23: 25 03/27/2009
Pag-ibig at Paninimdim
Paano ginuguhit ng isang makata, ang mapait na milya sa pagitan,
Ng dalawang taong Umiibig At Naninimdim
Ang mga salitang kanyang binibigkas...
Aking patuloy na aarukin-
Gamit ba ang mga aninong larawan, ng silid na walang laman, na yapos ng
pag-iisa,
Pag-iisa sa pinakamalim na sulok ng katahimikan, anupa't nilimot na ng panahon,
O ang paglalarawan... sa pag-iral ng hangin ng dalamhati, na kanyang
kinabubuhay, at
nilalanghap ng buong kapaitan
O ang maulap na kalangitan na tumatangis, habang nasasaksihan ang kanyang puso,
tumitibok, ngunit tigib sa luha at matinding kadiliman
tila nawasak, sa pagyeyelo ng nakaraan
Paano nga ba isinasalin ng isang makata, ang kanyang mga litanya ng
saloobin gamit ang mga salita?
Kung ang binhi ng pagkabigo at hapdi ng di nasambit na pag-ibig, ay tuluyan
nang yumabong,
Hapis na di mailalarawan, ni maipipinta man ay gumuho na't di naglalaho,
Pagka't itong mga paggiliw at pag-asam, ay di kaylanman nabigkas, at naiwan sa
pusong tikom
Paano nga ba ang pagsakop, sa mapait na milya na naghihiwalay,
Sa Pag-ibig at Paninimdim
Kanya bang pilit na hinahaplos o pinakakaingatan ang di lumipas na pag-ibig
O ang mga ala-ala'y hinahagkan, o di kaya'y pinapanood lamang ang ningning,
ng mga aninong, sumasapit at lumilisan...
Siya ba'y nagsusumamo, upang sila'y manatili pang sandali man lamang,
Sa panahong mas nais nilang takasan ang pagkakataon
Kanya bang minamasdan ang sarili, kung paano siya iniiwan,
At hinahayaang ipakita ang mga pagbabalat-kayo at kamanhiran
Sambit ba ng kanyang mga labi, na Hindi Kita Mahal
Gaya ng pagkukunwari ng mga mata, sa mga luha niyang nililiyag
Sa sandaling minamasdan niya, ang hapdi ng kanilang paglayo
Wari'y di alintala and sakit, na bitiwan ang mga luhang lubos niyang minahal,
At buong higpit na hinawakan, sa mga dekadang hindi mabibilang
Pinanonood lamang, ang pagtulo, at pag agos, at pagdaloy,
Nalulunod sa tubig at litanya ng pagsisisi, habang minamasdan sila
Siya, matang, nagpupuyos ang kalooban sa bawat pagkurap, upang hayaan
ang mga luhang kanyang minahal, na umagos nang patuloy, at walang paglingon sa
nakaraan
Pagpatak, pagkahulog, pag-agos -
Pagdaloy, ng panghihinayang... sa Dakilang Komedya ng Pananahimik at
Kasinungalingan
Na ang mga luhang hinayaan niyang mahulog sa bangin ng poot at paglimot, ay-
Di niya minahal kailanman
Paano pa ba, binibigyang diwa ng isang makata, ang Pagmamahal?
Na nag-uugnay, sa taong patuloy na Umiibig at Nasasaktan
O kung gaano kapait ang dulot ng umibig, magtago at maiwan,
Kung ang tanging pag-ibig, ay lipos ng paglilihim,
natikom, nagtago, sa pinakamatapat na rosas ng katahimikan
Siya'y iningatan, mula sa paglalambing ng gabi
Pinagmamanhid, kinukubli, mula sa apoy ng umiibig na liwanag
Manhid- nagkukunwaring manhid
Sa kabila ng paulit ulit na bulong ng puso sa kanyang pandama
Walang naririnig- nagkukunwaring bingi, sa pagdampi ng hangin sa
kanyang pandinig
Paano ba?
Ipinahahayag sa pagsulat ng isang makata, ang pagmamahal,
Sa pagitan ng Pag-ibig at Paninimdim
Kung ang siyang pag-ibig ay bilanggo sa panulat at damdamin.
1: 11 03/28/2009
-Naninimdim-
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem