! ! ! Bugso Ng Ulan Poem by Inner Whispers

! ! ! Bugso Ng Ulan

Pilyong hangin…
tampal-tampal ako sa pisngi
malamig
ngunit may dalang buhanging mumunti
nakakapuwing…

Tapat na pagmamahal kaya ang hatid
O nagbabadya ng panganib?
Uulan kaya
O pinaglalaruan lang
ang hindi ko mawaring pakiramdam?

Ramdam ko ang masidhing pag-ibig mo
sa mga katagang binitawan mo
subalit natakot ako
ikaw ba'y minamahal ding totoo?

Dalawampung taon
wika mo'y natagpuan mo na
muli mong naramdaman
pagmamahal na inaasam…

Ah, hangin ay humupa na
ulan naman ang pumalit, bumuhos sa pagpatak
nabasa na ang tuyong lupa
at sumilong na sa wakas ang aking pagkabalisa.

Ingat ka, kaibigan
sa bugso ng ulan
minsa'y marahan
kapagdaka'y maaaring lunurin ka ng tuluyan.

Sa aking bintana
hayun at tanaw ko
silhueto ng magkasintahan
sa iisang payong magkasabay...

Ngumiti ako, sabay ng usal
nawa'y ang kaibigan ko'y
makauwi ng payapa at ligtas...
Ingat, kaibigan...sa bugso ng ulan!

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success