Bakla Ako! Poem by STEVEN FRED JIMENEZ

Bakla Ako!

Bakla ako,
At nandito ako sa harapan ninyo
Upang magkwento ng buhay at karanasan ko.
Na baka buhay at karanasan din ng ibang tulad ko.

Bakla ako?
Malamya at hindi kasing-tigas gumalaw tulad ng tipikal na mga kalalakihan.
Mas pinili ang manika kaysa baril-barilan.
Mas pinangarap na maging si Darna at Wonderwoman kaysa maging si Batman o kaya ay si Superman.
At nagsusuot ng pink na blouse at palda kaysa asul na tshirt at maong na pantalon na nakatago lang sa baul at baka nga itapon ko na sa basurahan.

Bakla ako?
Trip ko si Bloom ng Winx Club kaysa Red Ranger ng Power Ranger.
Bihira maglaro ng tumbang-preso at sundalo at mas hilig ang ten-twenty at chinese garter.
Nalaro na din ang B-E-A-M plus smile at nanay tatay.
Kaya ang kadalasang reaksyon noong ako'y bata pa ay, 'Bakla si inday! '

Bakla na siguro ako?
Tinitirintas ang buhok ni nene,
At noon ay takot na ako ay matuli.
Pero hindi ako supot.
Huwag kayong maniniwala sa bansag ni totoy dahil kasama ko siya nang pumunta kami kay Mang Karding para magpatuli at bakas sa mukha niya noon ang takot.
Nakakatawa ‘di ba pero yun ang totoo.
Pero bakit mas lumalabas na ako ang bahag ang buntot kapag naririnig ko ang kanilang kwento?

Bakla yata talaga ako.
Ayaw ng gulo kaya umiiwas sa suntukan.
Kaya laging biktima ng bullying sa eskwelahan.
Laging kinukutya, laging sinasaktan at pinagtatawanan.
Kaya madalas mo akong makita sa sulok, luhaan.
Tistigo sa pag-iyak na nauwi sa ngawa ang aming tahanan.

'Bakla! Bakla! Bakla! '
Lagi kong naririnig sa bibig nila.
'Bakla! Bakla! Bakla! '
Tinulak ko sila at sumagot ng, 'Hindi nga ako bakla! '
Dumilim ang paningin ng kaklase ko na nagdulot sa akin ng takot.
Hindi na nagawa pang tumakbo kaya black eye ang inabot.

Umuwi ako sa bahay
Buti't wala si itay.
Siguro sa ngayon, ako'y nagtagumpay na maitago ang black eye.
Pero alam kong hindi ko ito maitatago sa mapanuring mata ni inay.
Kaya nang nakita niya ako ay naluluhang nagtanong ng, 'Napano ka? ! Sinong may gawa nito? ! '
Ngumiti lang ako at sumagot, 'Nabunggo lang po. Wala po ito.'

Si itay ay pangarap na ako'y magsundalo.
Pero tumaggi ako at sinabing, 'Pangarap ko ay sa parlor po.'
Nagalit at kinuha ang sinturon na nakasabit sa dingding.
Isa, dalawa, tatlong hampas at malakas kong pag-iyak ang iyong sunod na maririnig.

Nagkulong ako sa silid,
At doon ay binigyan ang sariling mag-isip-isip.
Sa pagmumuni-muni ay sumagi
Na bakit bago ka pa makapagpaliwanag ay binibigyan na agad nila ng konklusyon.
Na bakit napakadaling humusga kaysa kilalanin kung sino nga ba talaga ang isang tao.
Alam ko sa sarili ko na lalaki ako.
Pero sabi ng lipunan ay bakla ako kaya naging ganito ako.
Sabi nilang salot ang maging ganito.
Pero sagot ko naman ay hindi ba't mas salot kayong maituturing dahil kayo ang rason ng pagiging ganito ko?
Tao ako pero tao nga ba ako sa mga mata ninyo?
O baka naman tingin ninyo sa akin ay alien kasi hirap kayong ibigay sa akin ang salitang respeto.
Kaya kung ayaw ninyong lumaganap ang 'salot' na tulad ko.
Makitid na pag-iisip ay simulan ninyong baguhin.
Kailangan pa ba namin kayong patawahin para kami ay mahalin?
O maging matalino at gumradweyt ng may honor para lang inyong pansinin?
Siguro sapat na ang pagiging tao ko para inyong respetuhin.
Dahil napakasaya di bang mabuhay ng walang ilangan at away sa pagitan natin.

Bakla ako.
Tanggap ko na ganito ako
At salamat sa inyo.
Narito ako sa harapan ninyo
Upang magkwento,
Ng buhay ko at karanasan ko
Na baka buhay at karanasan din ng ibang tulad ko.
At wawakasan ko ang pagtatanghal na ito ng katagang, 'Respeto ang hangad ko, na taong tulad ninyo.'

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success