Pinoy - Nais Ko... Poem by Masked lady

Pinoy - Nais Ko...

Nais kong sumulat ng isang awit
Sa tenga ang tunog ay kay tamis
Tulad ng unang uha ng sanggol pagsilang
Pag narinig sa galak wala kang pagsidlan.

Nais kong iguhit ang anyo ni inang kalikasan
Nang ang tao ito ay dipa pinagsasamantalan
Upang may maiwang alaala’t Pamana
Sa mga batang ganda ay dina nasilayan.

Nais ko ring ipinta ang masayang pamilya
Andon si tatay, si nanay, si bunso, si ate at si Kuya;
Sabay sabay nagdarasal, sabay sabay kumakain
Sa simple at masarap na luto ni nanay at inihain.

Subalit san ko na huhugutin,
Itong aking mga nais gawin?
Wala na ang matamis na awit
Inagaw na ng lungkot at hapis.

Wala na rin ang ganda ni inang kalikasan
Dahil sinira na’t pinagsamantalahan
Nitong mga taong walang pakundangan
Walang inisip kundi ang magpayaman.

Meron pa bang masayang pamilya?
Diba’t lahat sa pagpapayaman ay abala?
Sina tatay at nanay ay OFW na,
Sina bunso, ate at kuya ay ligaw na.

Sabihin mo sa akin, saan na makakarating
Itong bansang nasa dilim
Paano na ang lilikhain kong awitin?
Paano na ang larawang aking guguhitin?


Masked Lady
Aug.19,2009

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Masked lady

Masked lady

Manila, Philippines
Close
Error Success