Nag-aapuhap at naghahanap;
Naghahanap ng makakausap;
Makakausap at luluhaan;
Luluhaan ko't masasandalan.
...
Ikaw Na Nga Ba
Nag-aapuhap at naghahanap;
Naghahanap ng makakausap;
Makakausap at luluhaan;
Luluhaan ko't masasandalan.
Sandalang matagal ko nang asam,
Asam na kailan ko makakamtan?
Isang mapagkukunan ng lakas,
Lakas na sa kahinaa'y lunas;
Lunas sa pusong ‘niwang sugatan;
Sugat na dahil sa kabiguan.
Bigo, kaya ngayon ay mag-isa.
Mag-isa namang aaliwin niya.
Sa pangungulila ay kasama;
Kasama maging sa ‘king pagtawa;
Pagtawa na papawi sa lungkot;
Lungkot na sa puso ay bumalot.
Balot naman ngayon ng pag-asa;
Pag-asang sa aki'y kaniyang dala.
‘Sang handang makinig sa ‘king tinig;
Tinig na iba'y ‘di naririnig.
Diringgin ambisyon ko't pangarap;
Pangarap na matupad kong ganap.
Ganap ring makikipagbiruan;
Biruan mang walang kabuluhan.
Isang taong aking malalambing;
Lambing mula sa ‘ki't sa kaniya rin.
Sa kaniya ay aking malalasap;
Malalasap halik niya at yakap.
Yakap at pagmamahal niyang taos,
Taos-pusong sa aki'y hahaplos.
Sa kapahamakaan ay kanlungan;
Kanlungan kung ako'y ‘pagtabuyan.
‘Pagtabuyan man, may ‘sang tanggulan;
Tanggula't sa kagipita‘y nandiyan.
Nandiyan upang ako ay pakinggan;
Papakinggan, hindi huhusgahan.
‘Sang magtutuwid ng aking mali;
Maling gawi—‘di siya kukunsinti.
Kunsintihin ako'y ‘di niya gusto;
Gusto niya'y sa tamang landas ako.
Ako ay kaniyang uunawain, ;
Uunawaing ako'y tao rin.
Sa maliit o malaki'y tapat;
Tapat kahit ‘di ako kaharap.
Kaharap niya tapat na salamin;
Salaming sa lihim ay aamin.
Aaming ‘di nagsisinungaling;
Sinungaling—kapuwa ayaw namin.
Isang sa ‘ki'y magpapahalaga;
Halagang ‘di madama sa iba.
Iba sa ibang ‘di ako tanggap;
Tanggap niya ako't ‘di mapaghanap.
Hanap niya mga kakayahan ko;
Kakayahan; ‘di kahinaan ko.
Mamahalin ako bilang ako,
Ako't ang buo kong pagkatao.
Pagkataong hirap tanging angkin;
Kung angkini'y magiging pasanin.
Pasanin—hindi niya ituturing;
Ituturing niyang ‘sang yamang-angkin.
Hinahanap ko bang iyo'y Ikaw,
Ikaw na Maylalang ang nagbigay,
Binigay upang sa ‘ki'y dumamay,
Dumamay at na magbigay-kulay,
Magbigay-kulay at maging tanglaw,
Tanglaw sa iniwanan ng ilaw?