Sabihin Mo Sa Aking Walang Lumalang Poem by Romack Natividad

Sabihin Mo Sa Aking Walang Lumalang

sino ka man, sabihin mo sa aking walang Lumalang
iyong ipatalastas ang pinakaubod na dahilan
matibay na dahilan ng iyong pinaninindigan
sabihin mo sa aking walang Lumalang, sino ka man

hindi malirip na hangganan ng kalawakan
hindi mabilang na mga bituing nagaawitan
hindi maarok na kalaliman ng mga karagatan
hindi mabilang na mga gawa sa sansinukoban

aling Kapangyarihan nga, na makagagawa
nagpapalutang ng mga bituin at galaksiya
aling Kapangyarihan nga, na kamanghamangha
makagagawa ng unibersong napakahiwaga

aling panlulan nga ang ating masasakyan
lilipad sa mga hangganan ng kalawakan
aling panlulan nga na maaring panirahan
sisisid sa mga sahig ng kalaliman kailanpaman

sinong pantas na syentipiko nga, mangangahas na magwika
walang Lumikha, lahat nagumpisa sa wala, walang Lumikha
sinong 'pakilalang propeta nga, mangangahas na magwiwika
walang kabuluhang pagpapagal, mula sa wala't paroroon sa wala

aling pantas at mayamang tao nga ang makagagawa
makapagpapahaba ng kaniyang buhay sa yaring lupa
aling makabagong teknolohiya nga ang makagagawa
makalilikha kaya kahit munting bagay na mula sa wala

sino ka man, sabihin mo sa aking walang Lumalang
iyong ipatalastas ang pinakaubod na dahilan
matibay na dahilan ng iyong pinaninindigan
sabihin mo sa aking walang Lumalang, sino ka man

ang alingawngaw sa kalawaka'y napakatamis na pakinggan
malambing na bulungan ng kalaliman ng mga karagatan
masayang koro ng lahat na mga nilalang napakasarap na pakinggan
isang awit, isang tinig, ng lahat sa sansinukob ay naninirahan

sino ka man, sabihin mo sa aking walang Lumalang
iyong ipatalastas ang pinakaubod na dahilan
matibay na dahilan ng iyong pinaninindigan
sabihin mo sa aking walang Lumalang, sino ka man

Tuesday, October 3, 2017
Topic(s) of this poem: god,hindi,truth
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success