Abandonado Poem by Makatang di kilala

Abandonado

At nakita sa likuran kagustuhang tinabunan
Humihiling na sana'y matulungang hilamusan
Nang matanggal ang putik at kaguluhang binalutan
Ng kapabayaan at sa nakaraan ay iniwan

Kagustuhang nilisan
Naturuang isipan
Nasubukang pigilan

Ngunit bakit ka bumabalik?
Sa abala kong buhay ika'y humahalik
Nadarama ang paulit-ulit na sumasakit
Na kirot sa damdamin habang lumalapit
Dahil sa nilimot, hinayaang magkalumot
Binalewala ang lungkot kaya sige mamaluktot
Sa sakit, ng kanyang pagbabalik
‘Di ba kaya na iwasan ang nakaaakit
Na iyong pangarap na di mo maharap
O di lang naharap dahil ba sa hirap
O sadyang di ka lang talaga nagsikap?

Ngunit bakit naman naniningil nang labis labis
Ang resulta'y pag agos ng luhang waring batis
Minithi'y di na maalis kaya't dala ay hinagpis
Di birong pagtitiis sa pagpipigil ng pagnanais

Ngunit di ba mapigilan ang ninais hadlangan
Kaniyang kahilingan yong balikan ang nasaktan
Na iyong pangarap na di mo nahanap
Sa kasalukuyang piniling daanan

Natatandaang parang inalisan ng karapatan
Minithi sa nakaraan di napahalagahan
Ngunit ngayon heto na sya
Ang nagbalik pero naiba
Di na yung dating mahina
Mas malakas saking nasira
Na naron sa pagkabata
Ang nilikhang mga kataga
Na mas lumakas nang sa hukay lumabas
Balewala ang hampas ng ginawa kong batas
Sa kahapo'y tumakas di umatras sa dahas
Na kanyang natamo sa ngayong pagkatao ng dating ako

Ngunit sa totoo ako'y nalilito nang magpasaklolo
Marahil mali nga to
Maling pahirapan ang sarili
Pero dapat ika'y mamili
Mali bang talikuran ang minithi
Dahil sa tunguhin na pinili
O mali bang talikuran ang kasalukuyan
Para balikan nakaraang kagustuhan?

Naturuang isipan
Nasubukang pigilan
Kagustuhang nilisan
Na ngayo'y nagbabalik
Tahimik na naghahasik ng matitinik na tugmaang nasasabik na sa labiy humalik

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success