Huling Pagsapit` Poem by Ocean MisT

Huling Pagsapit`

Luntiang pag-ibig sa aking paningin
Binalot ng lihim, kinuyom ng lagim
Ano man ang ganda ay napaparam din
Pagka pinanahan ng poot at talim.

Ano man ang lakas, ano man ang kisig
Lalambot ang tuhod, hihina ang bisig
Pagkatok sa langit sa huling pagsapit
Lahat mauupos sa abo babalik.

Hindi sapat mga yaman at salapi
Di kayang tugunan ang tirang sandali
Sandaling panahon nating nalalabi
Upang iwasto ang lahat nating mali.

Damdaming salanta, kaluluwang tigang
Ang bunga ng mga panahong sinayang
Ating punan bawat nating pagkukulang
Bago tayo’y hagkan ng katahimikan.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success