. Pinababalik ko siya.

Sinubok kong talunin ang pinakamalayong agwat na humamon sa amin. Ngunit sinuklian lamang niya ng mapanlimbak na pag-arko ng kaniyang mga labi ang pagkakatihulog ko sa kalaliman – dahil hindi ko na maabot ang ngayon ay naninillaw na SIYA.

Nangangalawang ang lahat ng mga larawan. Nauna sila.

At pinili niya sila. Ngayon, habang pinipilit ko ang sarili na umuwi ng dalampasigan upang mahimasmasan ang mga dagit ng mga buwitre, magiliw siyang bumabalik sa pagpapaliko-liko ng kaniyang dila gamit ang wikang banyaga. Hindi pa rin nalulusaw ang marikit niyang kapasidad na gumuhit ng mga taludtod – nakakapaso at mala-oso.

Ngunit sa kasalukuyan, pinipili niya ang luho ng mga hindi totoo sa mundo. Hindi na niya naririning ang paslit na humahamon sa mga guwardya sa sinehan, habang binibilang sa kaniyang mga mumunting daliri ang edad niya. Hindi na niya naririnig ang gurong bumato ng solido at buong pangalan niya sa ere na siyang nagpa-preno sa pagharurot niya sa pasilyo. At higit sa lahat, hindi na niya naririnig ang kaniyang sarili. Ganun daw talaga siya. Sarado ang isip. Pero minahal siya ng mga pagkakataong dumurog sa akin sapagkat ninais kong lumukso ng malayuan.

Bumubulong pa rin ako sa busina ng mga naguunahang bus na sana umuwi siya sa katotohanan. Nakasaplot siya ng mga kasinungalingan, pagpapanggap, at pagpupumilit sa kasalukuyan. Naninibugho siya sa ilalim ng mga tela ng kaululan – nagbabalik ang lahat na minsang tumiwali sa kaniyang mahunang ulirat.

Ngunit patuloy niyang hinahagkan ang layaw ng mga buod na nagpabaluktot sa kalamnan niya – kapalit ng bawat sugat na hinahakbangan ko para sa kaniya. Pinababalik ko siya.

Bumabalik siya. May binabalikan siya. Gumuguhit ito sa lalamunan ko gabi-gabi. Ngunit hindi tumatagos ang mga berso ko ngayong babalik na siya.

Binulag siya ng tapang na wala sa akin, kundi nasa naninilaw niyang mga yugto. Nakikita ko siyang bumabalik.

Bumabalik na siya – sa pagpapanggap.

July 15,2008

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success