Sa Gitna Ng Dalawang Mundo Poem by J.M. Española

Sa Gitna Ng Dalawang Mundo

Sa di-inaasahang pagkakataon,
Dalawang mundo ang nagbunggo.
Umabot nga sa di-kalauna'y,
Puso naman nila ang nagtagpo

Balakid sa daan ay di alintana,
Hahamakin ang lahat pati ng tadhana.
Magkahawak kamay, mata sa mata,
Mukha'y nagsasalamin ng anong sigla..

Bakit di tayo lumipad patungo sa walang hanggan?
Tayo ang pupuno sa ating bawat kakulangan...
Basta't ang alam ko, sa iyong kanlungan,
Di makararanas ng anumang kalungkutan...

Tayo ay sumabay sa agos ng hapon,
Pumunta sa hangganan ng mundo't panahon.
Basta't ang alam ko, pag ika'y kasama ko,
Ang tanging daigdig ko'y nasa mata mo.

Bakit di natin langhapin ang simoy ng ulan?
Gawin ang mga bagay na di pa nasusubukan?
Basta't ang alam ko, tanging sa piling mo,
kakaibang galak ang nadarama ko...

Hanggang saan kaya dadalhin ng langit,
Pagsintang nadarama para sa king iniibig?
Sapat kaya ito upang maligtas ko siya,
Laban sa mga naglalayo sa ming dalawa?

Bakit di tayo magtampisaw sa ihip ng ulap?
Kung san ang mga pangarap ay nagiging ganap?
Wag kang lalayo, pagkat sabi ng puso ko,
Habambuhay daw siya'y mamalaging iyo...

Bakit hindi tayo maghawak ng kamay,
At sa kalawakan tayo ay maglakbay?
Basta't ang alam ko, hindi ako bibitaw,
Mundo man ay gumuho't tuluyang magunaw...

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success