Limang Yugto Ng Pagdadalamhati Poem by Lexie Sulio

Limang Yugto Ng Pagdadalamhati

Sa bawat sulyap, ang puso'y tumitibok,
Parang isang himig, malambing, malumanay
Tila isip ayaw maniwala sa tunog
Na sa 'yong presensya, ako'y nabubuhay.

Bakit ba ako'y laging natutulala,
Bakit ba ang puso ko'y puno ng kaba?
Sa iyong mga ngiti, init ay dama,
Ngunit natatakot, di makapagsalita.

Kung kaya ko lang, nais kong ipahayag,
Lahat ng damdamin, sa'yo sana itawag.
Ngunit lakas-loob ay 'di ko mahagilap,
Sa tuwing nariyan ka, puso'y nalalaglag.

Sa bawat araw, lungkot ay lumalim,
Tulad ng simponya, madilim ang awit.
Pusong nasaktan, tila laging alipin,
Sa 'di masambit na pag-ibig na langit.

Siguro nga'y hibang lang itong isip,
Pag-ibig na walang sagot, tila bitin.
Ngunit sa'yo, ako'y laging nasisilip,
Nahulog na nga ba ang aking damdamin?

Sa pagtalikod, puso'y lumuluha
Ngunit di kayang layuan ang tuwa.
Pag-ibig na ito'y hindi nga humupa,
Tunay na damdamin, tapat at dakila.

Dito na nagtatapos ang kwento natin
Nagtatapos man, ngunit di lilimutin.
Sa puso ko'y patuloy nag aawitan,
Pag-ibig na di masambit, at walang hanggan.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success