Hanggang Saan Aabot Ang Salitang Una? Poem by Joana Marie Ferry

Hanggang Saan Aabot Ang Salitang Una?

Rating: 5.0

Ang salitang una, sa lahat ng mga salita, ito ang pinakamasaya at pwede ring pinakamalungkot,
Unang ngiti sa umaga at unang luha sa gabi,
Unang tagsibol ng pag-asa hanggang sa unang tagtuyot ng pangako,
Unang pagbulong sa langit hanggang sa unang pagsigaw ng todo,
Unang pagyakap, unang paghalik at unang pag-ngiti hanggang sa mauwi ito sa unang pag-sigaw, unang pag-ayaw hanggang sa unang pag-bitiw,
Ikaw? Hanggang saan aabot ang salitang una mo? O hanggang sa ala-ala nalang ito?

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paano tayo unang nagkita at nagkakilala,
Nagkukumpulan ang mga bituin sa langit upang ikaw ay makita.
Unang ihip ng hangin noong ika'y dumating ay naging kakaiba pero
mas nag-iba ang ihip ng hangin noong ikaw ay aking nakasama at nakilala pa.

Naalala mo ba ang unang pagdating mo sa aking mundo
Tila kasing init ng araw ang mga unang yakap at halik mo
Ramdam ko ang galak sa tuwing hinahawakan mo ang aking mga kamay
Ramdam ko ang kuryenteng dumadaloy sa tuwing ipaparamdam mong mahalaga ako sayong tunay

Binibigyan ng tsokolate upang ang pait ay mawala; pati rosas na pula upang ang ngiti ay makita
Sabay na nagsusuot ng damit pang-dyowa at sabay na inaabot ang mga "Relationship Goals" na para lang sa mag-jowa,
Sabay na kakain sa restaurant, fastfood chains o sa turo-turo ngunit ang goal ay magsubuan o uminom sa basong may dalawang straw,
Kahit ang sikat ng araw ay tirik na tirik, o kahit na sobrang lamig, tara tuloy parin basta't ang mahalaga ay makasama mo siya ng buong araw ng walang halong pagsisisi.

Parang unang telepono, na itatago mo sa bulsa sa takot na makakuha ito ng bagong makakausap, na
Parang unang sweldo, na itatago mo dahil natatakot kang hiramin ito ng iba, at hindi na maibabalik pa, na
Parang kwintas, na gagamitin mo sa mga okasyon at ibabalik sa kahon sa takot na manakaw ito ng iba at
Parang sapatos, na itatago mo lang sa loob aparador sa takot na madumihan ito ng iba.

Pero ang salitang una ay kumukupas din,
parang bagong pitas na rosas na malalanta rin
para bang mainit na kape na pinabayaan ng matagal at hinayaang nanlamig narin, at
para bang araw na sa sobrang init ng sikat ay may nabubuong bagyo narin
Na sa sobrang lakas ay nasira nito ang tirahan ko
at iniwang mag-isa at parang sisiw na nabasa ng kanyang luha.

Nagsulat ako, ng salitang tatlo,
Tatlo, unang tatlong pangyayari ang nagpabago sa aking buhay,
Una, atensyon ang ibinigay ko kahit na ako ay maraming ginagawa at pagod na
ngunit sa iyo ko lang rin unang maririnig ang mga salitang "salamat, at paalam na"
Pangalawa, pangalawang beses ko narinig ang salitang "mahal kita" pero
sa iyo ko lang rin unang maririnig ang salitang "tama na"
Pangatlo, pangatlong beses ko naramdaman kung paano ang magmahal pero
sa iyo ko lang rin unang mararamdaman kung paano ang masaktan.

Tanong ng aking sarili ay kung madadagdagan pa ba? Ngunit ang tanging sagot ko ay
"Sa unang beses mong pagtalikod, tanging hiling ko ay huwag ka ng lumingon
Huwag mo ng lingunin ang daang tinatahak ko, daang papalayo sayo
Sa una mong pag-iwas, umaasa ako na magkikita tayong muli,
Kahit sa ‘di tiyak na lugar o panahon basta ipangako mo na hindi ito ang huli
Sa ngayon ako'y mamamaalam hanggang sa muli nating pagkikita, hanggang sa huli."

Lagi ko ngang iniisip kung hanggang saan aabot ang salitang "una"
ngunit tanging oras lang ang makapagsasabi kung hanggang kailan ang salitang "una".
Kaya kapag una mo itong naramdaman at may unang senyales na dumagan,
Ipikit mo lang ang iyong mga mata at ibulong sa langit na kaya mo pang magsimula
At muling magsusulat at bubuo ng salitang "una".

Friday, September 11, 2020
Topic(s) of this poem: broken heart,first,love
COMMENTS OF THE POEM
Jazib Kamalvi 11 September 2020

Write comment. Such a nice poem, Joana M. F. Read my poem, Love and Iust. Thanks

0 0 Reply
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success