Pag-Ibig Poem by Lance Abellon

Pag-Ibig

Pag-ibig.


Isang salitang may kaakibat na matatamis at matatalinghagang diwa
na tumatama, tumitimo sa puso ng isang tao.


naghahatid sa isang tao patungong alapaap na palaging nagpapakita sa mga panaginip, at laging bukambibig sa tuwing kinikilig,


ang ibang pakiramdam ng pag-iwan ng marka sa mga labi mong
oras-oras ay nagpapabuang sa buong araw mo,


na habang tumatagal ay bumibilis at tumatagos hanggang buto, umaagos,
ang tibok ng iyong puso,


sa sobrang bilis nito ay dumadagundong ang iyong daigdig
na natamo mula sa kislap ng kanyang mga mata, bawat kindat,
pikit, lagkit, bukas, at mga titig,


na para kang matutunaw, matutunaw, na ikaw ang kanyang tinatanaw,


na bumubuo at bumubukas ng mga posibilidad na mahulog ka
sa isang taong matagal nang itinitibok ng puso.


na pangalan niya ang sinsigaw ng bawat pintig ng pulso,
sa kakasigaw ay halos mapaos ang lalamunan.


isang salitang karaniwang inuugnay sa mga panahon ng panliligaw ng pagsuyo,
mga awit ng pagsinta, paghanga, at pagsamba,


isang salitang may kaakibat ng pagpapaubaya at pagpaparayang
naghahatid sa napipintong paglaya

ng mga pusong nakabilanggo ng matagal sa rehas ng pagkukunwari
at unti-unting pagbangon sa itinamong mga gasgas,
mga pasa na dulot ng kahapon.



Pag-ibig.



isang salitang may kaakibat na mga sandali ng paghaplos, pagdamay,

pagyakap sa mga taong matagal nang manhid dahil sa mga suntok ng pait, poot, at pagkamuhi


nagdudugtong sa mga pusong ilang milya man ang layo sa isa'-isa

ay habambuhay iingatan ang sumpaang inusal sa harap ng dambana ng Diyos,


isang salitang kaakibat ang mga pagsubok na alang-alang sa nararamdaman

ay hindi kailanman hahantong sa pagsukong malampasan ang bawat balakid.


ngunit:

karaniwan ring nagiging dahilan ng sakit na naiiwan sa puso,
bawat hiwa nito ay nakakapanghina, na humahantong kadalasan sa pagluha,


na sandaling maramdaman ito ay ang dahan-dahang pagtigil ng mundo,
ng pag-ikot nito na hindi mo malaman ang dahilan,


ang pagtigil nito sa iyo, sa pag-ikot nito sayo.
mga sandaling sumisigaw ang puso ng pagsuko.


subalit isa rin itong salita ng paghilom.


isang salitang nagpapaalala ng dahilan ng ating pagsilang,
upang ating naramdaman ang bawat yakap, mga tapik sa balikat
na naghahatid sa atin sa isang pag-asang may umaga muling darating sa ating buhay.



Pag-ibig ang magiging laging bukambibig,
mula sa tunay na pinaggalingan ng salitang ito,


sa paniniwalang ito sa huli ang mananaig.



11 Mayo 2016

Monday, May 16, 2016
Topic(s) of this poem: love and life
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success