Sa pag-apaw ng kadiliman, nagsasabog
ng katahimikan ang mapayapang mundo,
dadagundong ang bawat paghinga,
mabibingi sa bawat pagyapak ng oras,
at ang mga bulong ng kuliglig,
magiging sigaw na magtatawag muli,
sa mga alaalang akala mo'y matagal nang
naisuksok,
sa pagitan ng tamis at pait ng panahon,
kayâ ipipikit mo na lamang
ang iyong mga mata,
susubukang manalangin,
sapagkat hindi na maaampat,
ang lumalalim pang
dilim,
ngunit lumalakas ang pagkanta
ng marahas na hangin,
maaantala ang dasal,
at hahayaang makumutan
ng mga tanong at ‘sana, '
sa iyong isip, sabay-sabay na sumasayaw
ang mga nagdaang sandali,
sinasamahan ng mga dating ngiti
na madalas umaalingawngaw ng pag-ibig at ligaya,
at bigla-bigla,
ika'y maluluha't itatanong sa sarili,
'Paanong nandito ako
subalit, napakalayo? '
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem