Ikaw At Ang Ulan Poem by Avery Eglantine

Ikaw At Ang Ulan

Sa karimlan ng gabi
Mga bitui'y sa langit nakahabi
Sa katagalan, karimlan ay lubos na
ako'y namulat sa tunay na hiwaga
Ang init sa lupa'y umaalingasaw
Buhat pa ng mga isipang mababaw
Saan man lumingon, walang matatanaw
anu mang pakinig, walang umaatingaw
maya pa't nasagap ng tengang kawali
Gabutil, gapatak ng tubig sa atip
Hayan na't sunod-sunod at dumarami
Malamig na simoy ng hangi'y kalakip
Ulan! Ang ula'y Narito na!
Lulan ay tuwa pagkat ika'y naalala
ngingiti, ngingisi tila 'sang baliw
Bubulong 'sana pagtingi'y di magmaliw'

Ang lagaslas ng hangi'y tila may sinasambit
Dala'y lunas, pinapawi ang sa puso'y sakit
Ang pag-agos ng nalikom nitong patak
tiyak ay butil ng luhang iniyak
Ang damdami'y may gusot, di-mawari
Sumilay sa bugso ng ulan
Nakakintal sa isipang mapili
ito'y simulan at h'wag wak'san
Sa dungang labis-labis na ang lulan
Di mawaglit-waglit sa isip ang dilag
ibig kahit saglit ang mukha'y masilayan
bago pa man tuluyang masiraa'y nahabag!
Sa litong isip biglaa'y sumagi
bakit mensahe'y di iparating
isinulat, madaling-madali
humaba na sa pagkahumaling
Mensaheng tila wala katapusan
Walang salitang tugma sa damdamin
ng basahin ang tugong tipan
Muntik sumama sa ihip ng hangin

Sana'y iyong damhin
ang haplos ng malamig na hangin
Ang tila ingay sa simula
Na sa paglao'y musika
Ang bawat patak
na may mensaheng nais sabihin
Tila kinakatok
ang nakakubling damdamin..

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success