Larawan Poem by Gianni Pansensoy

Larawan

sa isang lumang bintanang yari sa ipil-ipil,

nakadungaw,

balisa’t katinua’y naiinip,

lulundag-lundag,

ang bawat hibla ng buhok:

Sumasayaw sa alinduyong ng hangin,

tanging kasama:

Dalawang tasang kapeng barako,

limang stick ng sigarilyong naa-abo,

binabasa ang luma’t kupas na librong

'Hundred Years Of Solitude',

bawat pahina’y punit - punit na,

mga lamok na tila’y hindi nahihilo sa masangsang na amoy ng katol,

panay kagat sa aking binti,

kung ilang kandila na rin ang naupod,

sa banaag ng buwan,

buong magdamag,

pag-dating mo ay aking hinihintay.

Habang nginunguya ang bubot na bunga ng bayabas,

katawa’y nanginginig,

hindi dahil sa mala-yelong hampas ng hangin,

kung hindi ay dahil sa puso kong nag-iisa,

nagmumuni-muni,

sana’y napagmasdan mo ang larawang iginuhit ng emosyon

kong umi-ibig ng tunay,

kung iyong masuri,

hawak kamay,

tayong dalawa’y dinuduyan ng bahag-hari,

sa likuran nati’y nag-aasul na tubig ng talon,

mga gintong tutubing nakapatong sa mga perlas,

at mga berdeng bulaklak.

Maigi’y iyong tingnan,

bawat pigura’y inukit ng silakbo ng aking pag-ibig,

mga galaw ng brutsa’y may bahid ng nagbabaga kong damdamin,

at ang tinta’y lumalapot sa tindi ng aking pagmamahal sa iyo.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success