Parang kailan lang masaya tayong nagsasama
Kapiling ang supling na bunga ng ating wagas na pagsinta
Pag-asa at sigla laging dulot niya
Magandang kinabukasan ang pangarap natin sa kanya
Ngunit ang tukso’y biglang dumating
Nabulag ka ng isang dalagang mahinhin
Kaya’t di mo na kami napapansin
Di nagtagal di ka na nangiming kami’y lisanin
Bagamat ako’y nangulila at nasaktan
Hindi ko kinalimutan ang ating naging sumpaan
kahit maraming nanuyo sa damdaming iyong sinugatan
Ika’y hindi nawaglit sa aking puso’t isipan
Kay hirap tanggapin na ako’y tuluyang nalamangan
Sapagkat walo sila na bunga ng inyong kataksilan
Siya mo ring kinalinga at pinaglingkuran
Ang sa atin ay isa lang, na iyo pang kinaligtaan
Gayon paman dahil sa pagsisikap at pagtitiis ko
Ang supling na iyong nilimot ngayo’y maipagmamalaki mo
Pambihirang dunong at karangalang ibinahagi niya sa iyo
Hindi maitatakwa nasa dami nila, siya ang may namana sayo
Sa ating pagtanda ang naging dasal ko lamang
Ay ang pagkakataong magkausap tayo ng sarilinan
Subalit sadyang mapaglaro ang ating kapalaran
Ika’y biglang namaalam nang di man lang tayo nagkapatawaran
Napakasakit pagkat di man lang nasambit ng harapan
Na ang pag-big ko’y sayo lang inilaan
Sa takdang panahon na ako’y paroroon sayong kandungan
Mapatutunayan kong ang aking pag suyo ay hanggang libingan
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem