A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 4) Poem by opium lestre

A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 4)



'My first day in High School'
'On my first day in my first year, I was so nervous. My first friend in first year is Ronald Gonzaga. The first time we talked on the first day was on our first period...'
Naliligo sa 'first'. 'Yan ang composition ng kuya kong ex-kilabot ng Nutri Bun. Formal theme writing activity nila 'yan sa English I. Sumakit ang tiyan naming magkakapatid sa katatawa nang una naming mabasa ang masterpiece n'ya.
Pero ako, hindi comedy ang first day ko sa high school.
Ibang-iba ang high school kumpara sa elementary, na-culture shock ako! Halata sa itsura ng mga estudyante na may kay sila sa buhay, di tulad ng karamihan sa mga classmates ko sa public school na kung di ako nagkakamali e huminto na sa pag-aaral pagkatapos ng graduation.
Iba-iba ang itsura ng mga nasa high school. Merong isang tingin pa lang alam mo kaagad na bobo. Merong mga geek na mukhang kabisado ang buong Periodic Table of Elements. Merong mga magaganda na mukhang model ng Johnson's face powder. Merong mga tambak ng tigidig ang mukha, akala mo tigyawat na tinubuan ng pisngi. Merong mga palangiti na halatang tatakbo sa Student Council. At meron din namang mga snob na akala mo anak ng mag-asawang congressman at mayor.
Iba rin ang mga teacher. Marami ang bata pa at mukhang hindi kumakain ng Nutri Bun. Iba ang classrooms, di hamak na matibay-tibay sa room namin nung Grade 3 na tinirador ng bagyo. Iba ang facilities, mukhang functional 'yung library at restrooms. Iba ang atmosphere. Iba ang high school.

Sa elementary, may subject na Good Manners and Right Conduct para magturo ng kabutihang asal. Sa high school, may School Regulations and Rules of Conduct para magturo sa mga walang natutunan.
Bawal ang cheating, forgery, vandalism, at offensive behavior.
Bawal ang gambling, physical abuse, defamation, at indecent conduct.
Bawal ang theft and damage to school property.
Bawal ang sigarilyo, alcohol, drugs, and possession of weapons.
Kailangan ang attendance and punctuality sa klase at flag ceremony.
Kailangan ang haircut, uniform, at I.D.
May set of rules para sa absences, school uniform, at tests & examinations. Meron din para sa flag ceremony, sa comfort room, sa canteen, sa library, sa clinic, sa school grounds, sa loob ng classroom, at maging sa labas ng eskuwelahan kung may inter-school activities.
Bawat offense may penalty: reprimand, civic action,3-day suspension,5-day suspension, dismissal, automatic failure, at disqualification para sa honor students.
Sabi ni Grant Gilmore, 'The better the society, the less law there will be. In heaven there will be no law...in hell there will be nothing but law, and due process will be meticulously observed.'
Hell ang high school.
Cool.

Bukod sa bata pa ang grade schoolers, kadalasan e wala ring malapit na shopping mall sa eskuwelahan nila kaya hindi uso ang lakwatsa. Kaya nung high school, nilasap ko kaagad ang sarap ng paglalakwatsa, na naglasang trahedya.
Kasama ko noon ang isang classmate, si 'Ulo' kung tawagin ng iba naming kaklase dahil medyo pandak at may kalakihan ang ulo, hawig nung character sa comics. Sabay kami lagi umuwi. Pero isang beses naisip namin dumaan muna sa isang department store. Kung sino sa amin ang may pakana, hindi ko na maalala.
Siguro kahit anong disguise ang gawin namin dati para magmukhang 'grown-ups', halata pa ring first year students kami dahil sa parte ng department store na pinuntahan namin: Toy Section. Habang pinipilit kong maging pormal, si Ulo naman e sigaw nang sigaw ng 'WOOOWW! ' sa bawat laruang nakikita n'ya. Kulang n'ya na lang e lobo at lollipop.
Buo na sana ang araw ng kasama kong musmos kung hindi bumagsak 'yung laruang truck sa likuran namin.
'PAAAGH! '
Isa lang ang pumasok sa isip ko. Lagot!
May damage. Half-inch 'yung basag sa funnel nung laruang cement mixer construction truck. Nilapitan kaagad kami ng saleslady...AT DINALA SA MANAGER. Lagot! In-escort kami hanggang sa basement ng building kung saan nagpapahinga ang ibang empleyado. Doon alam ko isa lang ang nasa isip ng mga nakakita sa amin. Shoplifter. Naka-school uniform pa naman kami. Lagot!
Tahimik ako habang nangyayari ang lahat. Denial stage. Pinipilit kong magkaroon ng out of body experience. Si Ulo - hyper, optimistic, upbeat, high. Nakatingin ako sa kalendaryo sa opisina ng manager. July 8. Birthday ng nanay ko. Habang naghahanda ang mga kapatid ko sa bahay, nakapiit ako sa Office of the Manager. July 8. Wala pa 'kong isang buwan sa high school. Habang busy pa sa pagpapa-impress ang mga estudyante sa teachers at classmates nila, ako eto, depressed na at suicidal.
Nagkasundo si Ulo at ang manager, babayaran ang pesteng truck. Pero dahil wala kaming pera, naisip ni Ulo na puntahan ang adviser namin. Ipinaiwan ng manager ang school bags namin bilang collateral.
Pagbalik namin ng campus, wala na si ma'am. Pero hindi nawalan ng pag-asa si Ulo na hyper, optimistic, upbeat, at high pa rin noong mga oras na 'yon. Hanga ako. Nilusob namin ang walking distance na bahay ng adviser namin. At pagdating doon, si Ulo ay biglang suminghot, umiyak, ngumawa, at humagulgol. Umamin din na may umagaw ng lollipop at pumutok ng lobo n'ya.
Pumutok ang butsi ng adviser ko at ipinagtanggol kami sa manager. Nagkabayaran at natapos din ang lahat. Tapos na sana ang sakuna kaso pumutok din ang balita sa eskwelahan kinabukasan. Inilahad ng adviser namin sa buong klase ang kuwento namin ni Ulo na may pamagat na 'Huwag Ninyo Tularan...'

Kung sa elementary e nagbabago ang itsura ng mga estudyante, lalo naman sa highschool. Asar. Public enemy number 1 ang tigyawat. Nakakahiya 'yung malalaking pigsawat (combined force ng pigsa at tigyawat) na pag dumapo sa mukha mo e talagang nagsusumigaw ng 'TIGYAWAT AKO! TIGYAWAT AKO! BWAHAHAHAHA! ! ! ! ! ! ' Dyahe, lalo na 'yung acne na nagbubutas-butas ng mukha na pag nilagyan mo ng ketchup e pwede ka na sa Night of the Living Dead. Isabay mo pa d'yan ang baduy na uniform, prescribed 3x4 haricut, at boses na piyok nang piyok. Pilit kang pinagmumukhang pangit sa edad na pilit kang nagpapa-cute.
Nung Third Year ako, pati mga classmates kong lalaki laging may dalang salamin sa bulsa. Routine na nila ang basain ang labi, magsuklay, at tumingin sa salamin bawat limang minuto. Iisipin mong may barkong nag-oil spill sa ulo nila sa dami ng langis na nilalagay sa buhok para magmukhang New Wave. Kahit nagle-lesson ang teacher, tingin pa rin sila nang tingin sa salamin, walang pakialam. Nang minsang napuwing ako at humiram ng salamin, ako pa ang natsambahan ng geometry teacher. ''Yang salamin na 'yan, babasagin ko na 'yan! ' Sumakit ang tiyan ng buong klase sa kapipigil ng tawa. Wrong timing daw ako mapuwing.
Matindi ang mga high school, hari ng asaran. May classmate kami dati na binansagang 'putok' dahil sa body odor nito. Mabait at matalino s'ya, pero tuwing nagre-recite s'ya e maririnig mo ang mga classmate namin na parang mga palaka, kokak nang kokak ng 'Poo-tok...Poo-tok...Poo-tok...'
Hindi rin mawawala ang mga biruang 'Bagay kayo ni ________' kung saan ipa-partner ka sa pinakapangit sa section n'yo. May naging classmate akong babae dati na pinangalanang 'beastfighter'. Isipin mo na lang kung anong itsura n'ya.
Pero tulad ng mga campus crush, hindi rin mawawala ang mga beastfighters sa history at Who's Who ng bawat batch. Isama mo na d'yan ang tatlong ginintuang aral sa high school: ang suklay, salamin, at deodorant.

Minsan ding nawala ang pagka-japorms ng section namin. Lumabas din kaming kahiya-hiya nang nagpulot kami ng notebooks sa harap ng high school building. Paano napunta doon ang notebooks namin? Inihagis ng Filipino teacher sa bintana mula third floor.
Quarterly submission noon ng notebooks. Titingnan kung nakumpleto namin ang chapter summaries ng Noli Me Tangere. Marami ang nag-cram. On the spot gumawa ng summaries.
Nagbilang ang teacher. Dapat nang ipatong ang mga notebook sa mesa n'ya. Sumunod naman ang buong klase. Ipinasa ang mga notebooks sa harapan, kahit na ilan dito e walang laman at marami ang incomplete. Ayos. Bahala na.
'Wala nang magdadagdag dito, ' sabi ng teacher, sabay labas ng room.
Pagkatapos ng limang segundo, na-defroze ang buong section. Sabay-sabay na nagtakbuhan sa teacher's desk at kanya-kanyang bawi ng notebook para dagdagan ang laman. Nagkagulo. Parang mga Gremlins na nabasa ng tubig.
Bumalik ang teacher makalipas ang labinlimang minuto. Dahil may look-out, naisauli na ulit ang mga notebook sa mesa pagdating n'ya at payapa na ulit ang buong kwarto. Hindi halata. Muntik na kaming makalusot.
'Bakit tumaas ito? ' napansin n'yang nag-iba ang ayos ng pile ng notebooks. 'Sinong nagdagdag? '
Kinabahan ang buong klase. Dahil nagkanya-kanya, hindi na rin namin masabi kung may nagdagdag nga ng notebook at kung sino. At kung meron man, wala na rin kaming magagawa, sabit-sabit na ang buong section.
'Bibilang ako ng tatlo, walang aamin? ' Mainit talaga ang ulo ng teacher namin. Delayed yata ang sweldo. 'Isa...dalawa...'
Walang umaamin. Walang humihinga.
'Tatlo! '
Walang ano-ano'y kinuha ng teacher ang lahat ng notebooks namin at pinalipad sa bintana, ginawang confetti sa Ayala.
'Yan ang Filipino 3. Natutunan ko ang Noli Me Tangere at nakilala si Padre Damaso.

Dahil napag-aralan ko ang oppression ng mga Kastila at ang katapangan ni Ibarra sa nobela ni Rizal, ginamit ko ito sa mapangmatang teacher namin ng Public Speaking and Debate.
Magaling ang teacher ko pagdating sa History at Literature. Isang speaker at philosopher. Sa Tagalog pilosopo. Paiikut-ikutin ka sa discussion at pag hilo ka na, sisipain ka. Mahilig s'yang mag-quote ng passages sa iba't-ibang libro, kasama na ang Bible, at pag humirit e parang kabatak n'ya lang si William Shakespeare.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote ko at naisipan ko s'yang barahin minsan. Siguro dahil hindi ko na matiis ang istilo n'ya sa klase, sa kalagitnaan ng discussion bigla ko s'yang tinanong tungkol sa bukambibig niyang verse sa Bible.
'Sir, in which book of the Bible can we see that verse? ' Napatigil ang buong section.
'I'm sorry? ' napatigil ang teacher.
'In which book of the Bible can we see that verse? ' napatigil ako. Alam na ng mga classmate ko na naghahanap ako ng away. Takot sila at gusto na nilang sabihing, 'Sir, patawarin n'yo po s'ya, hindi n'ya alam ang kanyang ginagawa! ' Hindi nila akalain na gagawa ako ng ganon. Hindi ko rin akalain.
Pero magaling ang pilosopong guro. Dahil hindi n'ya alam ang sagot, hindi n'ya sineryoso ang tanong ko, nagmukhang tanga si David dahil hindi s'ya pinatulan ni Goliath. Pinaikot-ikot lang ulit ng guro ang bobong klase at nang mahilo sila, ako ang sinipa. Pagdating ng recess, isa-isang lumapit sa 'king ang mga classmates ko at nag-abuloy ng 'Ikaw kasi eh! '
Pero round one lang 'yon. Di nagtagal, nagkaroon pa kami ng re-match. Hindi ako mahilig sa debate. Hindi ako gago at palaban. Pero 'yan ang naging tingin sa 'kin ng klase dahil hindi ako sumasakay sa tsubibo ng teacher namin. Hindi ko ibinibigay sa kanya ang mga inaasahan niyang reaction galing sa audience.
Minsan tinanong n'ya kami isa-isa kung pabor kami sa divorce. Pagdating sa 'kin, sabi ko hindi, sabay quote sa Bible.
'Kahit na iniiputan ka na sa ulo ng asawa mo? ? ? ' tanong n'ya na parang patuon kay Forrest Gump.
'Yes, sir. I stand by the word of God, sir.' sagot ko, na parang si Forrest Gump.
Wala akong argumento noong araw na 'yon, trip ko lang sumalungat sa kung ano man ang opinyon ng magaling kong teacher. Tumawa lang s'ya nang tumawa, wala akong reaksyon. Ganito kami buong taon. Pero katapus-tapusan, nagkasawaan din. Dahil hindi na n'ya binabalahura ang klase namin, napatawad ko s'ya. Dahil ayos naman ako sa klase at hindi ko na s'ya kinukuwestiyon, napatawad n'ya ako.
Nagkaunawaan rin kami ng teacher ko sa Public Speaking. 'Yun siguro ang gusto niyang iturong 'eloquence'.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success