Nais Poem by Kc Cabauatan

Nais

may nais akong malaman mo;
nawa, katanggap-tanggap ito sa iyo.
ikaw ang sibol na nagpapabaga muli
ng puso kong unti-unting
nagiging abo;
sa ngiti mo lang, naging marupok
ang pusong naging bato.

iniirog kita.
sa lilim ng mga anino,
hinahangaan kita ng patago.
nais kong ipagsigawan,
ang deklarasyon ng pagsinta.
subalit ako'y nabalot ng hiya
at pangamba.
minsan na akong umibig,
ngunit ito'y binalewala -
mas nanaisin ko pang umasa sa wala,
kaysa saktan ka, (ay sana di ko magawa) .

panalangin ko nawa;
sana, balang araw, pag ibig ko sa iyo,
iyo'y bigyang pansin.
kung maari man sana,
kung tayo'y handa na;
tanggap mo puso kong matagal nang
naghilom sa mga sugat ng nakaraan.
kahit di ko maipangako ang lahat,
mamahalin kita hanggang sa ating pagtanda.

Wednesday, July 26, 2017
Topic(s) of this poem: love and dreams
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success